10/15/15

DA(RATING) DIN ANG UMAGA


Tanghaling-tanghali pero hindi ako makatulog. Ang sarap naman ng hangin na pumapasok sa bintana ng aking kwarto pero walang itong magawa para dalhin ako sa aking panaginip. Gusto kong takpan ang buong ulo ko ng malaking headphone pero hindi rin pwede kasi lowbatt ang aking cellphone. Ang lakas naman kasi ng tunog na nanggagaling sa aming nakabukas na telebisyon. Ok sana kung kantahan ang palabas pero hindi eh. Ibang klaseng ka-kornihan naman. Oops, pasensya na. Sariling opinyon ko lang. Huwag niyo akong i-assasinate sa social media. Ayoko sana mag-sulat ngayon kaso wala eh; nakita ko na lang ang sarili ko na bumangon sa aking higaan, kinuha ang laptop at nagtakip ng tenga gamit ang headphones.

Sa totoo lang manunuod ako ng telebisyon kapag gusto ko magrelax at gusto ko maalaman kong ano na ba ang balita sa ating planeta. Gusto ko tumawa pampatanggal ng stress o sakit ng ulo kaya naka on sa harap ko ang telebisyon. Pero sa panahon ngayon kapag nanunuood ako iba na ang pumapasok sa ulo ko eh: Rating Wars. Matagal na ang banggaan ng dalawang malaking TV stations na itatago ko sa pangalang station Six Pack Abs at si Station Nunal. Maganda sana ang nagagawa ng banggaan na ito dahil una mapipilitan silang mag-isip ng mga bagong konsepto para sa magandang palabas at pangalawa mas madaragdagan ang mga magagandang palabas sa telebisyon kaya marami na tayong pagpipilian.

Kaso hindi ito ang parang lumalabas eh. Parang bumabaliktad pa nga eh.

Dahil dito nagsisilabasan ang mga palabas na dapat sana matagal ng naka-stock sa recyle bin. Puros na remake/reboot ang ipinapalabas. Yung tipong patok na show noong unang panahon; kukuha lang ng mga beterano at kapitapitagang at kagalang-galangang at kasosyal-sosyalang at kagurang-gurangan at batikang mga artista, iipunin, magshoshoot at presto...may bago ng palabas. Parehas ang storya, parehas na karakter, iba lang ang gaganap ngayon dahil malamang nasa langit na tumatambay ang karamihan sa orihinal na gumanap. At syempre ang pangunahing karakter dyan eh yung patok sa masa; yung tinitilian ng mga babae, lalaki, baks at tombs. Wala naman akong nalaman na palabas dito na kinuha ang hindi kilalang tao para maging bida sa isang palabas. Syempre kukunin nila yung sikat, tulad nung kumanta ng “nasayow-na-eng-lehattt” kasama yung kapareha nya na parehas mahilig uminom ng kape (sa patalastas). Ako sana sa tingin ko pwede naman ako roon, pasok naman ang itsura ko, marunong naman ako mag-acting ng konting-konti, bagay naman kaming magkatambal nung babae na parang elementary student pero sabi kasi ng direktor hindi raw ako pwede kasi mga beteranong rugby boys sa kanto lang daw nakakakilala saakin at kailangan ko pa raw uminom ng isang baldeng tubig na may-gluta. Ilang ulit na bang pinalabas sa TV yung babae na kalahating tilapia sa dagat? Yung gusto ko sana panuorin pero nakakatamad kasi hindi ako naniniwala na may isda sa dagat na nagsusuot ng bra. Para sana tumaas ang rating eh maging realistic tayo; hayaan syang lumangoy na walang...nevermind. Sirena ata iyon, hindi naman tilapia. Ilang ulit na bang pinalabas yung babae na sexy na ang pangalan ay marimar na parang palaging kinukurot sa singit at kala ko nga noong una eh aso? Marimar...Aw!! Bow!! Hindi ko sinisiraan ang mga palabas na ito dahil sa katunayan eh nanunuod din naman ako paminsan minsan pag may time. Pero please lang, mag isip naman ng bago. Masarap naman kainin pag fresh pa ang gulay at hindi pa lanta. Asan ka na creativity at imagination?

Sana ibalik yung panahon na magaganda at may mga kabuluhang palabas pa ang makikita natin sa telebisyon. Nandoon na yung labanan pagdating sa rating pero hindi mo na ito maiisip kasi panalo ang mga palabas. Natatandaan ko pa nung mga una pang panahon na palagi kong inaabangan ang mga palabas sa telebisyon na Sineskwela, Bayani, Math-tinik etc. Kung mapapansin mo sinadya kong ilagay sa hulihan ang Math-tinik kasi hindi ako mahal ng matematika; tinik pwede pa. Jowk. Napakasayang manood nito dahil nag-eenjoy ka na natututo ka pa. Kaya para doon sa mga nagtatanong kung bakit palaging nakaupo si Apolinario Mabini eh regaluhan mo sa kaarawan nya ng link ng show na Bayani sa youtube (kung meron man). Natatanga na kasi tayo kasi kung ano-ano na lang napapanood natin na palabas. Ako nga wala ng itatanga kasi na-overdose na rin ako. Ewan ko ba pero hindi ko rin naeenjoy yung palabas na ang tema eh kainan at tambay-tambay. Ang ibig kong sabihin eh yung palabas na may nagluluto tas yung host naghihintay na maluto yung pagkain kaya makikichika muna sya sa isang sikat na guest tas kakain ng kakain tas magsasabi ng wow ang sarap at iattry pa yung ibang pagkain tas magiging pa sosyal na food critic tapos kukuha na naman ng pagkain..paulit-ulit lang. Buti sana kung cooking show eh parang hindi naman eh. Titikman ko at sasabihin ko kung masarap ba o kung anong lasa. Malamang masarap yan kasi kilalang chef ang magluluto at syempre hindi naman namin malalaman ang lasa nyan kasi nga nanunuod lang naman kami! Nagutom tuloy bulate ko sa tiyan. Tapos pupunta sa ibang mga lugar sa bansa tas ipapakita kung gaano sya kasosyal maglakad sa putikan o kung gaano kalakas ang pagsigaw nya habang tumatawid sa mataas na tulay. Oh syahyyt. Mas gusto ko pang panuorin kahit paulit-ulit ang Dragon Ball Z kesa sa ganyan. Pero maganda ang mga docu na palabas sa isang TV station. Clap clap, saludo.

Sya nga pala, yung isang palabas sa isang TV station na tinago ko sa pangalang Six Pack ABS naging parang Live Dating Site na. Sorry kung parang ang dating eh parang link sa isang porn site sa internet.haha. Nanonood ako nito dati para sumaya, tumawa at mamangha sa kung ano-anong mga pakulo, pero ngayon ayaw ko na manood kasi inaantok ako at 'di ko mapigilang magtakip ng earphone/headphones sa aking tenga kapag nandito sa bahay at nakabukas ang telebisyon. Sorry sa mga fan ng segment na ito pero masyado kasi akong mapili at makomento pagdating sa mga palabas sa telebisyon. Ayoko manuod ng kalahating oras sa isang babae na hearbroken daw na bigla na lang sumulpot, ay mali..pinasulpot, sa isang show at napapaligiran ng kalalakihan na umaasang mapasa-kanila ang puso ng babae at sila ang magkakatuluyan. Manhid lang ang hindi makakahalata na ginawa ito pantapat sa isang sikat na show sa kabilang istasyon na itatago ko na naman ulit sa pangalang Nunal Station. Kasi doon sa kabila may binuong parang love team at pumatok ito sa masa at tumaas ang ratings nila. Ito sumusunod din sa uso para taasan ang rating pero parang magka-crash landing din at mapupunta ang byahe sa MTRCB. Opps. Fan ako ng show na ito at naaaliw ako, pero dati noong astig pa ang mga pakwela at pakulo. Sayawan dito, kantahan at pasikatan doon. Pero ngayon iniisip ko kung ano ba ang rason para panuorin pa iyon? Bukod sa hanapan ng boyfren sa telebisyon at ticket lang naman ito ng ilan sa lumahok para makita sa telebisyon, mapag-usapan at sumikat...anong rason para panuorin ito? Ang love kusa na lang yang darating, hindi ito X-factor o American Idol na kailangan pa mag audition o magpasikat para mapansin. Ayaw ko na lang manuod. Boredomness. Sa kabilang station naman masasabi ko na hindi naman yung love team na tinatawag ang nagpapaganda sa show kundi yung mga komedyante na kasama nila. Kung wala sila wala rin yang dalawa na yan na nagtetrending sa twitter at tumulong para tumaas rating nila. Sori sa mga fans wag nyo ako sunugin ng nakahubad.

Sya nga pala tutal taltlo (o apat) lang naman ang tv station na nakukuha dito sa amin kaya masasabi ko na mas gusto ko pa manood sa isang station na Play hard ata ang pangalan. Kasi nandoon na lahat ang gusto ko...news, sports, movies etc. Gustong gusto kong manuod ng UFC kasi bukod sa namomotivate ako na mag exercise (minsan lang) eh natututo pa ako kung paano sumuntok at sumipa ng malakas sa bayag ng kalaban.

Sa mga makakabasa nito at magagalit at mag-aamok at magwawala kasi dakilang fanboys sila ng mga nabanggit kong palabas....eh tara na sa octagon at takpan mo ng maigi ang iyong...., well..mukha at baka gumulong sa sahig at lumipad pauwi ng Jupiter.




0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM