12/25/15

SANTA, MAGPAKITA KA DUWAG

Nagtatatalon ako dati kapag palapit na ang pasko. Sino ba naman ang hindi magiging masaya pag ganitong panahon; maraming pagkain, regalo, paputok, turutot at syempre si Santa Claus. Yeah, yang malaking mama na parang kasama sa diet nya ang pagkain ng isang balyena sa isang araw at hindi alam na may tinatawag palang pang shave. Nagtataka ako kung bakit nakakaya syang ilipad ng mga caribou o reindeer o basta yung mga usa na nakikita ata sa arctic; liban na lang kung nakakalipad sila gamit ang  armor na tulad ng suot ni Stark. Palagi ko noon napapanuod sa telebisyon na si Santa kapag pasko ay namimigay ng mga regalo sa mga mababait na bata. Mabait naman akong bata, kaya inaasam ko noon na regaluhan ako ni Santa ng kahit isang AK-47 lang, pero alam ko na imposible ito pwera na lang kung kasapi dati sa Soviet Army si Santa. Napapanuod ko na pumapasok siya sa chimney at saka ilalagay ang mga regalo sa paanan ng Christmas Tree o sa may lamesa. Hindi ko pa maimagine na nagkakasya sya sa ganyan; at alam ko na noong kapanahunan ko eh hindi pa naman kasikatan ang magpa-lipo. Mahihirapan din sya dito sa ating lugar kasi hindi naman lahat ng mga bahay eh nagpapatayo ng labasan ng usok na yan. Saan sya papasok? Wala bubutasin nya siguro ang bubong ng bahay---yan kung hindi sya mapagkamalang aswang, batuhin ng isang sakong bawang, budburan ng asi n at mapasama sa menu ni Chef Boy Logro. Ewan, kawawa naman yan kung sakali paano na ang ibang mababait na bata na bibigyan nya pa ng regalo.

Kapag pasko na ay ayaw ko na matulog. Maghapon ako nyan naglalaro sa paligid at magsasabit kami nyan ng malalaking supot sa aming mga bintana. Bibigyan na naman kami ni Santa ng mga candy at pagkakain! Nilalagay ito ni Santa sa may mga plastic bag; at kinaumagahan nyan ay punong-puno na ang plastic bag ng pagkain. Sino ang hindi magiging excited di'ba? At dahil dyan eh gusto ko makita si Santa ng personal. Ayaw ko matulog kapag pasko kasi gusto ko sya mahuli na papasok sa aming bahay; pero kahit anong pilit ko noon na huwag matulog eh nalalaman ko na lang na umaga na at imposible na si Santa. Paulit-ulit lang ito ginagawa ko noon pero paulit-ulit lang naman akong nabibigo at palaging nakakatulog kahit panay patak pa ako ng kalamansi sa hiniwaan kong kamay. Joke lang po.

Pero noong malaki-laki na rin ako na kaya ko na ring maghugas ng plato na hindi bumabagsak at  nababasag sa aking paa  eh nalaman ko ang isa sa pinakamasakit na katotohanan: hindi si Santa ang naglalagay ng mga makakain sa aking sinasabit na bag. Noong time na yun eh hindi naman ako nagpahalatang apektado ako sa nakita ko na sina lola lang naman at si mama ang naglalagay; hindi ako apektado na naihampas ko ang regalo ko sa sahig pabalik ng Department Store. Sa ngayon eh natatawa pa rin ako kasi hindi ko naisip na iyong mga candies at makakain na nasa regalo (raw) ni Santa eh bukod sa made in the Philippines lang naman eh nabibili lang naman kahit sa simpleng sari-sari store. Hindi ko naman naisip na magnanakaw ng sari-sari store si Santa dahil siguradong hindi kasya ang kanyang tiyan sa pintuan ng mga sari-sari store at lalong takot naman syang habulin ng mga aso. Gawd, buong buhay pala akong nalinlang; para ko lang nalaman na hindi naman pala pusa si Hello Kitty kundi isang pervert na daga.

Kahit nalaman ko ang tunay na katotohanan eh masaya naman ako. Ang saya kaya ng kabataan ko dahil sa ganitong mga okasyon. Dahil sa pasko sumasaya talaga ako at yan ang hinding hindi ko makakalimutan; wala nga si Santa pero nandito ang pamilya ko na simula pa noong bata ako ay nagsilbi ng Santa Claus sa aking buhay.

Pero bago ko makalimutan, heto ang sulat ko para kay Santa:

Dear Santa Claus,

Dahil hindi ka naman talaga nagpakita sa akin at buong buhay ko naghintay ako sa'yo eh bibigyan kita ng pagkakataon na bumawi sa akin. Alam ko na kahit ano namang hilingon ko ay ibibigay mo. Kaya ngayong malaki na ako at tumatanda na rin ay huwag mo isipin na gusto ko pa ng laruan at kendi. Heto Santa ang gusto kong iregalo mo:



Canon 1Dx-photographer/videographer po ako kaya kailangan ko nito. Ito ang main camera ko. Sorry Nikon.

Canon 60d-Secondary body. Prosumer camera.

Nikon D7100-Backup camera. Prosumer.



Sony Alpha a7r-Full frame mirrorless camera. Pag magta-travel sa kung saan. Magaan lang hindi ako matatanggalan ng isang kamay.

Olympus Epl-2-hindi ako hipster pero cool ito.

Pentax XG-1-kapag gusto ko tumingin ng magagandang babae sa beach. Sori Santa. 52X zoom lens, kitang kita buhok ko sa ilong.



Iphone 5S-hindi ako fan ng iphone pero ok sa akin para sa aking music collection at magaganda rin ang mga apps. Mahilig rin ako mag phone photography kaya ok sa akin ang camera nito. Wala akong pake sa 6s at 6plus.

Nokia Lumia 925-Carl Zeiss lens.Yum.



Ipad Air-Multimedia tablet. Kapag manunuod ng movies at magbabrowse ng net.

Amazon Fire HD-gustong gusto ko magbasa na hindi ko na kailangan magdala ng bag para lagyan ng malalaking libro at magasin kasi may mga ebooks na. Kahit pa nga mas gusto ko pa rin ang mga pisikal na libro.



MSI GT80 Titan SLI-Gaming laptop. 2 Geforce GTX 980m+2 8gb GDDR5 video memory. Perfect sa mga pc games at syempre sa video editing.

Apple Macbook Pro-Ok para sa photo editing at drawing. Laptop na hanap ng mga photographer.



Wacom tablet para sa pagdo-drawing. Bahala ka na kahit anong brand pa yan, kahit Cdr-king.



At alam ko na sobrang mahal na ito pero kaya mo ito Santa:



Hyundai Santa Fe-Di ko alam pero nagagandahan ako. Hindi ako marunong magdrive kaya bilihan mo pa ako ng...



Montero-kapag nabangga ako kasi di naman ako marunong magdrive eh may mairarason ako.Joke lang.



Alam ko na lahat yan pisikal na kagamitan. Sana Santa maging mas masaya pa ang mga darating na pasko sa aming pamilya. At please lang magpakita ka na duwag.



Ang iyong mabait at makulit na tagahanga,

Ambi.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM