CUPCAKE (MAIKLING KWENTO)
Isang
malawak na kabundukan na napapaligiran ng matataas na puno. Iba-ibang
magagandang bulaklak ang makikita na nababalutan ng nagliliparang mga
paru-paro. Ang lamig ng hangin na parang pumipisil sa aking balat at
humahawak sa aking buhok. Naririnig ko ang tunog ng tubig na malayang
umaagos sa ilog at ang masayang awit ng mga ibon na masayang
nagliliparan sa kalangitan. Whew, tumutulo ang pawis ko dahil sa
kakatakbo pero hindi pa rin naman ako nakakaramdam ng pagod, ewan ko
lang baka mahimatay etong aso ko na si Piccolo. Para akong baliw na
lumulukso-lukso sa nagtataasang mga damo, humihiyaw at humahalakhak.
Napadako ang aking mga mata sa isang bagay na nasa lilim ng isang
makapal at mataas na puno. “Ano kaya iyon?” wika ko. Patakbo akong
pumunta sa puno.
“Ah isang babae.”
Nakatalikod
ito, parang may hinihintay. Mahaba ang buhok, medyo matangkad at
maputi. Sa bawat pag-ihip ng hangin ay nalalanghap ko ang kanyang
pabango. Humarap siya sa akin.
Natulala ako.
“Wow, ang ganda.”
Ngumiti
siya sa akin. Nakakalaglag panga nga naman talaga. Ang ganda ng kanyang
ngiti, matangos ang kanyang ilong, medyo singkit ang mata at kumikinang
ang kanyang buhok kapag Pinilit ko magsalita pero walang salitang
lumabas sa aking bibig. Namumula na ata ako. Ngumiti ulit siya sa akin.
“Ang ganda dito nuh?” tanong nya sa akin.
“Oo
nga eh, dito lang ako pumupunta kapag wala ako magawa. Nagpapahangin at
tumatakbo pataas sa bundok kasama itong aso ko. Ikaw, ano ba ginagawa
mo rito? May hinihintay ka?” tanong ko.
“Ah
wala. Bata pa lang ako ay dito na ako pumupunta kapag nalulungkot ako.
Nagdadala ako ng kung ano-anong makakain, kaya nga ang taba-taba ko noon
eh.” nakangiting sabi nya sa akin.
''Eh bakit ngayon pa lang kita nakita dito? Ang tagal ko na rin kaya dito pumupunta.”
“Ewan,
baka sadyang ayaw lang talaga tayong pagtagpuin.” Nakangiti siya habang
may may kinukuha sa malaking plastic bag na nakalagay sa ibabaw ng
damo.
“Gusto
mo ng cupcake? Ano mismo ang gumawa nito”, sabay inabot sya sa akin at
ako naman ay parang halimaw na sinubo ng buong-buo ang cupcake.
“Wow, ang sarap naman!” Ay nakalimutan ko magpakilala, ako nga pala si Christian. Ikaw ano pangalan mo?” tanong ko sa kanya.
“Ako si...”
Hindi
nya nasabi ang kanyang pangalan. Nakatitig ako sa taas habang isang
bilog na bagay mula sa taas ang papalapit sa aking mukha.
“Ano 'toh? Buko? Eh punong narra ito ah....”
“POKKKKKKK!!!!”
“Aray!!”
Biglang
nagdilim ang aking paningin. Pagmulat ng aking mga mata ay nakita ko
ang aking nakababatang kapatid na nakatayo sa tabi ng pintuan ng aking
kwarto. Nakangiti ito habang hawak-hawak ang bola ko.
“'Langhiya
ka talaga! Binato mo na naman ako ng bola na yan. Winasak mo na naman
ang napakaganda kong tulog!” sigaw ko habang hawak-hawak ang unan at
ibinato ko ng napakalakas sa aking kapatid. Tumakbo ito palabas ng
kwarto kaya tumama lang ang unan sa pintuan.
Aww late na ako! Naku po, buti na lang at ginising ako ng mukong na yon..''
Dali-dali
akong naligo, nag-ayos at sakay agad sa aking lumang motor diretso sa
aking pinagtatrabahuhan. Nakalimutan ko palang kumain.
Papasok na sana ako ng makita ko ang aking kaibigan at katrabaho na si Marc. May kasama itong babae.
“Yow, pare musta? Relax lang, wala pa naman si Boss eh, ayos lang na palaging late.” sabi sa akin.
“Eh
nakakahiya na pare kay Boss eh, palagi na lang ako late...feeling ko
nga umuusok na tenga nun pag nakikita ang pagmumukha ko.”
“Oki lang 'yan. Ay teka, siya nga pala...bago nating katrabaho.”
“Hi” nakangiting sabi ng magandang babae sa akin.
Natulala
ako bigla, pero pinilit ko na huwag ipahalata na ako ay nahihiya.
Minsan lang ako makipagkilala sa mga babae, lalo na sa mga magaganda at
sexy. At saka hindi pa ako nagkakagirlfriend. Pero hindi ako bading.
“Ako
nga pala si Christian. Ahm, alam mo parang pamilyar ka sa akin, 'di ko
lang matandaan kong saan kita nakita.” nahihiyang sabi ko sa kanya.
“Baka nakita mo ko sa TV”, pabirong sabi niya. “Ako nga pala si Rebecca”.
Ang ganda naman ng pangalan, bagay na bagay sa kanya.
“Mga 'tol pasok muna ako ah, nakakahiya naman sa inyong dalawa.hahaha” sabi ni Marc.
Nagtawanan kami pareho ni Rebecca.
“Sabay na lang tayo kumain mamaya, hindi kasi ako sanay na walang kasabay kumain eh” sabi niya sa akin.
“Sige ba, walang problema” sabi ko.
“..at saka nagluto pa nga ako ng cupcake. Gusto mo tikman? Ako mismo ang gumawa nito.” nakangiting sabi niya sa akin.
0 comments:
Post a Comment