BALA PARA SA MGA KUMAKALAM ANG SIKMURA
Hindi ko mapigilan na maluha
habang nanunood ng balita sa telebisyon tungkol sa mga kababayan nating mga
magsasaka sa Kidapawan, North Cotabato na humihingi ng tulong sa pamahalaan
dahil wala na silang makain. 'Yung mga tao pa na halos mamatay na kakatrabaho
para may makain tayo ay sya pa ngayong mga walang makain. Nakakalungkot isipin.
Hindi naman natin masisisi ang panahon ngayon na sa sobrang init eh talagang
malalanta ang mga pananim; El Niño eh, tuyong-tuyo ang mga palayan. Alam nyo ba
ang mas nakakalungkot? Imbes na tulungan sila na mabigyan ng makakain eh
pinaulanan pa sila ng mga bala galing sa mga pulis. Isang madugong engkwentro
sa pagitan ng mga gutom na magsasaka at mga pulis na may mga bitbit na mga armas
na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong nagproprotesta sa hanay ng mga magsasaka
at ikinasugat ng ilan. Naging marahas ang dispersal sa mga magsasaka at
nagkagulo na. Ayon sa ilan, sumama raw sila sa rally sapagkat may nakapagsabi
daw na may ipapamahaging bigas ang pamahalaan, pero nagtaka sila ng harangin
sila ng mga pulis.
Nakakalungkot. 'Yung mga walang
laban na magsasaka pa natin ang agrabyado. Wala silang kalaban laban at wala
rin silang mga armas. Tapos papaulanan nyo ng bala. Mga leche, nawalan ako ng
respeto sa mga sinasabi nilang tagasugpo ng mga krimen. At alam nyo ba na nasa
mahigit pitumpu't siyam na mga magsasaka na kasama sa rally ang nakadetena
ngayon at karamihan dito ay matanda na
at ang ilan naman ay buntis? Inereklamo sila ng “direct asault” ng ilang pulis.
newsinfo.inquirer.net |
www.bulatlat.com |
Sabi ng Department of Agriculture
eh may malaking pondo raw na nakalaan para sa El Niño. Gumastos na raw sila ng
mahigit P3.65 bilyon pero saan ba ito napunta? Anong proyekto ba para
matulungan ang mga magsasaka? 'Yung sinasabi nyo bang cloud seeding na ni hindi
nga raw naramdaman ng mga magsasaka? Eh kung may pundo pala eh bakit marami pa
rin ang namumroblemang magsasaka? Ni tubig o irigasyon nga na kailangan ng mga
magsasaka eh hindi sa kanila maibigay ng walang bayad. Sya nga pala gusto ko
lang sabihin doon sa Gov. Mendoza na wala syang kwenta.
May mga tumutulong na para
makalaya ang ating mga kaawa-awang magsasaka. Sa ngayon, mula sa P12,000 ay
binabaan na ito sa P6000 kada isa para makalaya sila. Pero hindi pa dyan
nagtatapos ang kwento. Hindi pa sila makakaalis sa kulungan kasi hindi sila
makapresenta ng “valid identification”. ID? Ito 'yung mga mahihirap na
magsasaka na nagmartsa ng ilang araw at nilisan ang kanilang mga bahay para
makahingi ng bigas para sa kumakalam nilang mga tiyan; sa tingin niyo nilaanan
sila ng gobyerno natin ng panahon o oras para matulungan sila o kahit mabigyan
sila ng tinatawag na “valid identification”? Hindi. Wala silang pakialam sa mga
naghihirap nating magsasaka. At kung may pakialam nga ang presidente natin eh
tutulong sya. Teka, may presidente ba ta'yo?
--------------------------------------------------------------------------------------------------------
Siguro may
magtatanong kung bakit ba galit na galit ako sa isyung ito? Asan na 'yung
pakwela vibes na palagiang mababasa sa blog ko? Dahil ba sa mainit lang ang isyu
kaya nakikipagsabayan lang ako tutal marami naman nakakabasa ng blog ko
araw-araw? Hindi po. Ang totoo ay galing ako sa pamilya ng mga magsasaka. Mga
magulang ko ay magsasaka, at proud ako; apat kami na kahit sobrang nahihirapan
sila kung saan makakakuha ng pera eh napagtapos kami sa malalaki at kilalang
unibersidad sa amin. Simula pagkabata ay walang araw na hindi ako dumadaan sa
gilid ng mga palayan. Napapalibutan ang bahay namin ng palayan, at karamihan sa
aming lugar, mga kakilala ko at kapamilya. ay mga magsasaka. Alam ko ang hirap
at ang sakripisyo nila; ang init ng panahon at ang sakit ng katawan. Naranasan
ko na mag-ani at magbuhat ng sako-sakong palay. Napakahirap. Alam ko sa ngayon
na wala ng tubig ang gripo namin sa aming bahay at alam kung wala na rin kaming
palay na aanihin sa aming palayan ngayong panahon ng El Nino. Sana may kinakain
pa mga kababayan ko roon. Ngayon nyo itanong sa akin kung bakit labis ang
lungkot ko sa mga magsasaka natin na inaapi ng walang kalaban laban.
0 comments:
Post a Comment