1/6/16

DEAR ATE CHARO(T),



Eto po ay mas short pa sa short story.

Sinasama ako dati ng mga pinsan ko noon kapag naglalaro sila ng basketball. Kahit na ayaw ko naman eh sumasama na lang ako, tutal masaya naman paminsan-minsan gumala sa kung saan lalo na kapag maghapon naman walang magawa. High school na rin ako noong panahon na yun pero inaamin ko sa sarili ko na hindi naman talaga ako mahilig magbasa o pag-aralan ang mga kung anu-anong leksyon sa paaralan o kung gumawa naman ako ng assignment eh parang napipilitan pa. Gusto ko magrelax kapag kakauwi lang galing sa paaralan o kapag wala naman pasok kaya sumasama na lang ako sa aking mga kakilala na maglaro. Habang naglalaro sila ako naman nasa gilid lang nakaupo minsan nanunood naman ng walang sawa nilang pagsho-shoot sa basket o kaya naman hawak ang aking cellphone nakikitext sa kung kanikaninong kakilala. Ako naman iyong tipo na mahilig rin sa textmate; naaalala ko pa noon na halos punong-puno ng numero ang phonebook ng aking nokia. Nokia lang ang pinakasikat na brand ng cellphone noong panahon; mayroon pa nga ako ditong libro kung paano mag-compose ng ringtone sa nokia. Hindi ako endorser ng Nokia. Hindi pa ganun ka uso ang unlimited text na promo ng iba-ibang network kaya ambilis maubos ng load. 30 pesos ang pinaload mo? 30 texts rin ang magagamit mo; swerte na ng mga kabataan sa ngayong panahon. Syempre karamihan sa mga textmates ko noong unang panahon eh mga babae nga naman. Wala namang masama; single na single naman ako syempre, gusto ring makakilala ng mga bagong kaibigan blah blah blah. Balik ako sa kwento ko kanina...dumarayo pa kami noon sa kabilang mundo para magbasketball. O.a.  Ang ibig ko sabihin eh binabaybay pa namin ang isang sapa para makagala at makalaro. Ang nasa kabilang sapa kasi ay ibang bayan na, eh siguro sawa naman kami sa aming lugar o sadyang wala naman kaming ibang makakalaban kaya doon kami kadalasan pumupunta. Hindi naman kagandahan talaga yung basketball court doon, pero ok na rin kesa doon sa amin na pinako lang namin sa malaking puno ang ring ng basketball. Pero wala pa rin akong pake kasi sabi ko nga sa mga panahon na iyon nawalan na ako ng ganang maglaro ng basketball.

Doon may nakilala akong isang babae. Mali ata ang gamit ko ng salitang “nakilala” kasi hindi naman talaga kami nagkakilala ng maigi. Una ko syang makita eh tipikal na reaksyon lang ng isang normal na lalaki: syempre titingnan ang mukha tapos ang katawan.haha. Kung tama ang pagkakaalala ko eh tumitig din sya sa akin. Hindi naman pumasok sa isip ko na ito ang magiging future asawa ko o ito ang makakatuluyan ko kasi hindi naman ako naniniwala sa love at first sight. Oh c'mon, sa pelikula lang naman yan nangyayari. Pero alam ko sa sarili ko noong mga oras na iyon na may something sa kanya na parang nagugustuhan ko. Syet, baka nga naman ito ang love at first sight na tinatawag ng mga tao.

Cute siya sa totoo lang. Maliit lang ang pangangatawan, ahm ano pa ba....mahaba ang buhok at parang maldita ang itsura. Seryoso, unang tingin ko pa lang sabi ko sa sarili ko..wow, parang tatarayan ako nitong babaeng ito ah. Ako pa naman na may reputasyon ako noong nasa high school pa ng pagiging isnabero. Inaamin ko marami sa akin nagsasabi ng ganyan na kesyo hindi raw ako namamansin..hindi man lang daw ako tumitingin kapag tinatawag blah blah. Medyo mahihiyain naman kasi ako noon, at kahit nga ngayon eh hindi naman talaga naalis sa akin. Kahit type ko ang babae eh hindi ko yan tititigan ng titigan hanggang matunaw o kaya naman hindi ko yan kakausapin lalo pa kapag nahalata ko na mataray o suplada ang babae. Kung gusto naman ako ng babae eh hindi rin nya yan mahahalata na gusto ko sya; ganyan ang mga ninja na tulad ko. Kapag titingnan ko ang babae ay pasimple lang at hindi nya yan malalaman. Wala pa sigurong nakahuli sa akin, ako marami na akong  nahuli na pasimpleng tumitingin sa akin. Wow feeling gwapo ako.hahaha. Kapal ng face.

May mga panahon na kapag dumadayo kami sa lugar nila eh nakikita ko naman sya. Tinatawag ko sya sa isip ko na Ms. Taray. May mga oras noon na kapag naglalakad kami sa daan at dinadaanan namin ang bahay nila eh pasimple ko syang hinahanap. Alam ko naman na minsan lang sya lumabas ng bahay nila at syempre baka naman nag-aaral yun o baka may project o assignment na ginagawa. Siya nga pala  magkaibang school ang pinapasukan namin: ako sa isang kilalang public high school at sya naman sa isang kilalang private high school. Ang dalawang magkakompetensyang paaralan. Wa;a naman akong pakialam kong saan akong paaralan basta enjoy naman ako kahit papaano sa kung saan ako.

Isang araw may nalaman akong isang balita sa aking mapagkakatiwalaang tagapagbalita. Natawa ako at nainis ako noong mga oras na iyon. May tinanong raw yung babae na kakilala nya (at kakilala ko rin) kung lalaki nga ba ako o bading. Huh? Me bading? Syempre noong nalaman ko yan syempre tatawa ako nyan ng malakas sabay magsasabi ako na jinojoke mo lang ata ako eh tapos kapag nalaman ko na totoo na tinanong sya nito tatawa ulit at sasabihin ko wala akong pake sa totoo lang. Pero sa loob-loob ko noon naiinis ako. Nasabi ko doon sa nagsabi sa akin: kapag nakita ko yang babae na yan hahalikan ko yan para malaman nya na lalaking lalaki ako. Syempre alam ko sa sarili ko na hindi ko naman yan magagawa. Bakit nya iisipin kong lalaki ba ako o bading? Tiningnan ko ang sarili ko; ok naman lalaking lalaki naman ako maglakad, ang itsura ko matangkad naman pero payat nga lang noong panahon na iyon, yung buhok ko wala tipikal na hindi nagsusuklay look. Tapos naisip ko: ah baka hindi ko kasi sya pinapansin..at kahit ano sigurong pagpapansin nya eh hindi ko sya pinapansin. Tumalab pala sa kanya ang gameplan ko ng mga time na iyon. Mindgames. Narealize ko na siguro type nya rin ako. Yan kung wala pa syang boyfren.

May boyfren sya noong mga time na iyon. Paano ko nalaman? Ewan medyo nakalimutan ko na kung paano ko nalaman kasi hindi ko naman sya tinanong tungkol sa ganyan. Hindi kaya kami close nun. Baka isipin nya pa pag tinanong ko sya ng ganyan baka isipin nya may pagnanasa ako sa kanya. Mero n pero syempre ako, na isang magaling na hokage ninja, eh hindi muna magpapahalata. Baka may tinanong rin ako na kilala ko tas kakilala rin nya. Dumating yung time na magkatextmate na rin kami. Sorry sa sobrang pagka amnesia boy ko pero hindi ko na maalala kung paano ko nakuha number nya o baka sya ang kumuha ng number ko. Hindi ko na matandaan. Basta ang alam ko nagtetext kaming dalawa. Nag-eenjoy naman ako katext sya kahit na nga parang ang tipid tipid nya mag reply sa text pero ok lang naman. Para sa mga tulad ko naman kasi noon na single na single na simula-pa-noong-ipinanganak-hindi-pa-nagka-girlfren-type na klase ng lalaki eh syempre kailangan ko ring maglibang. Kung ano-ano lang naman napag-uusapan namin – kung ano ginagawa nya, kung musta ang araw nya, kahit ano. Gusto nya rin pala maggitara, paborito nya kanta ni Taylor Swift na Teardrops in my guitar something ata yun kung ano lang na pwede pag-usapan. Saka pala alam ko na may ilan sa mga kakilala ko na type rin sya, kaya may kompetisyon pala na magaganap nyan kung sakali. Pero hindi ako nakikisali sa kanila; bahala sila basta ako chill lang.Yeah.

Pero hindi nagtagal parang nahuhulog na rin ako sa babaeng yun. Katext ko pa lang sya pero parang feeling ko close na ako sa kanya. Feeling close ako, sa text nga lang. Kasi may mga oras na harap-harapan na kaming nagkakatitigan pero hindi kami nagpapansinan. Syet, ang awkward. Ang daldal namin sa text pero sa personal hindi kami nagpapansinan. Ako kasi hinihintay ko na sya muna magpansin kasi baka pag pinansin ko sya at hindi nya ako pinansin eh wala na talagang mangyayaring pansinan? Kuha nyo? Basta hinihintay ko lang na sya muna magpansin kasi, nakakahiya mang sabihin, nahihiya nga ako. Kaya yan nagkakatitigan kami mata sa mata pero walang nangyayaring kawayan, usapan at imposibleng imposible ang yakapan.haha.

Ganito lang palagi ang nangyayari. Tumagal rin ang komunikasyon namin sa text pero syempre lahat ng simula ay may katapusan. Drama, hindi bagay sa tulad ko. Nawalan kami bigla ng komunikasyon. Hindi ko na maalala kung paano nangyari. Siguro dahil naging busy na rin sya at ako naman eh naging busy na rin o baka dahil nawala cellphone ko noon. Pumunta kami sa isang event sa isang lugar dito ng biglang nawala ang cellphone ko; hindi ko alam kung nanakawan ako o nahulog lang sa aking bulsa. Hindi ko alam basta marami kasi noong tao at siksikan pa. Nandoon pa naman numero ng karamihan ng mga katext ko.

Nagdaan na rin ang mga taon at wala na akong balita sa kanya. Nakikita ko na lang litrato nya sa Friendster. Ito ang social networking site na usong-uso noong kapanahunan ko; wala pang facebook dati. Basta natatandaan ko na lang may picture pa ako sa usb ko na ninakaw ko sa friendster nya noon. Hindi ko na alam kung naghiwalay na ba sila ng boyfren nya, hindi ko alam kung may bago na ba siya at hindi ko alam kung single na ba sya. Wala na akong alam sa kanya. Nasa kolehiyo na rin kasi kami parehas; ako parehas lang ng dati, NGSB. May ilan rin akong nakilala at iba na naging ka close pero wala kadalasang nangyayari. Patuloy pa rin akong naghahanap. May araw noon na nakikita ko sya na naglalakad malapit sa paaralan. Syempre napapatingin ako sa kanya kahit nasa jeep ako. Gusto kong bumaba pero nakakahiya naman kasi sabi ko nga matagal na kami magkakilala pero hindi sa personal. Hindi ko na rin sya matext kasi sabi ko nga matagal na panahon ng wala kaming komunikasyon. Siya nga pala, magkapitbahay lang ang iskol namin.

Marami rami na rin mga nangyari sa akin sa mga nagdaan na panahon. Karamihan mga wala namang kwenta..tulad ng nabasted ako, may ilan ring mga nakilala pero di naman nagkatuluyan, nag shift ako ng course blah blah blah. Busy rin kaya ako sa noong nasa kolehiyo ako. Tatlong organization rin kaya ang sinalihan ko. Minsan naman makikita mo ko sa third floor ng library, nagbabasa ng novel o kaya natutulog ng patago, minsan naman tumatambay sa office namin sa secondfloor sa hall o sa lilim ng puno sa tambayan kasama ang mga ka brod o ka sis ko sa fraternity. Sa panahong ito wala pa rin ako ni isang gf. Sasabihin ko hindi ako bading. Ang magsasabi na bading ako pangit.

Hindi ko alam kung bakit pero isang araw bigla na lang sya pumasok muli sa isip ko. Dahil siguro may araw noon na nakita ko sya na naman sa may malapit sa paaralan nya. Tumatambay kami ng pinsan ko sa may likod ng dati naming bahay ng tinanong ko sya kung may number pa sya noong babae na tinutukoy ko. Mayroon pa raw; hiningi ko ang number nya at tinext ko sya agad. Bahala na basta tinext ko na lang sya. Nagreply naman sya. At nagsimula na naman kami maging textmate simula noon.

At first time kami nagkita ng harapan. Awkward syempre. Pero nag usap rin kami at sa unang pagakakataon narinig ko na rin boses nya. Sabay kami umuwi at sabay rin kami sa bus kaso nagkataon na puno na kaya nakaupo ako sa may bandang harapan at sya naman sa likuran. Medyo syet pero ok na rin basta sabay naman kami umuwi. Hindi sya mataray, mabait sya. Isa yan sa pinakagusto ko sa kanya. Magaan at may sense sya kausap, wala rin syang bisyo (katulad ko), hindi sya maluho, simple lang sya manamit at kumilos, wala rin syang nightlife na tinatawag (katulad ko) etc. Siya nga pala, parehas pa ang ugali namin. Kaya yan siguro ang rason kung bakit nagkasundo talaga kami.

Fast forward. Naging kami pala bago pa sya umalis papuntang manila. Magrereview kasi sya, alam nyo na accountancy eh. Mga ilang buwan rin kaming hindi nagkita pero ok lang kasi nag-uusap pa naman kami, sa text nga lang. Inamin nya na gusto nya rin ako noon pa man na magatext pa lang kami at noong nakikita nya pa ko sa may basketball court nila. May pagkamisteryoso raw ako at antipatiko, kaya tuloy may tinanong sya kung bading raw ako. Hindi rin nya ako pinapansin kasi nahihiya raw sya dahil mataray nga raw ako, parehas lang sa akin. At tinitingnan nya rin paminsan minsan ang facebook page ko (at friendster account noon) at binabasa nya pa daw mga comment sa mga photos etc. Hindi ko alam kung matatawa sya o magagalit pag nabasa nya ito pero wala na rin sya magagawa.haha

Maglilimang taon na rin pala kami. Akalain mo 'yun, si maliit at ms.taray na tinatawag ko ay mapupunta rin pala sa akin. Masaya kami parehas.

Nagmamahal, Stone Cold Steve A.

1 comment:

 

INSTAGRAM