GISING AKO (MAIKLING KWENTO)
Ang bilis ng pintig ng aking puso.
Damang-dama ko ang init ng sikat ng araw na parang unti-unting
sumusunog sa aking balat. Para akong naliligo sa sarili kong pawis;
nahihirapan akong tumitig ng diretso sa daan dahil umaagos sa aking
mga mata. Isang malakas at mabilis na yabag ang aking naririnig.
Papalapit ng papalapit. Palakas ng palakas. Binilisan ko pa ang aking
pagtakbo. Nasa likuran ko ang isang malaking aso na humahabol sa
akin. Mas malaki pa sa katawan ko ng dalawang beses. Nakakapangilabot
ang istura nito. Naglalaway, nanlilisik ang mata at kumakahol ng
napakalakas. Hindi ko alam kung bakit ako hinahabol nito o kung ano
dahilan bakit parang gusto ako nitong kainin ng buhay. Basta nakita
ko na lang ang sarili ko na tumatakbo na at may humahabol sa likod.
Nasabi ko sa sarili ko bahala na. Kayang-kaya ko pa naman tumakbo ng
malayo. Ang takot ko ay napalitan ng kasiyahan. Ewan ko ba. Nakita ko
na ang dulo ng tinatakbuhan ko. Nasa taas pala ako ng bundok.
Maabutan na ako. Tatalon ba ako? Kapag naabutan ako nito sigurado
patay ako, kapag tumalon naman ako sa bangin mamamatay din ako. Sa
panahon na ito wala na akong ibang iniisip. Tatalon na lang ako.
Nakatitig lang sa akin ang malaking aso habang ako naman ay papunta
na sa aking katapusan. Paalam.
Biglang nagdilim.
Biglang bumukas ang aking mata. Ano
bang nangyari? Nakahiga ako. Nandito ako sa aking kwarto. Nasa tabi
ko ang aking kaibigan. Natandaan ko na nakitulog pala sya kasama ko
dahil wala na syang masakyan pauwi sa kanila. Malayo-layo rin kasi
ang bahay nila. Madilim ang kwarto. Konting liwanag lang ng buwan ang
sumisilip sa maliit na bintana ng aking kwarto. Nanlaki ang mata ko
bigla. May kung anong nakatayo malapit sa gilid ng pintuan.
Kitang-kita ko kasi nakatagilid ang paghiga ko sa kama; matangkad ito
pero hindi ko makita ang mukha dahil medyo madilim sa parte na iyun.
Kinikilabutan ako ng sobra. Pinagpapawisan ako. Alam ko na nandito
katabi ko ang kaibigan ko kaya alam ko na ibang tao ang nakikita ko.
Natatakot na ako ng sobra. Gusto kong bumangon para gisingin ang
katabi ko o buksan ang ilaw na malapit lang sa aking ulo ngunit hindi
ko magalaw ang aking katawan. Pinipilit kong igalaw ang aking kamay
at ang aking paa ngunit hindi ko magawa. Kinikilabutan na ako ng
sobra. Magsasalita sana ako ngunit hindi ko maibukas ang aking bibig.
Ibang klaseng takot ang nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag pero
alam ko na gising na ako. Hindi ito panaginip. Imposibleng panaginip
ito. Sumisigaw na ako pero hindi bumubuka ang aking bibig; walang
tunog na lumalabas kahit anong sigaw ang gawin ko. Nanlalaki ang mata
ko at nakakahiya mang aminin alam ko na naglalaway na ako sa mga oras
na ito. Patay na ata ang katawan ko.
Nakita ko na gumalaw ang tao. Mabagal
itong naglalakad palapit sa akin. Unti-unti na akong pinapatay ng
aking takot.
Naririnig ko ang kalabog ng mga paa nya
habang palapit sya sa akin. Isang malakas na tunog na nagpapatindig
sa aking balahibo. Hindi ko rin makita ng mabuti ang mukha nya.
Inaantay ko na tamaan sya ng liwanag ng buwan para mas makita ko sya.
Gusto ko sana ipikit ang aking mga mata pero nandun 'yung pag-nanais
ko na makita ito kahit pa parang mamatay na ako sa sobrang takot.
Tinamaan na ito ng liwanag ng buwan at nakita ko na ang itsura nito.
Kulay itim sya at walang mukha.
Lumapit sya sa akin at umupo sa tabi
ko. Ramdam ko ang paggalaw ng hinihigaan namin. Sumisigaw na ako ng
napakalakas pero sa isip ko lang nangyayari kasi hindi ko magawa.
Pinipilit kong igalaw ang aking katawan pero para akong patay na
nakahiga sa kabaong. Bakit ba hindi nagigising si Paulo?! Hindi ito
panagip! Alam kong gising na ako! Iginalaw nya ang kanyang kamay at
ipinatong sa aking ulo. Ang lamig ng pakiramdam. Hinahawak-hawakan
nya ang buhok ko habang nanlalaki naman ang aking mga mata. Inilapit
nya ang mukha nya sa akin at may kung anong ibinubulong sya sa aking
tenga. Nakakapangilabot na boses. Hindi ko maintindihan, basta
nararamdaman ko lang ang malamig na hininga nya sa aking tenga. Bigla
nyang inilapit ang mukha nya sa mukha ko. Biglang dumilat ang kanyang
napakalaking mata. Kulay dilaw na mga mata at ibinukas nya ang
knayang napakalaking bibig na may matatalim na ngipin. Sinakmal nya
ng buo ang aking ulo.
Ahhhhhhhhhhhhh....
Isang malakas na pwersa ang naramdaman
ko. May tumulak bigla sa likod ko. Tumilapon ako bigla sa aking
hinihigaan at lumagapak sa sahig. Ramdam ko ang malakas na pag-tama
ng ulo ko sa sahig.
Tumingon ako sa likod ko. Tulalang
nakatingin sa akin sa Paulo. Nagtataka.
“Hoy ano ba nangyayari sa'yo?
Umuungol ka kaya nagising ako. Hindi ko alam na may katabi pala akong
aso na matulog. Tinapik kita pero bigla kang napalundag dito sa kama”
sabi nya.
“Huh?” nagtataka ako.
“Binabangungot ka. Tingnan mo nga
itsura mo naliligo ka sa pawis at..err, naglalaway ka.”
Tiningnan ko ang loob ng aking kwarto.
Madilim pa rin. At liwanag lang ng buwan ang pumapasok sa nakabukas
na bintana.
“May nakita ako eh” sabi ko
“Ano?” tanong nya habang
tinutulungan ako na bumangon sa sahig.
0 comments:
Post a Comment