1/16/16

BUOD NG IBONG ADARNA*



         Si Haring Fernando at si Reyna Valeriana ng kahariang Berbanya ay may tatlong anak na lalaki: sina Don Pedro, Don Diego at Don Juan. Payapa ang kaharian; nasisiyahan ang lahat.

          Ngunit nagkasakit ang hari at ayon sa mangggagamot ng kaharian, iisa ang makalulunas dito: ang awit ng Ibong Adarna.

        Unang naglakbay ang panganay na si Don Pedro upang hanapin ang mahiwagang ibon. Mahigit na tatlong buwan siyang naglakbay bago narating ang bundok Tabor na kinaroroonan ng Piedras Platas, ang punungkahoy na tahanan ng Ibong Adarna. Namumukod ito sa iba pang mga puno dahil sa mayabong na mga dahong kumikinang na tulad ng dyamante lalo't natatamaan ng araw. Sa ilalalim ng nasabing puno nagpahinga ang prinsipe hanggang sa makatulog ng mahimbing. Hindi na tuloy niya namalayan ang pagdating ng isang napakagandang ibon, ang pag-awit nito nang pitong beses at ang pitong beses na pagpalit ng kulay ng balahibo pagkaawit. Pagkaraan, nagbawas ang ibon at pumatak sa natutulog na prinsipe ang dumi nito. Noon din, naging bato si Don Pedro.

            Nainip ang kaharian sa di pag uwi ni Don Pedro kaya't ipinadala ng hari ang pangalawang anak,  si Don Diego. Limang buwang naglakbay ang prinsipe hanggang sa sapitin niya ang bundok Tabor. Ngunit tulad ng nakatatandang kapatid, naging bato rin si Don Diego sapagkat nakatulog siya sa lambing ng awit ng ibon.

            Nang di makabalik ang dalawang kapatid, si Don Juan naman ang naglakbay. Sa kanyang paglalakbay, di nakalilimot si Don Juan na tumawag sa Birhen. Apat na buwan siyang naglalakbay nang makatagpo niya sa isang landas ang isang matandang ketongin. Pinakain ito ni Don Juan at bilang ganti sa kabutihang loob ng prinsipe, pinapunta ito ng matanda sa isang ermitanyo na nagtagubilin kung paano mahuhuli ang ibong Adarna. Matapos hulihin ang mahiwagang ibon, binuhusan ni Don Juan ng tubig ang dalawang malaking bato sa ilalim ng Piedras Platas at pagdaka'y nagbalik sa dating anyo sina Don Pedro at Don Diego.

            Sa landas pauwi, binugbog nina Don Pedro at Don Diego ang bunsong kapatid upang mapasakanila ang karangalan sa pagkahuli sa Ibong Adarna. Iniwan ng dalawa na pasa-pasa at ni hindi na makabangon si Don Juan. Ngunit pagsapit sa Berbanya, ayaw umawit ng Adarna, na naging isang pangit na ibon. Samantala, pinagyaman ng isang matanda si Don Juan kaya't nakauwi rin ito. Pagkakita ng ibon kay Don Juan, agad nitong inawit ang tunay na pangyayari. Nang malaman ng hari ang katotohanan, iniutos nitong ipatapon ang dalawang anak na naglilo, ngunit nakiusap si Don Juan na patawarin na ang dalawa. Mula noon, gabi-gabi'y naghahalili ang magkakapatid sa pagbabantay sa Ibong Adarna. Isang gabi, pinawalan nina Don Pedro at Don Diego ang ibon upang palitawing nagpabaya sa tungkulin si Don Juan. Nang malamang nakawala ang Ibong Adarna, kusang lumayo si Don Juan upang pagtakpan ang kasalanan ng mga kapatid. Ipinahanap ng hari ang bunso at nagkita-kita ang magkakapatid sa bundok ng Armenya.

            Nakakita sila ng isang napakalalim na balon na walang tubig. Bumaba si Don Juan sa balon at ang nakita roon ay palasyong yari sa ginto't pilak na kinaroroonan ng magkapatid na Juana at Leonora. Napatay ni Don Juan ang higante at serpyenteng may pitong ulo na nag-tatanod sa dalawang dalaga. Pagkaraan, isinama niya ang dalawang dilag sa itaas ng balon.

            Pagkakita sa magkakapatid, agad umibig si Don Pedro kay Leonora at si Don Diego kay Juana. Muling nagbalak ng masama ang dalawang prinsipe. Nang muling bumaba sa balon si Don Juan upang balikan ang singsing na naiwan ni Leonora, biglang pinutol ni Don Pedro ang lubid na gamit nito sa pagbaba kaya't nahulog ang prinsipe at nagkabali-bali ang mga buto. Sa kapipilit ni Don Pedro, sumama na rin sa Berbanya si Leonora, matapos pagbilinan ang engkantadang lobo na gamutin si Juan.

            Nakauwi ang magkapatid kasama ang dalawang dilag. Ikinasal sina Don Diego at Juana. Si Leonora ay nakiusap na hayaan muna siyang tupdin ang panatang mamuhay nang mag-isa sa loob ng pitong taon bago magpakasal kay Don Pedro. Ang totoo, hinihintay ni Leonora ang pagbabalik ni Don Juan.

            Samantala, gumaling si Don Juan nang gamutin ng engkantadang lobo. Dumating ang ibong Adarna at sinabi kay Don Juan na limutin na si Leonora at hanapin ang Reyno de los Cristal na kinaroroonan ng napa-kagandang prinsesang si Maria Blanca, anak ni Haring Salermo. Naglakbay nang napakalayo si Don Juan, at sa tulong ng mga ermitanyo ay nakarating sa inihimaton ng Ibong Adarna. Pag-ibig sa unang pagkikita ang nadama ng prinsipe at prinsesa ngunit malupit ang ama ng babae. Bawat manliligaw ay pinararaan sa pagsubok at ginagawang bato kapag di nakapasa.

            Sa tulong ng mahika blanka ni Maria, nalampasan ni Don Juan ang sumusunod na mga pagsubok: pagpatag sa bundok upang pagtaniman ito ng trigo, na ang bunga ay ginamit sa paggawa ng tinapay na inihain sa almusal ng hari; 2) pagbabalik sa 12 negrito na pinawalan sa dagat; 3) pag uusod ng bundok sa tapat ng palasyo; 4) paggawa ng palasyo kastilyo sa dagat; 5) pagbabalik sa dating lugar ng bundok na ginawang kastilyo; 6) paghanap sa dagat ng dyamanteng singsing ng hari; at 7) pagpapaamo sa simarong kabayo na sa katunayan ay si Haring Salermo mismo na nag-ibang anyo. Lahat ng ito ay ipinagawa sa loob lamang ng magdamag. Sa kapabayaan ni Don Juan, naputol ang isang hintuturo ni Maria sa ikaanim na pagsubok, at ang putol na hintuturong ito ang naging palatandaan ni Juan nang papiliin siya sa tatlong prinsesa na nakakulong sa isang kwarto at hintuturo lamang ang nakalabas.

            Bagama't nakapasa sa mga pagsubok si Juan, tumanggi pa rin ang hari na ipakasal dito ang anak na prinsesa, kaya't nagtanan ang dalawa. Nagkasakit si Haring Salermo hanggang sa mamatay.

            Nang sumapit sa Berbanya ang dalawa, iniwan muna ni Don Juan si Maria sa nayon at mag-isa siyang umuwi upang maghanda ng maranyang pagsalubong sa prinsesa. Pagdating ni Juan sa palasyo, agad itong niyakap ni Leonora at ang prinsipe naman ay nakalimot kay Maria. Inihanda ang kasal nina Don Juan at Leonora.

            Sa araw ng kasal, dumating si Maria at naghandog ng palabas na nagpapaalala kay Juan ng nakaraan. Isinalaysay naman ni Leonora ang ginawa niyang pagtulong kay Juan at ang matiyaga niyang paghihintay sa pagbabalik nito. Nang ipasya ng arsobispo na kay Leonora ipakasal si Juan, nagalit si Maria at pinabaha ang buong kaharian. Noon nagpasya si Juan na kay Maria magpakasal. Si Leonora naman ay nagpakasal na kay Don Pedro.

            Ipinamana kay Don Pedro ang kaharian ng Berbanya. Bumalik sa Reyno de los Cristal sina Juan at Maria at naghari roon ng mapayapa.


*Mula sa aklat na Ibong Adarna: Isang Interpretasyon ni Rodillo, Espiritu, Gonzales, Fortunato, at Batnag. 1995.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM