4/16/16

KWENTONG JOB HUNTING SA KAGUBATAN

Isang buwan lang 'dre.

Dumating nga ang pagkakataon na nagdesisyon ako na umalis na at huwag na magtrabaho sa Naga City. Ilang taon na rin ako doon at masasabi ko na kailangan ko na rin maghanap ng bagong lugar kung saan ako magtatrabaho at kikita g pera. Tatlong taon na rin akong nagtatrabaho at masasabi ko na hindi talaga sapat at parang wala naman akong napapala. Mahirap pa naman maglipat at lalong mahirap iuwi ang isang bundok ng gamit na naipon ko sa boarding house ng ilang taon.

Nagpasya ako na sa Maynila na maghanap ng trabaho. Bakit? Kasi sa tingin ko mas marami ang opurtunidad na posibleng naghihintay sa akin; maraming kompanya ang pwede pagpilian at medyo malaki-laki ng konti ang sahod kumpara doon sa amin. Sa puntong ito hindi ko na iniisip ang sinasabi ng karamihan na delikado mamuhay raw sa maynila kasi nagkalat ang mga pasaway, magulo at higit sa lahat ay ang polusyon. Wala akong pakialam. Ayaw ko mang mapalayo sa aking pamilya eh wala na rin akong magagawa pa. Nakapag desisyon na eh. Sa edad kung ito ay iniisip ko na na dapat maghanap ng trabaho na mas maganda at 'yung sahod na hindi mo aakalain na parang baon lang ng isang elementary student. Sayang naman ng experience at ng skills kaya go.

Isang buwan lang ang binigay ko sa aking sarili na makahanap ng desinteng trabaho. Kung hindi aabot ng isang buwan eh di mas maganda. Yan ang plano ko pagdating ko sa maynila. Hindi ko sasayangin ang oras at araw ko kakatambay. Maghahanap ako ng maghahanap kahit maging kasingkulay ng apelyido ni Jack Black ang aking kutis. 'La na ako pake. Ok daw ang fighting spirit ko sabi ng bibig ko mismo. Bakit ba isang buwan? Kasi una sa lahat masasabi ko na hindi kalakihan ang dala kung pera. Sapat lang para makahanap ako ng isang maliit at murang boarding house, makakain at pamasahe sa paglilibot sa kagubatan. Sinabihan ako ng kapatid na nasa maynila rin nagtatrabaho na huwag na muna raw ako maghanap ng matitirhan, sa kanya na muna raw ako tumuloy kasi mahirap raw makahanap. Whew, buti na lang may matutuluyan na ako. Hindi ko pa naman ganun ka-kabisado ang pasikot-sikot ng lugar.

Walong araw pa lang ako ay nagkaroon agad ako ng interview. Isang TV production company. Dalawa sana dapat kaso magkasabay na araw at halos magkasunod pa ang oras. Kailangan kong pumili sa dalawa kasi hindi kaya ng oras kasi masyadong malayo ang isa. Pinili ko nga ang nabanggit kong kompanya. Sabi ko sa sarili ko pag natanggap ako rito eh di swak na ang plano ko. Pumunta ako at gamit ang mapa sa google ay natuntun ko naman kahit papaano ang lugar. May dalawa ng nauna sa akin na nag-apply rin kasi late ako ng 10 mins. Hindi ako madalas ma-late, pero pasensya na kasi hindi ko talaga kabisado ang lugar. Mabilis lang 'yung interview, pinakita ko ang portfolio ko at binigay pati yung ibang gawa sa CD blah blah. Confident ako na makukuha ko ang posisyon pero nawala ang excitement ng sinabi nya ang starting salary. Toinks. Ini-expect ko kahit papaano mataas kasi nga production at parang pang dalawang tao ang trabaho sa posisyon. Tatawagan na lang daw o iti-text kapag natanggap. Nagpaalam ako na blanko ang mukha ko. Kaya kayo 'wag masyado mag expect! (haha) Kahit gusto ko na magkaroon agad ng trabaho para magkapera eh inisip ko naman na parang ma-lulugi ata ang negosyo ko nito. Malayo pa naman at saka ang pamasahe; noong mga panahon na ito ay hindi ko naisip na may tinatawag palang LRT. Nasayang tuloy ako dun sa isang kompanya na dapat sana'y iyon ang pinili kung puntahan at baka mas ok pa. Makaraan ang ilang araw ay may natanggap akong text galing dun sa kompanya. Magreport daw ako sa kanila ngayong araw. Syet. Noong time na iyun eh hindi ko alam kung babangon na ba ako sa aking hinihigaan o mag-iisip at matutulog ulit. Alam mo nangyari? Nakatulog ulit ako. Hindi na ako nagpakita pa kahit na sa mga sumunod na araw ay nagtext pa sa akin ang kompanya kung pupunta pa ba ako. Sa unang pagkakataon, nasira ang plano ko.

Sinuntok ako ng sarili kong kamay dahil sa desisyon kong ito. Sabi nya sa akin: pera na pinakawalan mo pa. Isipin mo na dagdag experience pa ito. Sagot ko naman: Hoy payat na kamay...naghahanap ako ng trabaho na mataas taas naman ang sweldo. Wala akong pakialam sa experience na iyan kasi may experience na rin ako dyan. Tumatakbo ang oras at panahon; parehas kami ng kalabaw na tumatanda. Natahimik bigla ang aking kamay at biglang sumigaw sa akin ng malakas: Tanga! Mataas na sahod? Sa ibang bansa ka maghanap!

Yeah, tama sya mga 'dre.

Sige na nabasag na ang plano ko ng isa (o dalawang) beses. Deadma ko yung isa at hindi ko naman sinipot pa yung isa. Dapat sana may trabaho na ako at may pera na rin na darating. Ainako. Kaso ang maganda lang na nangyayari eh madalas ako maligaw kapag wala ako mapa at basang basa ang damit ko buong araw dahil sa sobrang init na umaabot singit.

Mas nadagdagan pa ng sampung beses ang sakit ng ulo ko ng may mag-text pa sa akin na isang malaking kompanya.

Isang malaki at kilalang TV Station ang nagtext sa akin at nagtatanong kung gusto ko raw ba mag apply bilang Production Assistant. P.A? Pakabasa ko sabi ko sa sarili ko..nope. Hindi ko alam kung bakit ayaw ko pero hindi ko talaga gusto at wala akong plano. Cameraman o Video Editor ang gusto ko at alam ko sa sarili ko na mas mag-eenjoy ako sa ganyan. Maghahanap na lang ako ng iba kesa dyan. Pero nakita ko na lang ang sarili ko na nag-eexam na at nagpasa ng resume sa kanila. Syet, ano bang ginagawa ko. Makaraan ang ilang araw ay may tumawag sa akin mula sa kompanya nila at sinabing hindi raw ako pumasa sa ganung posisyon. Ang sa isip ko naman: Ok lang. Hindi naman ako nag-apply sa ganyang posisyon eh. Pakatapos ay tinanong nya ako kung gusto ko raw mag apply pa sa ganito ganyang posisyon. Mabilis ako nakapagsabi ng..Yes po, mag apply ako kasi yan naman talaga ang gusto kung trabaho. Bumalik ulit ako doon sa kompanya at natulala ako sa dami ng nag a-apply. Para atang wala akong pag-asa rito makapasok ah; ang dami ng kakompetensya. Matira na lang ang matibay bahala na si Batman o Superman o si Carrot Man. Gira na ito ala Saving Private Ryan. Yun na nga, tipikal na pangyayari: pipila sa upuan na pagkahaba haba mas mahaba pa sa LRT, mag papasa ng resume, dalawang interview etc. Nakakapagod sa utak pakatapos, pero di pa rin mawala sa isip ko yung  maganda at cute na mukha ng nag-interview sa akin. Saka mabait sya. Lol. Sa mga panahon na ito, hindi pa rin ako umaasa na makakapasok.

Hindi pa nga nagtatagal at hindi ko pa nalalaman ang resulta sa katatapos lang na interview eh dalawang kompanya na naman ang komontact. Oops. Naku po. Alam ko sa sarili ko na ganito talaga plano ko; apply lang ng apply at pumili ng kompanya na maganda ang offer pakatapos. Pero hindi ko naman iniexpect na sabay sabay pa talaga sila magpaparamdam. Pumunta ako sa isang kompanya kasi naghahanap sila ng Multimedia something blah  blah so bahala na sabi ko. Dapat daw marunong sa photography, videography, photoshop, illustrator, graphic design etc. Tatanungin ko sana kung pasok pa ba ang marunong maglaba, mag DOTA o mangulangot. Joke lang. Sa tingin ko kaya ko naman ito. Kaso nga lang tumaas ang kilay ko sa exam nila: bakit design lang sa photoshop ang pinapagawa? Eh yung ibang binanggit? Video editing? Photography? Eh hanap nyo lang pala graphic artist eh. No No. Tatlo pang designs ang pinagawa sa akin na alam ko sa sarili ko na wala itong patutunguhan. Umalis ako na may nakatusok na “TSK” sa ulo ko. Hindi nga ako natanggap at wala akong pake.

Sa lagay na yan nag-iinarte pa ako? Eh nauubos na nga pera ko kakapunta sa kung saan-saan. Sya nga pala dedma ko rin yung isa pang kompanya kasi mababa rin para sa posisyon na creative blah blah. Nagtext na pumunta ako para sa exam at interview. Hindi na ako nagreply kasi wala ako load at hindi rin ako interesado; makaraan ang ilang oras nagtext ulit na magreport na  raw ako sa office nila. Hindi ako nakareply at hindi ko namalayan na mga anim na beses na pala tumatawag sa backup cellphone ko.

Pasensya na; alam ko na para sa nagsisimula eh mababa lang talaga ang makukuha, pero isipin mo rin na hindi mo ito unang trabaho at hindi ka siguro fresh grad na sumasabak pa lang sa mundo ng pagtatrabaho. Skills/ experience ang pwede isingit dito. Pwede mo na rin idagdag ang edukasyon mo o unibersidad kong saan ka nagtapos. Eh di sana pala kung mas minimum pa sa minimum ang sahod eh maghahanap na lang ako ng trabaho na magaan sa magaan kesa sa lecheng “multitasker” na panglimang tao na ang tinatrabaho mo pero ang sahod mo kulang pa sa pang-araw araw na pamumuhay. Naku. Sya nga pala, inisip ko rin na tutal uupa pa pala ako ng tirahan eh dapat medyo ok rin ang sahod.

May mga araw din na ni isa walang nagparamdam. Medyo nakakabagot rin tumambay lang palagi sa loob ng kwarto; wala magawa kundi mag laptop, matulog, mag sounds at manuod ng tv. Nakakainis rin talaga kapag walang ginagawa. Ayaw ko rin sa Sabado at Linggo; kasi walang pasok karamihan sa mga kompanya at walang magpaparamdam sa inaaplayan na kompanya. Syempre kapag naghahanap ka ng trabaho at seryoso ka eh ayaw mo ng may nasasayang na panahon. Kaya leche pag Sabado at Linggo.bow.

Isang araw may nagparamdam ulit na kompanya. Matagal na ako nag apply pero ngayon pa lang sila nagtext. Medyo malayo-layo ito kaya naghanda ako; nagresearch pa ako ng rota kung saan ba mas maganda sumakay para hindi malate. Sumakay ako ng bus (maling desisyon) at sabihin ko para akong nakasakay sa sasakyan ng patay kulang na lang mag-make up ako at humiga sa likod nito; grabe ang trapik!! Hindi na halos gumagalaw ang mga sasakyan. Mas mabilis pa ang pag-galaw ng oras kesa sa pag andar. 10 am naman ang interview; pero lampas 8 na. Bwisit. Hindi na ako natuto; hindi ito Naga na hindi naman aabot ng isang oras lampas ang traffic. Hindi ko pa natry sa LRT o MRT kaya hindi ito pumasok sa isip ko. Inis na inis na ako gusto ko ng sumigaw ng Darna sa loob. Yesh, umandar na ang bus, yan nga lang kasi mali-late na rin ako sa aking interview. Nakarating ako ng Pasay ng buhay pa naman pero patay na ako ng 15 mins. Ano magpapatuloy pa ba ako? Go na! Sayang ng pamasahe ko pati ang damit ko na basang basa aakalain mo ninakaw ko lang sa sampayan. Ang tanga ko pa kasi alanganin ang lugar na binabaan ko. Akala ko malapit pa eh sobrang layo pa talaga. Noong time na yun feeling ko kulay green na ako. Denidedma pa ako ng mga taxi kasi raw ang layo raw ng pupuntahan ko.  May tumigil pero tinanong ako kung payag ba ako ng P200 ang bayad. Sabi ko sige na ok na yan bilisan mo na at late na akong isang oras. Isang oras!? Bahala na kung sino manalo kina batman o superman basta makarating ako sa pupuntahan. First time ko ma-late ng ganitong oras, nakakahiya at posibleng hindi na rin ako tanggapin pero nandito na rin lang eh, gumastos na kaya patuloy na. Malapit yun sa may NAIA eh, basta may binigay naman na address. 'Yung gunggong naman na driver sinabihan ko na nga 'yung address eh hindi pa ako sa saktong lugar ibinaba. Napilitan pa ako maglakad at magtanong tanong sa mga tao sa paligid. Noong mga oras na iyon gusto ko mabuhat ang armas ni Thor at ibato sa lecheng taxi ng lalaki ng maging palamuti ito sa junk shop. Inabot pa ako ng mahigit 20 mins kakahanap sa kompanya. Walang karatula o pangalan ng kompanya sa harapang ng gate kaya mahirap mahanap!!! Pula na ang mata ko at may mga isda nang lumalangoy sa damit ko. Sa wakas nakarating rin ako. Pang Guiness Word Record ang pagka-late ko. May dalawang lalaki na nakaupo sa loob. Nakalusot pa ako kasi tatlong nag aapply pa ang hindi naiinterview at pang apat ako. Ok naman ang interview at palagay ko posible ako makapasok dito. Sya nga pala isa rin itong TV Prod company at mapapanuod ang show nila syempre sa TV; nag apply ako bilang editor. Text na lang daw sila kung sakaling mapili ako. As usual.
Makaraan ang ilang araw eh nagtext ulit 'yung sa TV Station. Batch orientation raw para sa training. Excited ako rito; ibig sabihin pumasa ako doon sa test at interview. Marami kami at halata sa mga mukha namin ang saya kasi pasok kami di'ba. Bumagsak nga lang mga panga namin noong malaman namin na magsisimula ang training sa kalagitnaan ng Abril. April? February pa lang nun ng panahon na iyon. Maghihintay pa kami ng halos dalawang buwan!? Seryoso nakita ko na karamihan ay nalungkot. Nagbigay sila ng deadline; magtext daw sa kanila kapag nakapagdesisyon na magpapatuloy sa training. Umuwi ako na blangko.

Ano magpapatuloy ba ako sa training na ito? Ano mag-aaply pa ba ako sa ibang trabaho? Ano pag maganda ba ang offer nang isang company tatanggapin ko na? Hindi ko alam. Inisip ko: yang training sa stasyon na iyan eh training pa lang yan, baka hindi rin ako tanggapin pakatapos; alam ko rin na hindi rin kataasan ang sahod sa kompanyang yan, pero kilala kasi; hindi aabot sa ganyan katagal ang pera ko, lalo pa't araw araw kumakain sa labas kasi hindi naman nagluluto dito; sayang ng pera sanang makukuha ko kapag natanggap ako sa isang trabaho; dalawang buwan akong walang makukuhang pera; dalawang buwan akong makukulong sa kwarto. Umiikot talaga ulo ko. Hindi pa ako nagdesisyon ng ganito katindi pagdating sa trabaho. Oo, gusto kong makapasok at magtrabaho sa TV station na binanggit ko pero makakahintay ba ako ng ganito katagal? Sira na talaga ang plano ko na kumita agad ng pera pagdating pa lang sa maynila. Kailangan ko mag desisyon kasi nagbigay lang ng apat na araw.

Gabi na ng nakapagdesisyon ako. Magpapatuloy ako sa training. Syet, sana tama ang desisyon ko.

Ilang araw ang nagdaan, nagtext ulit 'yung TV Prod comp na nakwento ko; yung late na late na ako nakarating. Sabi sa text pumunta raw ulit ako, FINAL interview daw. Gusto ko ng tumakbo sa labas para bumili ng isang kahon na biogesic.

Nagdesisyon ako na pumunta; baka sakaling maganda naman at baka mapilitan akong kalimutan  'yung training ng isang malaking kompanya. Hindi na ako sumakay ng bus papunta doon kasi baka abutin pa ako ng gabi bago marating ulit yung kompanya. Nag LRT na ako. Yehey. Syempre kahit alam ko sa sarili ko na probinsyano ako eh hindi naman ako magpapahalata na walang alam. Para akong pulis makatitig sa ginagawa ng mga nasa likod at harapan ko. Mas mabilis nga naman sumakay sa tren; walang trapik. Huwag lang magkaaberya at masiraan kasi isyu na rin ito at hindi na bago. Hindi ko inaasahan na mabilis lang talaga ang byahe. Mabilis kasi hindi ako na-late.Yehey; nagtunugan ang mga trumpeta at tambol sa tenga ko. Ang masama nga lang sobrang aga kong dumating tatambay ako ng tatlong oras. Tatlong oras ako maghihintay! Syet. Napaaga naman ata ng sobra. Sobrang init pa kaya pawisan na naman ako ng sobra. Nakakainis pa kasi gusto kong mag-internet pampalipas ng oras pero wala ako ni isa mahanap. Ano bang klaseng lugar ito? Nasa kalawakan ba ako bakit ni isa wala akong mahanap na kompyuteran dito sa paligid!!! Nakalipas na ang dalawang oras ng makahanap ako at saka nagpalipas ng isang oras. Bwisit. Naglakad na lang ako papunta 'dun sa kompanya kasi malapit lang naman sa tinambayan ko. Hindi ako na-late. Yesh. Dalawa ang nag-interview sa akin at hindi pa nagtagal eh alam ko na na pasok ako. Pero pasimple ko tinanong kung magkano ba ang sahod ko kung sakali. Medyo naaalangan ako pero gusto ko malaman. Napaisip pa 'yung isa ng sabihin sa akin kung magkano. Hindi ko alam kung tumaas ang kilay ko sa oras na iyon, marahil siguro dahil nahahalata ko rin na hindi pa sila ganun ka sigurado kung karapat-dapat ba ako sa posisyon, kung pasok ba skills ko o tama ba na hindi pa ako ganun ka experiensyado para sa trabaho. Pinasama nila agad ako sa meeting nila. Nalaman ko na dalawa pala kaming nakapasok sa parehong posisyon. Na yung isa nga raw eh dating nagtatrabaho sa isang sikat rin na TV station. Ow, parang maiitsapwera ako nito. Teka lang po, hindi nyo pa ako tinatanong kung payag na ba ako na maging empleyado nyo. Nalaman ko rin na tinanggal daw karamihan sa dati nilang empleyado kasi hindi na raw maganda yung kinalalabasan ng trabaho nila. At ang unang pinapagawa sa akin eh maglipat at mag-ayos ng mga files sa mga lumang hard disks at ililipat sa bago. Bukas raw ay ihahanda na nila ang kontrata. Sa isip ko naman..pwede ba pag isipan ko muna..at saka hindi nyo pa nga ako tinatanong kung payag ba ako. Naalangan pa naman ako magsabi. Pakatapos ay nagpaalam na ako at umuwi. Pinag-iisipan ko kung magpapatuloy ba ako. Sa sunod na araw na dapat ako magsisimula at pipirma ng kontrata. Kakalimutan ko na ba yung training ko sa isang TV station? Nasabi ko sa sarili ko na kailangan ko na rin ng pera. Papasok na ako bukas. Pag-uwi ko ay bumili pa ako ng murang sapatos sa ukay-ukay para may magamit sa trabaho. Pero alam nyo ang nangyari pagsapit ng gabi? Tinext ko yung isang numero nung kompanya; sabi ko pag-iisipan ko muna kung magtatrabaho ba ako sa inyo..may ibang offer din kaso sa akin ang ibang kompanya. Boom. Hindi ako nakatulog ng mabuti at inabot ako ng madaling araw kakaisip kung tama ba ang desisyon ko.

Nagdaan na rin ang mga araw at wala na akong ginagawa sa kwarto. Maghapon lang ako nakahiga habang nakikinig ng musika sa cellphone. Feeling ko nga may ugat na ang aking mga paa at may tutubo ng bulaklak sa aking mukha. Nakakabwisit rin talaga kapag walang ginagawa. Biglang may nabasa ako sa email. Interview daw. Ahh yung kompanya na matagal ko ng inaplayan na naghahanap ng Photographer trainee. Miss ko na rin kahit papaano ang magtrabaho sa isang studio, pero parang hindi ko na rin kailangan kasi nga may pinili na akong kompanya. Tapos trainee pa, sa tagal ko naman na naging photographer hindi ko na ata kailangan ng training pa. Magbabasa na lang ako ng aklat tungkol dyan at baka mas matuto pa ako. Dahil na rin siguro sa wala ako magawa eh nagpasya ako na pumunta. At saka niresearch ko pa talaga ang kompanya at nakita ko na malaki ang studio nila. Wow, baka mga model ang pinipicturan dyan at baka mga sikat na tao. Sa website nga nila eh may mga model nga at ilang mga sikat na artista. Ayos to ah, sabi ko. Matry ko nga ito tutal wala naman nagtetext na iba sa akin at baka mapilitan akong maging trainee dito. Sumakay ako ng bus para papunta sa isang MRT station. Noong bababa na ako eh todo andar pa rin ang bus; bigla akong tumalon at sumabit ang bag ko sa may pintuan ng bus. Syet nakaladkad ako ng konti ang hanep. Buti na lang hindi na kabilisan yung bus at buti hindi nagulungan ng gulong ang paa ko. Tawa sa akin ang konduktor ng bus sabay nasabi ko lang: malas ah. Agad ako pumila para bumili ng ticket. Mahaba ang pila at matagal rin akong tumayo; ng magbabayad na ako eh saktong bayad lang daw, lumipat daw ako sa kabila. Syet nainis ako pero nawala ng mabasa ko na may nakalagay na palang malaking karatula sa taas. Syet. Kaya pila na naman ako sa kabila. May sira ata ang ulo at mata ko.

Ang aga ko na naman nakarating sa aking pupuntahan. May dalawang oras pa ako para tumambay. Hindi naman sa excited ako pero mas nakakatakot naman kasi kapag late palagi dumating. Natatandaan ko pa may isa pa akong kompanya na pupuntahan kasi may interview ako. Isang kilalang kompanya ng nakakalasing na inumin. Sabi ko sa sarili ko pag nakapasok ako rito ibabalik ko sa pagiging lasinggero ang buhay ko. Sa Q.C lang, pero medyo malayo na kailangang kung sumakay ng LRT2. Maaga akong gumsing pero ang hirap makasakay sa bus kasi punong-puno at grabe pa ang trapik. Badtrip na ako kasi nararamdaman ko na late na naman ako nito. Wala na; hindi na gumagalaw ang mga sasakyan. Sayang na naman ang damit ko na basang basa ng pawis at ang sapatos ko na baka masira na agad eh wala pa nga akong trabaho. Noong mga oras na iyon nagliliyab na ang mga mata ko at magiging kalaban na ako ni Lex Luthor. 8:30 ang interview ko pero nakarating ako sa LRT station mga 8:40 na. Saklap. Wala ng pag asa kaya kakarating ko lang eh umuwi agad at nilabahan ang aking damit at saka lumangoy sa isang baldeng alak. Jowk lang. Kaya kayo kung ayaw nyo nalilate palagi agahan nyo ng mas maaga pa sa maaga. Kung pwede lang magtayo ng kayo ng tent sa gilid ng daan malapit sa pinagtatrabahuhan at doon na kayo matulog. Sigurado hindi ka mali-late, sigurado rin na dadamputin ka ng pulis o MMDA. Ok balik ako sa kwento ko kanina. Dalawang oras akong tumambay sa labas para magpahangin. Katabi ko pa mga pulis kaya sabi ko safe naman rito, Nilabas ko ang aking cellphone at pinag aralan ang mapa  papunta doon sa kompanya. Kayang kayang lakarin ito. Medyo malapit lang. Nilakad ko lang talaga at hindi nagtagal ay nahanap ko nga. Success!! Hindi ako late, hindi pa ako naligaw. Pasok agad ako. May naghihintay na babae. Ito ata ang may-ari sa isip-isip ko. Binigay ko ang resume ko at nagsimula na ang interview. Hiningan nya ako ng portfolio, sabi ko sa kanya may online ako at meron din sa aking cellphone. Tiningnan naman nya ang mga photography works ko. Sabi nya ang napapansin nya raw sa mga shots ko eh saturated karamihan. Sabi ko sa screen lang ng cellphone ko yan. Kasi raw sa kanila raw neutral lang ang kulay. Kung ano lumabas sa camera yun na yun. Sa lagay na ito eh gusto ko na lang mag headphones. Blah blah blah iba iba naman daw ang style blah blah. Saka iba raw ang shino-shoot nila. Mga paintings, arts, pagkain etc. Natulala ako. So hindi kayo nagsha-shot ng mga tao? Models? Hindi na daw sila nagshohoot ng models o fashion photog. Malamang talaga neutral lang ang kulay nyo kasi iba naman pinipiktyuran nyo. Maling mali ata expectations ko. Expectations vs Reality kumbaga. Naiinis pa ako kasi paulit-ulit nya tinatanong at kinaklaro kung freelancer ba ako. Hindi po ako freelance yan ang paulit-ulit kong sinasabi at tatlong taon na akong nagtatrabaho!!; basahin mo kasi ang resume ko. Sa mga oras na ito eh gusto ko ng lumabas, sumakay ng tren at umuwi. Feeling ko tuloy over-qualified ako.lol.Joke lang. Sabi ng babae eh may ipagagawa daw sila sa akin para matry kung pwede daw ako maging trainee nila. Siguro papapikturan nila sa akin ang kung ano anong bagay, yan ang nasa isip ko. Piece of cake. May lumabas na isang lalaki at sinamahan ako sa loob at pinaupo ako sa harap ng iMac. O? Bakit sa kay pareng Mac? Asan ang dslr? Ayon pina-edit ako ng pictures, may pinapalitan na background at color correction. Ayaw ko na naman na magreklamo pero naghahanap po kayo ng photographer trainee. Photographer. Pahiramin mo ako ng camera at hayaan nyo ako magshoot. Alam ko na dapat naman talaga marunong ang photographer sa photoshop o lightroom etc pero alalahanin natin na hindi graphic artist ang hinahanap nila. Leche. Pasensya na, puro kasi ako reklamo. Isa pa napapansin ko kasi na parang ang lumalabas wala akong kaalam alam sa mga bagay na ilang taon ko na ngang ginagawa; tulad ng “sige tingnan mo paano nagpipiktyur ang isang empleyado ko..” o “doon ka muna para mapag-aralan mo ang mga gamit”. Walang masama rito pero paano sabihin kung sabihin ko na  ang pinipikturan nila eh mga pictures sa mga aklat? Magiging trainee ako ng isang taon at pag nakapasa raw ako eh magiging junior photog ako. Isang taon para lang magpicture ng mga pictures sa aklat? Hindi ko alam kung ano pa ibang ginagawa nila pero hindi ko alam kung magiging masaya ako sa ganyan. Dahil nga sa nayayabangan na ako doon sa isang empleyado at dahil nga wala na siguro ako sa mood eh sinabihan ko na sya na mahigit tatlong taon ko na ginagawa ito yung nga lang totoong mga tao ang subject ko at hindi aklat. Tinulungan ko sya tapusin ang kanyang ginagawa  at pinahintay ako ng nag iinterview sa akin ng mahigit 30 mins. Nakikipagtsikahan lang sya sa isang lalaki habang ako ay nakaupo sa gilid, naghihintay at pinipigilan ang mga paa na pumunta palabas ng pintuan. Akala ko may ipapagawa pa dahil sa pinahintay ako ng napakatagal pero sinabihan lang ako ng magko-contact na lang daw sila pag natanggap ako. Hindi ko na matandaan kung nagsalita pa ba ako noon o bigla agad lumabas ng pintuan. May kompanya na ako pinili bakit ba pumunta pa ako sa b.s na lugar na ito.haha. Kaya payo ko lang sainyo 'wag masyado mag expect. Matulog na lang sa bahay at ipambili na lang ng lobo ang perang ipapamamasahe. Makaraan ang ilang araw ay may natanggap akong email galing doon sa kompanya..hindi ako natanggap kasi hindi raw ko raw naabot yung expectations nila. Alam mo ba nang nabasa ako natawa ako ng malakas sa computer shop; walang lumabas na boses pero natawa talaga ako. Akalain mo yun, expectations? Eh kumusta naman kaya expectations ko sa kanila. Eh wasak sa reality. Pasensya na po pero parehas lang tayo ng naisip eh. Magrereply sana ako sa email nila kaso 'wag na kasi mawawala ang pagka feeling professional ko kahit hindi naman (pero sa totoo lang na delete ko kasi agad bago ko ito naisip.haha) Tawa naman kayo dyan.

Pagkatapos ay nagtext na naman ulit yung TV station. May interview na naman. Napaisip na naman ako kung ano na naman kaya ito at sino na naman ang mag iinterview. Ibig sabihin pag hindi ako nakapasa dito eh masasayang yung..yung pinalagpas kong mga opurtunidad. At ibig sabihin paghahandaan ko na ang sarili kong maging magaling na maglilimos sa gilid ng daan. Halos lima lang kami na iinterbyuhin. Pero sabihin ko sainyo isa ito sa hindi ko makakalimutan at sumakit talaga ang ulo ko. Hindi ko na sasabihin kong anong klase ba..basta tatlong sunod-sunod na interview. Kahit malamig ay pinagpawisan ako at yung isa ngang katabi ko na katatapos lang sa interview sabi sakin hawakan ko raw kamay nya. Hayun mas malamig pa sa patay ang kamay. Tatlo kaming magkakasama lumabas sa building. Masasabi ko sa mga mukha namin na tipong bumagsak sa exam at hindi nakagraduate. Sabi ko sa kasamahan kung dalawa huwag na muna kami mag expect na makakapasa at masasaktan lang kami kung sakali. Sa lagay na yun ay seryoso naman ako; alam ko na hindi ganun kaganda ang naging laban ko. Umuwi ako agad. Bahala na naman nito si Batman. Gusto ko matulog.

Ilang oras pa lang ang dumaan may nagtext. Pumasa raw ako sa exam. Kumuha na raw ako ng medical slip sa hr. Nawala na antok ko. Dammit.

Ok na medical exam at matagal tagal na rin akong naghihintay sa text nila dahil sa pipirma ng kontrata at ibibigay ang schedule ng training. Nababagot na rin ako kakahintay pero ganito talaga. Dalawang kompanya pa na matagal ko ng inaplayan ang tumawag sa akin pero sabi ko naman hindi na ako pwede. Tyaga muna, bahala na lahat ng superhero sa comics.

Isang buwan? Sa totoo lang leche na plano ko. Ang tunay na title dapat nito ay LechePlan kaso baka hindi naman leche ang kalabasan ng desisyon ko. Di'ba? Hindi ko naman alam kung ano sunod na mangyayari pero alam ko rin na paminsan-minsan kailangang sumugal para manalo.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM