1/1/16

WEIRD ANG LASA NG WATUSI

Noong panahon namin kaya mahigpit na ang DOH pati ang ibang sangay ng gobyerno pagdating sa mga paputok na yan. Sa dami ba naman ng nasasabugan/napuputukan noon maging sa ngayon eh matagal na yang isyu na iyan na ipagbawal na ang pagtitinda ng mga paputok. Napapanood ko noon sa telebisyon pagsapit ng bagong taon na ang dami ng napuputulan ng kamay at marami ang tinatamaan ng ligaw na bala. Iniisip ko na lang noon na ang lalakas pala talaga ng mga paputok at hindi na lang mga batang pasaway ang naliligaw kundi pati na rin bala. Takot ako maputukan pero hindi iyon ang nagpapigil sa akin na magpaputok.

Natry ko na ata noon magpaputok ng iba-ibang klase ng paputok na nabibili sa mga tindahan kapag magbabagong taon na. Pinakagusto ko noon yung 5 star; hindi ko alam kung bakit tinatawag na 5 star pero triangle lang naman ang itsura. Nakakabobo ang pangalan pero astig kapag sumasabog. Nilalagay ko ang paputok sa may dahon ng saging, sisindihan, tatakbo palayo, magtatakip ng tenga at sa lakas ng pagsabog ay magkakabali bali ang dahon ng saging at idedemanda ako ng mga unggoy sa paligid. Pati nga lata ng sardinas ay hindi ko rin pinapalampas; tumatalsik ito ng malakas at lalagapak sa lupa na sabog na ang itsura. ‘Yan bata pa lang ako pero may pagka terorista na rin ang isip ko pero syempre hindi naman ako magtatangkang magpasabog ng bahay o magpasabog ng nilalang kasi ayaw ko ring makita ang sarili ko sa selda o sa gilid ng daan namumulot ng makakain kasabay sina Stuart Little o Pulgoso.

Bakit napuputukan ang mga taong ito ng paputok? Para mo na ring sinabi na hindi mo tinapon ang granada na hawak mo na sasabog na o binaril mo ang sarili mo ng baril na hawak mo. Hindi naman kasi ganyan lang ang nangyayari; karamihan daw sa napuputukan eh aksidente ang nangyari. Ang iba naapakan ang paputok saka sumabog. Parang yung panahon na may gira pa na may mga nakatanim na pasabog sa lupa na kapag naapakan mo biglang sasabog at makikita mo ang sarili mo na naghahanap ng nawawala mong paa. Ang iba, karamihan bata ang nabibiktima, pinupulot ang hindi sumabog na paputok. Nangyayari talaga ito kasi noong nagpaputok ako noon eh pagsindi ko hindi sumabog; buti hindi ko kinuha kasi makalipas ang mahigit isang minuto eh bigla na lang may pumutok ng malakas sa likod ko. Sabihin ko sa’yo tumalsik ‘yung kaluluwa ko pabalik sa langit at nagawa pang magbakasyon sa Thailand ng ilang minuto. Pambihira. Eh kung pinulot ko pala yung paputok eh para na akong miyembro ng Yakuza na kulang ng daliri sa kamay.

Gustong gusto ko rin ang kwitis. Hindi ko sigurado kong ganito ba ang spelling basta yung paputok na lumilipad sa langit sabay sasabog. Masasabi ko na isa rin ito sa malakas sumabog. Muntik na kaya ako (kami) masabugan nito. Kasama ko ang iba kong pinsan at ako ang nagsindi. Sinasabit ko ito kadalasan sa may sampayan ng damit; ‘yung wire na sampayan. Nakabitin lang ang paputok para madaling makalipad; ayaw ko kasi na itusok ito sa lupa kasi baka hindi makalipad kapag nakabaon ng malalim at mas lalong ayaw ko na hawakan ko lang ng aking kamay. Sinindihan ko ang paputok at ok na sana ng biglang humihip ang napakalakas na hangin. Naloko na, pumunta sa direksyon namin ang kwitis at hindi sa lamgit. Biglang tumunog ang napakalakas na pssswwwwiswwwswww..at nagtakbuhan kami sa iba’t ibang direksyon. Parang rocket launcher sa pelikula, pero ang problema eh kami ang target. ‘Yung tipong parang kaming nagdu-droga tapos biglang may nag-raid na pulis sa lugar. Sabihin ko sa inyo ang lakas ng putok nito; sa langit ang lakas ng putok ano pa kaya sa lupa. Para akong nawalan ng pandinig at para akong natapunan ng granada sa larong counterstrike. Wala naman sa aming nasabugan; kinapa ko ang buo kong katawan at baka may kulang na parte pero wala namang nawawala. Pwera na lang sa tenga ko na parang may hinahampas na gong at sa puso ko na umakyat pataas ng aking lalamunan. Hindi pa rin ako natinag, patuloy ang paputok!

Uso rin noong kapanuhan ko yung watusi na tinatawag. ‘Yung maliit na pahaba na medyo pula ang kulay. Isisindi ito sa may sahig na magaspang tapos bigla itong magtatalon-talon ng mababa lang naman sa iba-ibang direksyon at parang pumuputok habang iyo’y paikli ng paikli. Natatandaan ko dati noong nasa elementarya na kapag isisindi na ito sa sahig eh magtataasan na kami nyan sa taas ng mga upuan kasi takot kami matalsikan; hindi naman malakas ang putok nito pero tumatalsik-talsik kasi ito sa iba-ibang direksyon. Para itong bata na pinakawalan sa isang palaruan na ang gulong tingnan. Nakakasulasok din ang amoy nito na hindi mo maatim na amuyin. Nakakalason daw kasi itong paputok na ito kasi direktang nahahawakan ang kemikal dahil wala naman itong balot hindi tulad sa five star na may papel. Ewan. Naalala ko noong huling bili ko nito sa may tindahan: bumili ako isang haba nito saka isang makakain na nasa plastik. Sanay ako noon na binubuhos ko ang kinakain ko sa aking bulsa para kapag naglalakad ako eh hindi ko na kailangan hawakan pa ang aking kinakain. Ok, tamad lang ako, period. Sarap na sarap ako sa aking kinakain ng may naisubo ako sa aking bunganga na kakaiba; hindi ito mais ah o green peas. Niluwa ko sa aking kamay, WATUSI!!! Niluwa ko lahat ng nasa aking bungaga. Gawd, weird ang lasa ng watosi. Buti na lang hindi ako namatay. Mas muntik pa nga ata akong mamatay sa nerbyos ng nalaman ko na nakakalason daw itong paputok na ito. Pwe.

Tips lang kasi kapag magpapaputok: huwag hahawakan ang paputok. Karamihan ng napuputukan sa kamay eh ito ang rason. Hawak ng isang kamay ang paputok at hawak naman ng isa ang pangsindi. Ambilis kaya pumutok ng paputok kapag sinisindihan. Minsan kapag tanga ka pa o wala sa sarili eh maihahagis mo ‘yung pangsindi at hindi ‘yung paputok tapos sisigaw ka ng “ang kamay ko nagteleport!!”. Isang rason kung bakit bawal magpaputok kapag binasted. Ilagay ang paputok malayo sa katawan mo tapos saka sindihan. Gumamit ng katol o panggatong na may konting baga. Isa pa mag-ingat sa daan kapag marami ang nagpapaputok. Para kang lumusob sa isang gira, 'di mo alam may puputok na lang sa tabi mo o ang masaklap, baka matanggalan ka na lang ng isang parte ng katawan. Delikado rin sa mga panahong ito dahil sa mga ligaw na bala na pinapaputok ng mga taong walang magawa sa buhay. Ang rami na kaya ng namatay dahil sa ligaw na bala na ito, kaya ingat lang baka mapasama ka sa listahan. Gumamit na lang ng turotot o kaya palanggana o kung anong bagay na lumilikha ng ingay. Mas safe naman ito syempre kung ikukumpara mo sa paputok; huwag nga lang gumamit nito kapag may sarap na sarap sa tulog at baka masigawan ka ng malutong na mura.

Happy New Year mga parekoy! Ingats.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM