12/17/15

TINALO KO SI USAIN BOLT SA TAKBUHAN

Madalas kapag hapon ay tumatambay ako doon sa basketball court sa amin. Malapit lang ito sa gilid ng daan kaya hindi rin nakakayamot tumambay. Para sa hindi nakakakilala sa akin (at sino ba naman akong pontiu pilato para kilalanin) eh hindi ako naglalaro ng basketball. Matangkad lang ako pero hindi basketball ang apelyido ko; football lang ang laro sa mundo sa pagkakaalam ko. Tumatambay ako sa may basketball court para sumipa ng bola. Oo, football. Tumigil lang ako magdala ng bola ng may matamaan akong bata sa ulo at muntik pang makabasag ng salamin ng sasakyan.

Kapag dumidilim na at nagsimula na akong gawing pulutan ng mga lamok ay saka na ako nyan uuwi. Wala naman kasing gagawin noon sa bahay pwera na lang umupo tumayo at kumain. Sa harap namin ay palayan kaya pwera na lang kung trip mo mag-dive sa putikan o manghuli ng mga lamok eh hindi ka mabobored. Ang daan nga pala ay sementado; dati kapag umuulan ay grabe ang putik sa daanan namin kulang na lang gawing mong merienda kasi parang daan na gawa sa toblerone. Natatandaan ko pa noong nasa elementarya pa ako eh ilang ulit ako nagpagulong-gulong sa palayan. Hindi ko naman sinasadya syempre kasi ang dulas ng daan pero iniisip ko na lang noon na baka bata pa naman talaga ako at hindi pa nadedevelop ang muscles at mga buto sa aking mga paa. Kung ang isa ngang airport dito sa pinas nasabihan na isa sa pinaka worst na airport masasabi ko naman na ang daan namin dati ang pinakaworst na daan na hindi mo pa nakikita sa tanang buhay mo. Minsan nga nagtataka ako kung bakit walang mga turista ang pumupunta para bumisita. Inaasam ko pa naman na maisulat ito sa isang international magazine o kahit sa New York Times man lang.

Sa ngayon ay sementado na ang daan doon sa palayan pati doon sa labasan. Kahit umulan pa eh hindi na nagiging choco-na- gatas ang daan. Pero dahil na rin sa katagalan eh bumibiyak na rin ang mga semento pero ok na rin kasi nakakapasok na rin ang mga magagaling mag-motor. Sinasabi kong magaling kasi kahit marunong ka magmotor eh medyo matatakot ka sa daan kasi maliit lang ito at medyo nabiyak na rin ang semento sa ilang mga parte. Kapag nahulog kayo ng motor mo eh pupulutin kayo sa putikan, palayan at hindi naman kangkungan. Mababa lang naman pero mahihirapan ka itaas ang motor kasi may kabigatan rin ito. Ilang mga kakilala na kaya namin ang nagkahulog-hulog sa palayan at kahit anong lakas ng kakatawa namin
eh wala naman kaming magagawa kundi tulungan ito itaas ang motor. Kaya siguro hindi na rin ako nagpursige na mag-aral ng pagmomotor kasi aararuhin ko sigurado ang buong palayan at magtatampo sa akin ang mga nakataling kalabaw sa puno ng bayabas.

Balik ako sa aking kwento kanina. Maggagabi na kaya naisipan kong umuwi na sa aming bahay. May kasabay naman ako na kakilala na pauwi na rin kaya habang nag lalakad eh nakikipagdebate na rin kong bagay ba kay Kim Chiu ang mataba o maskuladong katawan. Madamo na ang nasa gilid ng daan at alam ko na napipikon na ang mga paa ko dahil nasasampal ng mga damo. Malapit na ako sa amin ng pagtingin ko sa baba ay may nakita akong kulay brown na malaki at mahabang gumagalaw malapit sa aking paa. AHHHH Ahas!!!! Nabigla talaga ako ng sobra na hindi ko inaasahan na mapupunta sa pwet ko ang aking puso. Sobrang lapit ng malaking ahas sa aking paa na baka kung may kamandag ito at natuklaw ako eh forevermore na akong paralisado o baka magkamalay ako at malaman na nagpapagamot na sa pampublikong hospital sa langit. Ang sabi raw, ang ahas eh hindi naman yan manunuklaw kung hindi naman nya na feel na nagagambala sya o kinakalaban. Parang ako lang na ayaw kong ginagambala ako pag busy ako sa aking assignment na pagbabasa ng Maxim o pag-iimagine na katabi ko matulog si Gal Gadot o Yoo In-na. Siya nga pala year of the snake ako; nanunuklaw ako at namumulupot ng..Eh mukhang nagambala ko ata kaya yun parang aatakihin ako. Huwag nya akong subukan; nag aral ako ng isang kilalang taktika na pangdepensa sa Europa na tinatawag na “TakbhoNgMabiliz”. Medyo tunog pinoy lang yan pero international 'yan pare. Nung tipong kakagatin na ako eh biglang gumalaw ang isa kong paa ng napakabilis habang 'yung isa naman ay dumulas sa pababa ng daan at tumusok ng napakalalim sa putikan. Nahirapan akong hugutin ang isa kong paa sa putikan at naiwan ko pa ang isang pares ng tsinelas sa ilalim. Ang bilis ng takbo ko na naisip ko na para ko na ring pinahiya sa takbuhan si Usain Bolt.
Pakatapos ay nakita ko ang kasama ko na kumuha ng mahabang putol ng kawayan at pinagpupukpok na ang malaking ahas. Hindi ito ang una kong ingkwentro sa ahas; noon ng naglalaro ako ng computer games sa loob ng bahay eh may madulas na dumikit sa aking kanang braso at nakita ko na ahas na pumupulupot palabas ng bintana pala. Buti na lang hindi ako tumakbo palayo kundi babangga ako ng napakalakas sa aming dingding, mawawasak ang aming lumang bahay at magpapasya sila mama na patulugin ako sa labas katabi ang baboy. Yan balik ako, pinagpapalo na ng kasamahan ko ang malaking ahas at ako naman para hindi naman mapahiya dahil may mga nakakita sa amin eh lumapit naman ako sa kasamahan ko. Pero sa totoo lang kukunin ko lang naman talaga 'yung isang pares ng tsinelas na nakabaon sa putikan; noong oras na iyon eh para akong humuhugot ng ligaw na bomba sa Iraq, ang kaibahan nga lang eh hindi mga buhangin kundi napakalapot at maitim na putik.

Sa ngayon iniisip ko kung may buwaya, T-Rex o Hippo kaya dito sa aming lugar. Baka malaos sila Flash o Quicksilver dahil sa akin. Rason na rin ito siguro para huwag bumili ng havaianas.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM