ANG KATOTOHANAN (MAIKLING KWENTO)
Nandito
ako ngayon sa library. Nagpasya ako na huwag na muna pumasok sa
klase, hindi dahil sa ayaw ko talaga ng Math, kundi para maghanap ng
mga lumang dyaryo para sa assignment sa Filipino. Kaya ngayon pawisan
akong naghahalungkat ng mga nakatambak na mga dyaryo at libro dito sa
isang kwarto. Nakatambak dito ang mga sira at di na ginagamit na mga
libro. Itatapon na ata ang mga ito o baka naman gagamitin na pampalit
sa toilet paper. Jowk. Hindi ako mahilig magbasa ng mga libro at
dyaryo. Mas gusto ko pang maglaro ng gameboy kaysa itutok ang aking
malaking mata sa libro, at kadalasan nga hindi ko rin naman
naiintindihan ang aking binabasa. Kung tatanungin mo ako kung
nagbabasa ba ako ng nobela? Ahm..hindi pero ipagyayabang ko rin naman
na nabasa ko ang Noli Me Tang....Noli Me Tangge..Tanggeri..ano nga ba
yun? Basta yung sinulat ni Jose Rizal.
Mag-iisang
oras na ako dito sa loob ng kwarto. Feeling ko nga kumapit na sa
uniform ko ang amoy ng mga lumang libro. Nababagot na ako, gusto ko
na umuwi ng bahay. Naramdaman ko na rin ang pagkalam ng aking
sikmura. Maya-maya ay may hawak hawak na akong lumang libro (o
notebook ba ito, ewan) na kulay puti. Ewan ko ba pero parang may
kakaiba sa librong ito. Alam ko na sulat kamay lang ito. Diary ba?
Asuws.
Nagpasya
akong umuwi na ng bahay. Napagod na ako, at sawang-sawa na ako sa
amoy ng mga lumang libro at dyaryo. Peace. Nakakahiya man sabihin
pero heto at dala-dala ko ang lumang libro na nahanap ko sa library.
Hoy hindi ko ito ninakaw kasi nakatambak na ito sa kwarto at itatapon
na rin kaya kinuha ko na lang. Pumasok ako sa aking kwarto at
nagbihis. Kiniha ko agad ang aking gameboy at naglaro. Walang
kasawa-sawa sa super mario. Maya-maya ay inihagis ko ang gameboy sa
aking kama at kinuha ang libro na nahanap (at hindi ninakaw) sa
library. Binuksan ko ito at nagsimulang magbasa. Walang title ang
libro. Heto lang ang nakalagay sa unang pahina:
Jessica
David
Ed
Tinay
Momoy
Sedric
Karla
Guel
Rica
Sino naman 'tong mga ito? Napabuntong-hininga na lang ako. Binuklat
ko ng binuklat ang bawat pahina. Mga short stories, dude. Storya nina
Jessica, David, Ed...Sinimulan kong basahin ang kay Jessica.
Si
Jessica ay isang makulit at pasaway na bata. Mahilig syang manakit ng
kapwa nya bata, at kadalasan, walang galang sa mga nakakatanda....
Nagbasa pa sya ng nagbasa....
Ng
naglalaro siya kasama ng ibang mga bata, naisipan na naman nyang
mangulit. Inagaw nya ang manika ng isang bata at tumakbo sya patungo
sa kalsada. Hinabol sya ng bata habang sya naman ay tuwang-tuwang
tumatakbo. Di nya namalayan na may matulin na sasakyan, dali-dali
kong hinablot ang damit ng batang si Jessica at ito ay tumumba ito sa
gilid ng kalsada. Muntik na syang masagasaan.
Aba, aba. Sino kaya ang nagsulat ng diary na ito? Binasa ko naman
yung kay David.
At
habang abalang nagluluto ang ina ni David, hindi nya namalayan na may
papalapit na maliit na ahas sa kanyang anak. Masayang naglalaro si
David ng bola sa sahig.Tinapik ko ang maliit na bola at ito ay
gumulong papalapit sa ahas. Tinamaan ito sa ulo kaya umalis na lang
bigla papalayo sa bata. Nakakatuwa kasi nakita ng bata ang pagtama ng
bola sa ulo ng maliit na ahas. Tumawa lang ito tapos pinagpatuloy ang
paglalaro. Hindi nalaman ng kanyang mga magulang ang nangyari.
What?? Ano ba ito diary ng isang tagapagligtas? Tagaligtas ng mga
batang paslit? Di ko alam na uso na rin pala ang epal noong panahon.
O baka sadyang mahilig lang talaga syang magsulat ng maiikling
kwento. Ewan.
Nagpatuloy ako sa pagbasa. At dahil nga sa tamad talaga ako, binabasa
ko na lang ang bawat dulo ng kwento. Boring ang intro, para akong
nagbabasa ng mga balita sa dyaryo. Peace.
Si Ed,
….....muntik
masunog dahil sa naiwang kandila sa loob ng bahay.
Bwisit, bakit kasi iniwang may sindi ang kandila. Ayun, niligtas ni
dakilang tagapagligtas! Superman!
Si Tinay,
….....muntik
ring masagasaan sa daan.
Si Momoy,
…....muntik
makagat ng ligaw na aso.
Si Sedric,
…..tumakas
sa kanilang bahay dahil sumama sa mga kabarkada. Muntik malunod sa
ilog.
Ay naku, maligo na lang kasi sa swimming pool! Pasaway.
Si Karla,
…..muntik
mahulog sa kahoy. Umakyat ng umakyat dahil nasabit ang kanyang
saranggola sa sanga ng kahoy.
Maglaro na lang kasi ng barbie doll.
Si Guel,
…..nagbakasyon
ang pamilya ng ilang araw sa kanilang lupain sa ibang lugar. Umalis
ng bahay ng walang paalam. Naligaw sa gubat. Muntik mahulog sa
bangin.
Napaisip ako. Kinuha ko ang remote at hininaan ang volume ng radyo.
Humiga ako sa aking kama at pinagpatuloy ang pagbabasa.
At
dahil nga unang beses pa lang sya nakapunta sa isa nilang bukid,
naisip nya na maglakad-lakad dala-dala ang kanyang camera. Masasabi
ko na kabilang sya sa mayaman na pamilya. Malaki ang kanilang bahay
na aakalain mong buong angkan ng pamilya ang nakatira. Kaisa-isa lang
syang anak, yan siguro ang dahilan kung bakit makulit at kadalasan,
hindi nya sinusunod ang utos ng kaniyang magulang. Walang kaalam-alam
ang kanyang magulang na masayang gumagala ang kaisa-isa nilang anak
sa gitna ng masukal na gubat. Maya-maya, nakakita sya ng puno ng
bayabas, agad syang umakyat at pinitas ang mga bunga na halos wala na
ngang natira. Sasabog na ata ang kanyang bulsa sa dami ng bayabas na
nakalagay. Tuwang-tuwa sya.
Pagkaraan
ng ilang minuto biglang nagdilim ang langit, biglang umulan ng
napakalakas. Tumakbo sya sa paiba-ibang direksyon. Maya-maya ay
umiiyak na sya. Hindi na nya alam ang daan pauwi at palabas ng
masukal na gubat. Hindi na nya alam ang gagawin; tumakbo na lang sya
ng tumakbo at di nya napansin na patungo na ang direksyon nya sa
bangin. Hindi nya nahalata dahil sa matataas at makakapal na damu at
talahib. At nangyari ang di-dapat mangyari: para syang bato na
nagpagulong-gulong pababa ng bangin. Sobrang napakabilis ng mga
pangyayari. Nalingat lang ako ng konti at ayon....Buti na lang at may
isang malaking bato ang humarang sa maliit nyang katawan. Kung walang
bato, baka nahulog na sya ng tuluyan sa bangin. Kinabahan ako.
Binuhat ko sya pataas ng bangin. At doon ko nahalata ang malaking
sugat sa kanyang ulo, duguan sya. Maya-maya ay nakita ko na
paparating ang kanyang mga magulang, halata sa mga mukha nila ang
pag-aalala at takot. Buti na lang at natunton nila ang lokasyon ng
kanilang anak. Dahil siguro sa mga bakas ng paa. Maswerte ka pa
rin...
Hindi ako makapaniwala. Tulala ako ng ilang minuto. Tumayo ako at
humarap sa salamin. Tumutulo na ang aking luha. Kahit anong pigil ko
na huwag umiyak ay parang wala ring nangyayari. Nanlalambot rin ang
aking mga tuhod. Tiningnan ko ng malapitan ang aking mukha, at sa
taas ng aking kilay makikita ang malaking piklat. Kung sino ka man,
ano man ang pangalan mo at kung saan ka man ngayon...utang ko sa iyo
ang buhay ko.
Binalot ko ang libro ng aking malaking panyo at saka nilagay sa aking
aparador.
'Sya nga pala, ako si Miguel San Jose.
II
Sa isang madilim na kwarto, isang babae ang maingay na naghahanap at
naghahalungkay sa kanyang mga nakatambak na gamit sa isang malaking
kahon. Pinagpapawisan na ito at halatang naiinis na dahil hindi nya
nahahanap ang kung ano mang importanteng bagay na kailangan nya.
“Ma',
saan mo ba kasi nilagay 'yung book ko sa Algebra? Kailangan ko kasi
ngayon.”
“Nandyan
lang yan, hanapin mo” sabi ng kanyang nanay.
Maya-maya ay nahanap na nya ang libro sa Algebra. At sa ilalim nito
ay may kulay puting aklat. Lumang-luma na ito.
“Rica..anak...halika
na at kakain na tayo. Tama na muna ang paghahanap ng librong 'yun,
ako na lang bahalang maghanap mamaya” sabi ng kanyang nanay.
“Ah
sige bababa na po. Nakita ko na ang libro” sagot ni Rica.
Lumabas na sya ng kwarto dala-dala ang Algebra book at isang lumang
puting libro.
-----------------------------------------------------------------------------
Note: Bakit ko naisip ang ganitong
storya? Isang araw nanaginip ako, at sa aking panaginip may tinanong
ako ng parang ganito: Paano kung isang araw may mabasa ka sa isang
dyaryo o magasin na ang nilalaman ay tungkol sa sarili mong buhay,
mga sekreto at mga importanteng pangyayari na ikaw lang ang
nakakaalam pero hindi mo naman alam o hindi mo naman kakilala ang
nagsulat ng artikulo? Bakit nya alam ang mga nangyari sa buhay mo
mula pagkabata? Sino sya? Walang nakalagay na picture ng nagsulat at
wala ring nakalagay na pangalan at lalong imposible na malaman pa
kung sino sya dahil lumang-luma na ang dyaryo (o magasin). Parang
ganyan ang tinanong ko sa aking panaginip. At yeah, napaisip talaga
ako ng bigla akong magising. Ikaw, ano masasabi mo?
0 comments:
Post a Comment