DRINK MODERATELY
"Before I leave, brush my teeth with a bottle of Jack"
-Ke$ha
Ang pinoy magaling sa inuman. Kapag may pista, inuman. Kapag may nag-birthday, inuman. Kapag may namatay na kapamilya, inuman. Kapag nabasted, inuman. Kapag may kasalan, inuman. Nagpatuli si Nonoy, inuman. Nakapasa sa Algebra, inuman. Sa wakas grumadweyt na, inuman. Walang nahahanap na trabaho, inuman. Whew. Sadyang mahilig lang talaga tayo sa mga inuming nakalalasing. Iba naman kasi ang feeling kapag lasing ka na; ibang klaseng kasiyahan lalo na kapag nagsisimula ka nang lunukin ng espirito ng alak, yung tipong umiikot na ang paningin mo, ang katabi mong lalaki ay nagmumukha ng babae sa iyong paningin, pagtingin mo sa kamay mo nagmumukha ng kamay ni Hulk, tapos nahalata mo na lang na tumatakbo ka na papunta sa damuhan at maya-maya ay walang prenong lumabas sa bibig mo ang lahat ng kinain mo kasama na ang ininum mong alak pati na rin iyong longganisa at ukoy na kinain mo noong nakaraang araw. Ang asim, daig pa ang sinigang sa sampalok. Sobrang amoy alkohol na ang hininga mo kulang na lang sindihan ng posporo para magliwanag ang bahay na naputulan ng kuryente. Bakit ba kasi hindi na lang uminom ng gatas? Akalain mo yan, magtrotropa nag-iinuman ng gatas sa gilid ng kalye tapos ang pulutan ay Oreo. Masyadong hardcore, pero mabuti na yan para tahimik lang ang jamming. Tapos maghilamos kasi may mga gatas na kayo sa labi.
Nakakatawa rin na ang iba ay gumawa pa ng mga stratehiya para lang di malasing. Halimbawa, at dahil sobrang seryoso ang inuman kasi ang topic ay tungkol kay Spongebob, 'di natin namamalayan na ipinandidilig na pala ng katabi mo sa lupa ang gin o beer para konti na lang ang kanyang mainum. Pati ba naman sa inuman uso na ang dayaan? Kala ko sa National Election lang? Kala ko sa exam lang? Ang iba naman kung makalagay ng inumin sa baso akala mo parang bata lang na iinum ng tiki-tiki. Ang konti naman parang mas madami pa ang laway na tumutulo sa bibig mo kapag natutulog ka. Ang iba pasikat pa yan pag uminom, puno ang nasa baso at paswabe pa kung uminom. Cool! Tapos makikita mo yan katabi na ng aso na natutulog sa gilid ng punong mangga. Tapos hindi mo na alam ang nangyari. Hindi mo na alam na ginawa ka ng drawing book ng mga kainuman mo, sinulatan ang mukha mo, kamay, paa pati pwet. Paggising mo nakahiga ka na sa kama, hubo't hubad at hindi mo na alam kung nasaan ka na. Swerte mo kung katabi mo chicks, malas mo naman kung kabaliktaran. Ay naku, ganyan katindi. Pero masasabi natin na parte na talaga ng pagiging pinoy ang inuman. Mahina ka kapag hindi ka magaling uminom, astig ka naman kapag tindig Spartan ka pa kahit naubos niyo na ang sangkatirbang gin.
Masarap uminom ng mga inuming nakalalasing. Oo, mapait pero kakaiba kasi may sipa. Pero tulad ng ibang inumin, ito ay nakakabuti sa katawan at nakamamatay naman kapag sumusobra. Karamihan sa atin hindi alam ito, kasama na ako. Atleast ngayon nagresearch naman ako ng konti para may masabi lang.
Sinasabing ang katamtamang dami ng iniinum na alak ay nakakatulong para masugpo ang mga cardiovascular diseases. Ito ang mga sakit na nakakaapekto sa puso, at mga blood vessels na sa kalauna'y maaaring magdulot ng stroke o heart attack. Aba, kung ganito rin lang aba'y bibili na ako ngayon din ng beer. Opps. Sabi pa sa Harvard Health Publications, kapag umiinom ka ng katamtaman dami ng alak (hindi ko alam kung ilang bote ba ang tama) ay nakapagpapataas ng high density lipoprotein o good cholesterol level sa mga bloodstream, at dahil dito ay maaaring mabawasan ang panganib ng pagbabara sa mga blood vessels. Isang pagpupugay para sa mga dakila at expertong mga lasinggero ng bayan! Awoh!
Ayon sa mga isinagawang pag-aaral, nababawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng diabetes kapag umiinom ng katamtamang dami ng alak, Nagkakaroon ng sakit na diabetes kapag mahina ang produksiyon ng insulin sa katawan. Nababawasan din nito ang tsansa ng pagkakaroon ng gallstones.
Tama na muna ang pagsasaya, lalo na kapag mayroon ka na dati pa ng sakit sa puso. Masyadong delikado ang pag-inum ng mga ganyan kapag alam mo na may sakit ka kasi nakakadulot pa daw ito ng mas malala pang mga komplikasyon sa puso. Hindi ko lang alam kung nakakaapekto o delikado ito sa mga lasinggerong brokenhearted. Kung hindi pa kayo natatakot, delikado rin ito para sa mga high-blood dahil maaaring mabara ang mga arteries mula sa utak na nagdudulot ng malubhang pagkaputol ng supply ng dugo sa utak o stroke.
Marami na ang namatay dahil nasobrahan ng inom. Alcohol poisoning ang nangyayari minsan, kung saan hindi na kinakaya ng katawan ang sobrang alkohol. Balak ko sanang sumali sa isang kompetisyon kung saan unahang makaubos ng isang malaking baldeng puno ng beer, kaya lang natatakot ako na sumuka sa tabi ng mga anghel sa langit. At marami na tayong nababalitaan na namatay dahil sa aksidente sa sasakyan, at syempre dahil yan sa kalasingan. Araw-araw may naaaksidente, at di dyan mawawala ang isang pasaway na pinilit pa rin na magmaneho kahit alam nya na lasing na lasing na sya. Mahirap magmaneho ng lasing. Yeah. Hindi ako marunong magpaandar ng kotse at pati na rin motor, yeah medyo nakakahiya, pero masasabi ko na tanga ka kapag pinilit mo pa rin kahit sinasabi na ng katawan mo na hindi na niya kaya. Sabi mo “ako'y daredevil kahit nakainom kaya ko pa iparampa itong sinasakyan ko kahit sa ibabaw pa ng Mayon Volcano”. Tinggan mo ngayon basag na ang bungo mo at gudluck kasi pagkakataon mo ng mameet si devil. Lol. Minsan nga umuwi ako ng lasing. Nasa bus pa lang ako ay parang sasabog na ang bunganga ko, parang sasabog na pinipilit ko na lang kasi katabi ko magandang babae. Nakakahiya naman sumuka sa loob ng bus at lalong hindi pa nga ako ready sumikat sa youtube. Pagbaba na pagbaba ko saka na sumabog ang Mount Vesuvius. Nakaupo ako sa gilid ng tricycle at tumutulo sa bunganga ko ang lava. Whew. Nakakahiya. Pero kapag lasing ka na di ba nawawala na ang hiya. Walang hiya ka na kapag nakainum. Kaya yun umuwi ako ng pagiwang-giwang at walang direksyon na tumama pa ang katawan ko sa isang gate ng isang bahay sa gilid ng daan. Ouch. May pagkakataon nga na nagising na lang ako na walang damit pantaas. Hinanap ko at nakita ko na nasa baba na ng sahig. Ng isinuot ko ay kakaibang amoy ang aking nalanghap. Aw, may suka! Natry ko na rin uminom sa loob mismo ng bus. Hawak ng kaliwa kong kamay ang isang lata ng beer habang hawak naman ng kanan ang isang chicharon. Walang tubig-tubig. Astig kaso iba na ang titig sa akin ng katabi ko habang ako'y sarap na sarap na umiinom. Tatanungin ko sana kung gusto makipag-inuman.
Sinasabing ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Western Pacific region na walang batas na ipinagbabawal ang pagmamaneho kapag lasing. Talaga? Baka ngayon meron na, luma na kasi ang nabasa kong balita. Mayroon daw Bill 7083 o ang Driving Under the Influence of Alcohol Act pero hindi raw ganun ka epektibo. Ang sabi, ang isang 300 ml na bote ng beer na may 0.36 blood alcohol concentration (BAC) ay kayang maapektuhan ang abilidad ng isang 154-pound na lalaki na magmaneho ng isang sasakyan. Kaya napakadelikado ng magmaneho ng lasing. Kung hindi ka pa natatakot try mo tinggnan ang mga pictures o video sa bestgore o kahit sa youtube, yung mga naaksidente dahil sa kalasingan. Kung hindi ka pa natatakot isipin mo na lang na kapag naaksidente ka at nagkawasak-wasak ang brains mo sa daan ay sigurado may kakain nyan. Yuck. Kapag sinugod ang lugar natin ng mga zombies ay ikaw ang dapat sisihin!
Kaya ako hinay-hinay na lang ako sa pag-inum. Kapag may nanghihikayat sa akin na uminom, hindi ako sumasagot ng “gusto ko” o “ayaw ko”. Tinatanong ko kung anong klaseng inumin. Mahina ako sa gin, pare. Beer!
Sources:
Drinking and Driving in the Philippines; Manila Bulletin, July 24, 2010
Harvard School of Public Health: Alcohol; Balancing Risks and Benefits;
MayoClinic.com; Alcohol Use; If you Drink, Keep it Moderate; March 2011
National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism; Alcohols' Damaging Effects on the Brain; October 2004
Alcohol Research and Health; Health Risks and Benefits of Alcohol Consumption; 2000
0 comments:
Post a Comment