9/19/15

PAANO MAGING MALUFET NA STREET PHOTOGRAPHER

Paalala: Hindi ako malufet/magaling na street photographer. Pero magaling akong tumambay sa street.


Sa mga nakakakilala sa akin, ako iyong tipo ng tao na mahilig magkulong sa loob ng kwarto. Kaya ko buong araw na nakatutok lang sa laptop, nakikinig ng music o nanunood ng tv sa loob. Boring. Pero may oras na iisipin mo, habang maghapon ako nakakulong sa aking maliit na kwarto na tadtad ng ipis o maghapong nakahiga habang iniisip na katabi ko si Jennifer Lawrence, eh marami ang nangyayari sa labas. Penafrancia Festival pa naman ngayon dito sa Naga. Ang daming mga tao na namamasyal at nagkukumpulan kung saan saan. Dinaragsa ito ng mga tao galing pa sa iba-ibang lugar. Magandang panahon ito para lumabas sa aking kwarto, at magliwaliw sa centro at makisalamuha sa mga tao. Tara street photography ta'yo pre. Puro ka Al-Dub d+++head.



Ito (street photography) ay ang paglalahad ng storya at tunay na pangyayari sa ating paligid gamit ang ating camera. Isa sa maganda sa street photography ay ang pagkuha ng larawan na hindi scripted; sanay ako na magpa pose ng tao mapa-babae man yan o lalaki sa loob ng studio, pero hindi sa kalye. At ibang iba sa kalye. Hindi mo kontrolado ang mga tao; hindi mo alam kung ano ang posibleng subject at hindi alam ng mga tao na sila na pala ang subject.
Karamihan sa mga photographer o yung iba na mayroon lang camera (hehe) ay ayaw subukan ang ganito kasi nahihiya o ang iba natatakot. Sa una lang yan pare. Sabihin ko sayo maeenjoy mo rin ito at baka maadik kapa rito kesa sa pagsinghot ng rugby. Maipapakita mo sa buong mundo ang realidad ng buhay, ang totoong nangyayari sa ating kapaligiran, kaya isa ito sa pinakamagandang pwedeng gawin ng isang photographer. Heto mga maipapayo ko para maging magaling/maangas na street photographer.


  1. Ano pang hinihintay mo? Tara na sa kalye. Para saan pa na tinawag na “street photography” kung hindi ka naman pupunta sa street.
  2. Ilabas ang camera/smartphone. Kahit ano pa man ang gamit mo ok na yan basta ang importante ay makunan mo ang magandang pangyayari sa harapan mo. Leica daw ang matindi pero hanggang pangarap lang yan. Nagshoshoot pala ako gamit ang aking digicam at minsan naman smartphone lang. Napakaraming pwedeng mapiktyuran. Kadalasan mga batang naglalaro sa daan, mga tindera ng mga kakanin at taho o kahit mga palaboy. Napakaraming pwedeng subject; kailangan mo lang tumingin sa lahat ng sulok.
  3. Pitik lang ng pitik. Wala na yung tinatawag na film, so bakit mo pipigilan ang sarili mo na mag click ng click di'ba? Baka may masayang kang mahalagang pangyayari kaya dapat palaging handa ang camera mo. Yung decisive moment pare na tinatawag ni Henri Cartier Bresson. Malay mo may nagsusuntukan sa harap mo, at nakalipas na ang ilang minuto bago ka naka shot. Hayon yung ambulansya na lang ang napictyuran mo. Sayang ng maaksyong sandali, di'ba.

  4. Huwag ka magpahalata na photographer ka. Pwera na lang sa iba na ginagawang kwentas ang dslr/digicam sa loob ng mall para magpasikat (sori sa tatamaan, haha) eh iba pagdating sa kalye. Sige maglakad ka na dala-dala ang napakalaki mong camera sa daan at harap-harapan mo silang pinipiktyuran eh baka iba pa isipin nila. Baka ilagay yan sa dyaryo o baka ipakita yan sa tv o baka saan gamitin ang piktyur-- ganyan ang iisipin sa'yo ng ibang tao. At hindi natin alam, ang iba nagagalit pag kinukuhan sila ng picture at hindi natin alam baka masira pa yang gamit mo. Magsuot lang ng simpleng damit, yung hindi ka pagtitinginan at magmumukha ka lang na ordinaryong nerd. Makipagsabayan ka sa daloy ng tao ng hindi ka masyado halata; invicible ka dapat. At kapag may nakita kang magandang pwedeng subject eh pitik lang ng mabilisan.
     
  5. Mas maganda pag maliit lang na camera. Hindi ko sinasabi na bawal ang dslr pero mas maliit mas maganda. Pwede mo lang ito ibulsa o pwede mo lang dalhin ng hindi napapansin ng mga tao. Pwera na lang kung ikaw si James Bond.
  6. Relax lang. Kapag nakita ka o nahalata mo na napansin ka ng tao na kinunan mo sya ng litrato eh huwag ka magpanic. Payo ko lang: huwag mo sya titigan mata sa mata, panatilihin mong nakatitig ka sa camera at ibahin mo ang direksyon ng camera. Iisipin ng tao na hindi naman pala sya ang kinukuhanan mo. Huwag mo sya pansinin at diretso na ang lakad mo. 
    Nahalata ka na pumipitik? Natural lang yan syempre. Chill ka lang at pitik lang ng pitik hanggang malowbat.
     
  7. Pag aralan ang settings at pasikot-sikot ng iyong camera. Kailangan mabilisan ka mag kalikot ng camera settings. Mas mabagal ka mas maraming magagandang subject ang di mo makukuhanan.
  8. Subject, Composition, Lighting etc. Hindi porke't street photography eh kukunan mo lang yung literal na daan. Dapat may subject ka rin; ang dami kayang tao/hayop sa paligid. Maganda pag may silhouettes. Maganda ba ang ilaw dito? Tataasan ko ba ISO? Ikaw na bahala. Pwede ring iapply yung rule of thirds. Paki google na lang.  
     
  9. Hintay-hintay din pag may time. Maganda ang paligid pero walang magandang subject? Hintay-hintay lang at may daraan dyan.
  10. B&W or colored? Kung titingin ka sa internet ng mga street photographs eh mapapansin mo na karamihan ay black and white. Bakit? Kasi mas matutuon ang atensyon mo sa mismong subject(s) sa litrato. Pero hindi naman sa lahat ng oras eh ganyan. May ilan naman na mas maganda pag colored, nasa saiyo na lang yan. Payo lang: mag shoot ka na hindi naka b&w (monochrome). Mas madali lang iconvert sa b&w ang picture sa photoshop o lightroom; pag b&w na kasi yan sa camera mo lang eh hindi mo na yan maibabalik na may kulay. Pwera na lang kung magtsatsaga ka magkulay sa photoshop o kamag-anak mo si Hermione Granger.
    Black and white o colored? Ikaw bahala, Pero may mga kuha na mas maganda pag may kulay. Dapat makulay kasi fiesta.

  11. Be confident. Iba ito sa mayabang at epal. Ingat at baka mabugbog ka. Mahal magpagawa ng ngipin.


    _________________________________________________________________
    Kung gusto nyo pa makita ang ilan sa mga kuha ko ay bisitahin na lang ang aking online portfolio: http://alvincabaltera.co.vu
    o iaadd ako sa aking Instagram account https://instagram.com/alvin_cabaltera/

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM