11/4/15

ENJOY MAG-BIKE, 'WAG LANG MASIRAAN


Habang sinusulat ko ito ay pinagpapawisan pa ako at medyo masakit na rin ng konti ang aking legs. Kakauwi ko lang ngayon sa bahay. Sa awa ng Diyos hindi naman ako inabot ng dalawang araw para makauwi dito sa amin. Nagpasya ako ngayong umaga na mag-bike para kahit paano ay matagtag man lang ang aking katawan kasi kinakalawang na at naglalaglagan na ang mga turnilyo sa aking braso at paa. Una kong naisip na maglakad-lakad na lang sa likod namin sa may mga palayan, kaso nga para lang akong pagong gumalaw kasi hindi ko mapigilan tingnan ang aking cellphone minu-minuto so sabi ko walang ring mangyayaring maganda rito pwera na lang kung may lumabas sa damuhan na anaconda at gawin akong agahan.
Naisipan ko na lang mag-bike. Enjoy kaya. Healthy kasi ang mag-bike kumpara sa pagmomotor; mapipilitan ang katawan mo na gumulaw at pagpapawisan talaga ang kili-kili at singit mo. Isang magandang exercise para sa tulad ko na bukod sa hindi na rin naglalaro ng basketball at hindi na rin nakakasipa ng bola ng football eh sadyang tumatanda na rin at kailangan na mabanat ang mga buto. Isa ring magandang rason kasi hindi naman ako marunong magmotor. Baka marunong ako magpa bangga ng motor sa mga puno ng saging at itulak ito papuntang junk shop. Saka feeling ko high blood na rin ako at hindi imposible na atakihin na lang ako bigla sa puso -- pero matagal na rin akong nakaranas na atakihin sa puso noong mabasted ako pero alam ko na wala rin itong kinalaman sa pinagsasasabi ko ngayon kaya balik ako sa aking kwento. Lumipat na pala kami ng tirahan, dito na kami sa sunod na baranggay kaya kahit paano wala naman akong masyadong kilala rito. Gusto kong makapunta sa dulo at may dalawa (o tatlo) pa namang barangay na pwede kong mapuntahan. Oo, simula pa noong ipanganak ako sa bayan namin eh hindi ko pa talaga napuntahan lahat ng lugar na gusto ko puntahan dito. Kung kaibigan ko siguro si Doraemon eh baka bigyan pa ko nung elesi sa ulo para makalipad sa kung saan ko gusto pero imposible naman kasi yan. Yan kung gusto ko ng pusa.
Lumang-luma na rin ang aming bike dito. Pag sinasakyan ko ito eh para akong bumabalik sa panahon kung saan nagbobombahan pa ang US at Japan noong World War II. Pero sa bigat ko ba namang ito eh kaya pa naman nya ako at hindi pa naman nagkakalasug-lasug ang katawan. May oras na parang magtatanggalan na ang mga parte pero iniisip ko na lang na baka totoo naman talaga na may autobots at decepticons. Bikecatron..Tsub Tsak Tsuk Tzum (Sound effects)
Mabilis ang pagpedal ko kasi wala naman masyadong dumadaan na mga motor at sasakyan. Wala naman masyadong dumadaan talaga ditong sasakyan; karamihan dito mga motor at kung may dumaan man eh jeep na sakay mga estudyante na paputa o pauwi galing sa paaralan. Siya nga pala Linggo ngayon; kaya marami akong nadaraanan na mga batang naglalaro sa gitna ng daan na aakalain mong nasa loob lang ng bahay kasi nagsisipag-gulungan. Lahat ng mga nasa gilid ng daan eh nagtitinginan sa akin. Bukod sa syempre naman kasi may mata naman sila lahat at hindi naman pwedeng ilong ang gamitin eh iyong rason na ngayon ko lang sila nakita at ngayon din lang nila ako nakita kaya patas lang ang laban. First time rin ata nila makakita ng tao na ang buhok ay gawa sa pugad ng malaking ibon.
Ang sarap talaga mag-bike sa umaga; 'yung tama ng araw sa aking mukha at ang hampas ng malamig na hangin sa aking buong katawan. Nakakarelax nga naman. Ang sarap ng hangin dito sa amin. Malayong-malayo sa hangin na malalanghap mo sa ilang mga siyudad na para kang naghithit ng syabu na gawa sa alikabok. Ngayon ko lang napagtanto na ganito pala kalawak ang lugar namin. Hindi kasing lawak ng noo ko syempre. Tipikal na malalawak na palayan na palagi kong nakikita simula pa noong bata pa ako pero nandoon 'yung realisasyon ko na kahit kailan ay hindi ako magsasawa sa ganitong klase ng lugar at kahit kailan hindi ko makakalimutan ko unang naitapak ang maliliit kong paa noong bata pa ako. Paminsan-minsan ay tumitigil ako at tinitingnan ang paligid. Malayo na rin ako at lumampas na ako sa isang barangay. Papalapit na ng papalapit ang tingin ko sa kabundukan na nasa dulo. Here I come baby!
Ang bilis na ng pagpedal ko at ginaganahan talaga ako ng todo. Maganda na rin pala ang mga daan dito at may mga parte lang na lubak lubak pero alam ko na kayang kaya yan ng bike ko; beterano na kaya ito sa laban at nasakyan na sya ni McArthur. Pinaparampa ko kahit sa mga lubak na parte na huli na ng maisip ko na isa itong masama at idiotic na idea. Nasa sunod na baranggay na ako; masasabi ko na malayo na rin talaga at medyo pataas na ang daan ng bigla akong abutan ng kamalasan. Ang bilis ng pagpapatakbo ko ng bigla at malakas na huminto ang takbo ng bike. Ang lakas ng biglang paghinto ng gulong na buti na lang ay hindi ako tumilapon sa ire, sumikat at maging stunt double ni Keanu Reeves sa pelikula nyang John Wick. Maswerte pa rin ako kasi yung hulihang gulong ang nagkadiperensya at hindi 'yung nasa unahan kasi siguradong titilapon ako ng napakalakas na baka ngayon kasama ko na si Bob Marley na nagwi-weeds sa taas. First time ko sana yan at sigurado uubuhin ako.
Namumrublema na ako sa oras na iyon. Tumagilid iyong gulong sa likuran at tumatama na ito sa may metal sa likod kaya hindi na ito umiikot. Wala ring mga sasakyang dumaraan kaya mahirap. Wala rin ako dala ni piso kasi 'di ko naman inaasahan na magloloko itong beterano ng WWII. Wala rin ako dala tools na pang-ayos sa aking bike at sa turnilyo sa aking ulo. Iniisip ko na itutulak ko na lang itong bike pauwi pero hindi na pala umiikot ang hulihang gulong so kailangan ko itong buhatin. Buti sana kung koreana na nakikita ko sa telebisyon ang bubuhatin eh walang problema kahit magtatatlong baranggay pa ang layo ng aking lalakarin pero itong bike? Nooooo. Parang pasan-pasan ko nyan si Optimus Prime sa likod ko. Hindi ko na namamalayan na sinisipa ko na yung gulong at nagdarasal na sana makaya ng paa ko na ituwid ang tumabinging gulong. Biglang napansin ko na may jeep na dadaan. Makikisakay sana ako kasi wala naman ni isang pasahero pero nahiya ako -- 'langyang kahihiyaan ito oh; bukod sa wala akong pera at naghintay sana na mismong drayber na ang makahalata na nasiraan ako ng bike (at maging ulo) pero hindi nya nahalata at diretso lang ang takbo nya. Naisipan ko na mag-kapal muks na pero noong time na nasa dulo na ng mundo 'yung jeep. Maya-maya may lumapit sa akin na lalaki na naglalakad sa may daan. Siguro naagaw ko ang atensyon nya dahil sa walang habas kong pagsipa sa gulong ng aking bike pero alam ko na nagpapagod lang ako at wala naman itong magandang mangyayari kasi parang mas masisira pa ang bike. Pawisan na ako kaya basang basa na 'yung tshirt ko. Nilapitan nya ako at sinamahan ako sa isang maliit na kubo sa gilid ng daan at humiram ng gamit na pang-ayos. Ayos na ulit ang gulong at masayang masaya ako. Nagpasalamat ako ng sobra-sobra sa lalaki at ngayon ko talaga napatunayan na mababait ang aking mga kababayan. May ilan pa rin talaga na tutulong sa'yo sa oras na kailangan mo na talaga ng tulong ng walang hinihinging bayad o kapalit. Maraming salamat po ulit.
Ok na ang aking bike? Uuwi na ba ako? Hindi. Dumiretso pa ako kahit medyo gumigiwang ng konti ang hulihang gulong. Naisipan ko na lang na bumalik na ng nakita ko na parang delikado na ang paggiwang-giwang ng gulong sa likod; parang paa ko lang kapag nakainum ng tatlong jumbo red horse.
Paalala lang kapag magbibike ng malayuan:
Magdala ng pang-ayos: para kapag nasiraan ka, makakapagpatuloy ka pa sa byahe. O e-wikihow mo na lang.
Magdala ng pera: Pampaayos sa nasirang bike at pamasahe sa jeep kapag tinamad nang magpedal pauwi at ayaw himatayin sa gitna ng daan.
Extrang damit: Pagpapawisan ka ng sobra, pwera na lang kung alien ka.
Hinay-hinay lang kapag hindi kagandahan ang daan: madali kang makakarating sa pupuntahan, madali ka ring mamalasin sa daan.
Enjoy pipol!

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM