4/4/12

BULA: MAIKLING KASAYSAYAN


Ako ay isang Bulaeňo. Nais ko lang ibahagi kung paano ito nagsimula at kung anong mga makukulay at maging madidilim na pangyayari ang naganap. Sisimulan ko sa panahon ng pananakop ng espanyol hanggang sa panahon ng martial law.

(Spanish Period)

Ito ay kinokonsidera na isa sa apat na bayan na unang itinatag ng mga Kastila noong sila ay nakarating sa Bicol noong 1576. Sinasabing noong 1578 ay ganap na naging Kristiyano ang mga naninirahan dito.

Pero saan nga ba talaga nagmula ang pangalan na “Bula”?

Walang opisyal na rekord kung saan ito nagsimula, pero sinasabing isang espanyol na ang pangalan ay Broson y Brano ang nagbigay ng pangalan na Bula. Tinanong niya ang isang katutubo na abalang nagpuputol ng kawayan gamit ang sarili nyang lenguwahe kung ano ang pangalan ng lugar, ngunit sa pag-aakala ng katutubo na siya ay tinatanong kung ano ang kanyang ginagawa, ay sinabi nito na “bula” (dayalekto na ang ibig sabihin ay bamboo splits). At nagsimula na ngang tawagin ang bayan na Bula.

Sa kalagitnaan ng labing siyam na siglo, ang Bula ay nahahati sa apat na baranggay: ang Poblacion, Baao, Ombao at Santisima Trinidad (Causip). 1590 ng maging independent town ang Baao, habang sa pamumuno naman ni Capitan Manuel Losa noong 1860, ang Santisima Trinidad ay pinalitan ng Causip. 1891 ng ang Poblacion ay nahati sa dalawang baranggay: San Roque at Salvacion.

Inilalarawan ng mga historian na ang Bula ay palagiang binabaha lalo na kapag maulan o rainy seasons. Kaya nga siguro sinasabi ng ilan na nawawala daw sa mapa ang bayan lalo na kapag may malakas na bagyo. Noon, sinasabing ang ikinabubuhay ng mga tao ay pag-sasaka at pangingisda, habang ang ilan ay pagkakarpentero o pagpapanday ang pinagkakaabalahan.

Bilang tanda ng katapatan, nagbabayad ang mga tao ng buwis sa mga Espanyol. Isang buwis para sa isang pamilya, at ang babae o lalaking wala pang asawa ay nagbabayad ng kalahati. Ang buwis na kanilang binabayad ay katumbas ng walong reales (one peso) at kalauna'y nagtaas sa labing-dalawang reales (one peso and a half). 1854 ng alisin ito at napalitan ng “cedula” tax.


Ang mga misyonaryo at parish priests ang sinasabing “pioneer educators” sa bayan ng Bula. Sila ay nagtatag ng mga parochial schools. Ang klase ay kadalasan na isinasagawa sa mga kumbento at ang mga paksa na itinuturo ay religion, Espaňol at arts and trades. Ang aklat na kanilang ginagamit ay “Caton” o “Cartilla” at maging “Doctrina Cristiana”. Walang nakatalang rekord kung kailan naitatag ang pinakaunang paaralan sa Bula, ngunit sa idineklarang Education Decree ng Minister of Colonies Jose de la Conchas noong December 30, 1863, nakasaad na sa bawat bayan ay kailangang may paaralan para sa mga babae at lahat ng bata na nasa tamang edad ay obligadong mag-aral.

Malaki ang naging impluwensya ng mga Espanyol sa socio-cultural development ng bayan. Katunayan ang ilan sa mga Bulaeňos ay nagdadala na ng espanyol na pangalan, at naimpluwensyahan din kung paano sila manamit, nakahiligang makinig sa mga musika at iba pa. Makukulay na fiesta para sa pagpupugay sa mga patron saints ang ipinagdiriwang sa mga baranggay; uso rin ang panghaharana at nagpapalipas ng oras ang ilan sa “bulang” (cockfights) o kaya karera ng kabayo at kalabaw.

Ang pinakaunang simbahan ay itinayo noong 1676. Ang simbahan ay gawa lamang sa lumber materials at hindi nagtagal ay nasunog ito. Makaraan ang labing-dalawang buwan, isang simbahan na naman ang ipinatayo sa pangunguna ni Father Tomas Calda, ngunit makalipas ang dalawang taon ay nasira ito dahil sa malakas na bagyo. Makalipas ang anim na taon ay nagpagawa ulit ng bagong simbahan. Gawa na iyon sa semento at bato. Nalabanan ng bagong simbahan na ito ang malalakas na bagyo ng ilang siglo. Marahil masasabi na hindi maswerte ang bayan dahil hindi napasama sa history ang mga unang simbahan, ngunit nandito daw ang pinakamatandang kampana sa buong Pilipinas. Ngunit nawala ito noong 1937.

(American Occupation, 1900-1946)

Ang bayan ng Naga ay napasakamay na ng mga Amerikano noong February 20, 1900. Sa pamumuno ng mga Amerikano, itinatag ang mga civil government maging ang mga public schools. At sa pareho ring taon, itinatag ang municipal government ng Bula at ang mga lokal na pinuno ay sinanay para sa administrasyon ng local government. Sa panahong ito mahahalata ang paglubo ng populasyon. Noong 1903 ang populasyon ay mahigit 2,895 at naging 11,750 ng 1939. Nadagdagan rin ang mga baranggay; mula sa orihinal na apat noong panahon ng pananakop ng mga kastila ay naging dalawamput-dalawa:

(1)Bagoladio (2) Balaogan (3) Casugad (4) Causip* (5) Fabrica (6) Itangon (7) La Purisima (Pakili) (8) Lubgan (9) Ombao* (10) Palsong (11) Panoypoyan (12) Pawili (13) Salvacion* (14) San Francisco (15) San Isidro (16) San Jose (17) San Miguel (18) Sta. Elena (Calangatnan) (19) San Roque* (20) Sto. Niňo (21) Taisan (22) Hamorawon

Gayunman, ang baryo ng Hamorawon ay naging parte ng bayan ng Minalabac pagkatapos ng gira.

Sinasabing ang pinakaunang public school ay itinatag ng mga Amerikano sa Bula noong 1902. Noong una, binibigyan nila ang mga bata ng libreng aklat, lapis, kendi at tsokolate para mahikayat ang mga bata na pumasok sa eskuwela. Ang lumang Spanish curriculum ay napalitan na ng bago na ang focus ay sa pag-aaral ng English language, history and civics, hygiene and sanitation at vocational arts. Naging optional rin ang religion. Sa pagtatapos ng rehimen ng mga Amerikano noong 1946, karamihan sa mga baranggay ay may kanya-kanya ng public schools.

Sa mga unang taon ng pamumuno ng mga Amerikano itinayo ang unang permanenteng school building .Ang pagpapagawa ay produkto ng unang panukalang batas na ipinasa ng Philippine Assembly noong 1907. Tinaguriang “Gabaldon Law”, ito ay nagtatalaga ng isang milyon para sa mga barrio schools. Ang school building, na ngayon ay makikita pa sa Bula Central School, ay gawa sa konkretong materyales at galvanized na bubong kaya nalabanan nito ang malalakas na hagupit ng bagyo ng mahigit 85 taon.

Noong 1916 ay ginawa ang provincial road na ang agwat ay mahigit 7 kilometro mula sa National Highway hanggang sa Poblacion. Sa taong ito ang pinakaunang sasakyan ay nakita sa poblacion. Kasama na rin sa pinagawa ang 2.5 kilometrong daan mula sa Provincial road hanggang San Isidro pati ang limang kilometrong daan na nagdudugtong sa Baranggay Balaogan at Palsong at bago ang gira, natapos rin ang daan sa pagitan ng Poblacion at Ombao na mahigit kumulang apat na kilometro.

Noong 1818, sa pangunguna ni Venancio Relativo, incumbent local chief executive, inilunsad ang telegraph system, ang pinakaunang communication facility na nag-uugnay sa bayan at sa buong Pilipinas. Ito ay komukunekta sa bayan ng Bula at sa Pili.

Ang simbahan na itinayo noong 1706 at ipinaayos noong 1876 at 1885 ay nasira dahil sa malakas na lindol noong 1902. Mula sa guho, ay isang bagong simbahan na naman ang ipinagawa. Ito ay gawa lang sa kahoy habang ang bubong ay galvanized iron. Sinira rin ito sa pamamagitan ng dinamita at bulldozer noong 1962 dahil sa ipapagawang bagong gusali.

(Japanese Occupation, 1900-1946)

Ang kapuna-punang transpormasyon na nangyayari sa bayan at ang unti-unti nitong pag-unlad ay biglang natigil dahil sa pagdating ng Japanese Imperial forces. Ito ang masasabi na isa sa pinakamadilim at madugong pangyayari sa kasaysayan ng Bula. Ang ilan sa mga kalalakihan lalo na ang mga dating mga military trainees at reservists ay sumamang lumaban sa Atiponan, Quezon, Laguna, Batangas at Corregidor; iilan na lang sa kanila ang nakaligtas at nakauwi sa kani-kanilang tirahan at di naglaon, sumama sa mga tagong kilusan. Ang mga pampublikong paaralan at mga bahay ay pinasok ng mga hapon at ninakawan ng mga gamit. Maraming tao ang ang tinorture at pinatay ng mga Japanese “kempei-tais at pati ng mga Filipinong gerilya. Noong 1942, ang Municipal Mayor na si Juan Relativo ay kinidnap ng mga hindi nakilalang gerilya at pinaniniwalaang pinatay dahil hindi na ito nakabalik at hindi na rin nahanap kung saan ang bangkay nito. Sa sumunod na taon, ang lahat ng mga residente ay tinipon sa poblacion at walang sinuman na pinapayagan na umalis sa lugar, maliban na lang kung binigyan ng “pass” ng Japanese authority. Dahil sa dami ng tao sa poblacion, animo'y isa na itong “city of nipa” dahil sa dami ng mga bahay na gawa sa nipa at mga cottages. Palagiang nagpapatrol ang mga hapon sa lugar at sa mga barrio dahil sa paghahanap sa mga gerilya at para buwagin ang underground movement.

Dahil sa hakbang na ito ng mga hapon na paglilipat sa mga tao sa poblacion ay naging sanhi ng taggutom at epidemya. Hinahaluan ng mais, kinudkod na niyog, kamote at iba-ibang pang root crops ang niluluto nilang kanin para madagdagan ang kanilang kakainin. Nagkaroon rin ng “neighborhood associations” ang kada purok (zone), kung saan ang kada asosasyon ay may ilang kalalakihan na magpapatrol kapag gabi sa lugar. Pagkatapos ng apat na buwan, ang mga tao ay pinayagan ng makabalik sa kani-kanilang lugar.

Noong 1944, inobliga ang mga kalalakihan na magtrabaho sa mga kampo ng mga hapon sa Anayan, Mabatobato at sa Poblacion ng Pili. At sa taon ding ito sinunog ng mga hapon ang isang building ng Bula Central School, pati ang public market at ang municipal hall. At dahil dyan halos karamihan sa mga tao ay piniling umalis sa poblacion at pumunta sa malalayong kabundukan at baranggay. Kumbaga, matatawag na ang bayan na “ghost town”. Buwan ng oktubre ng simulang bombahin ng malalaking B-29 Superfortress ang mga kampo ng hapon sa Pili, Naga at ibang bayan sa probinsya ng Albay.

(Liberation Period)

Kumalat ang balita na ang American Liberation Forces sa pamumuno ni Gen. McArthur kasama si Gen. Carlos P. Romulo at Presidente Sergio Osmeňa ay lumapag sa Leyte noong October 20, 1944. At noong May 1945, ang mga amerikanong sundalo sakay ng mga army jeeps at amphibian trucks ay dumating at nagtagumpay sa kanilang misyon. Makaraan ang ilang linggo, nagtayo ng garrison ang mga amerikano sa sitio Polpog sa baranggay Ombao. Inalis rin ito makalipas ang ilang linggo.

(Post Liberation Period, 1945-1946)

Noong february 27,1945 ang Commonwealth government ay itinatag muli sa Manila mula sa Tacloban, at di nagtagal itinatag rin muli ng Philippine Civil Afffairs Unit (PCAU) ng US ang civil government ng Bula. Ang municipal hall ay pinarerentahanng residensyal na gusali at pribadong pag-aari ng ni Pablo Arca at ng kanyang pamilya. At dahil nga muli ng nabalik ang civil government, isinagawa na ang pagsasaayos sa komunidad. Ng June 1945, ang mga paaralan ay muling nagbukas at ang bilang ng nagsipag-enroll ay tumaas. Ang iba-ibang sektor ng lipunan ay abala sa rehabilitasyon at para na rin makabawi sa mga nasayang na oras at panahon dahil sa gira. Ang mga tao ay abala na rin sa kani-kanilang gawain, tulad ng pag-aayos ng kanilang mga bahay at pagtatanim sa kanilang mga lupain. Marami ring kabataan at maging matatanda ang piniling lumabas ng bayan para mag-aral sa high school at kolehiyo o kaya maghanap ng trabaho sa gobyerno, pribadong opisina o kaya sa Military depots ng mga Amerikano.

Noong April 23, 1946 naganap ang huling eleksyon sa ilalim ng Commonwealth government. Ang mga tao ay aktibong nakilahok sa eleksyon at ang karamihan nga sa mga Bulaeňo ay sumuporta kay Presidente Manuel A. Roxas at Vice President Elpidio Quirino ng Liberal party kung saan sila ang nagwagi sa mapayapang halalan.

(Philippine Republic Period)

Ang Republika ng Pilipinas ay pinasinayaan noong umaga ng July 4, 1946. Ang pangyayaring ito ang dating sinasabi na pagkakaloob ng USA sa Pilipinas ng “Philippine Independence”, na di nga nagtagal ay pinalitan ng ika-limang presidente ng Republika na si Presidente Diosdado Macapagal ang petsa ng ating selebrasyon ng Independence day: ang July 4 ay pinalitan ng July 12 sa kada taon, dahil daw sa kay Emilio Aguinaldo na historikal na prinoklama ang Philippine Independence noong June 12, 1898 sa Kawit, Cavite.

Mula ng magsimula ang republika noong 1946 ay paunti-unti na ring umuunlad ang Bula. Ang unang sampung taon (1946-1956) ay ang dekada ng rehablitasyon at rekonstruksyon dahil sa mga nasira ng gira. Ang ilan sa mga pinagawa ay ang mga daan, tulay at maging ang telephone system, paaralan at municipal hall. Nagpatayo rin ng rural health center. Noong 1955 ay nagtayo ng pinakaunang suspension bridge (Colgante) sa bayan gamit ang pondo na inilaan ni Senador Edmundo B. Cea galing sa kanyang pork barrel allocation.

Sa pagpasa ng RA No. 34 noong september 30, 1946, ang mga nangungupahang mga magsasaka ay nakakakuha ng 70% mula sa kanilang ani at 39% naman sa landlord. Naitatag din ang Bula Farmers Cooperative Marketing Association (FACOMA) sa Bagumbayan sa pangunguna ng Agricultural Cooperative Financing Administration (ACCFA). Ito ang pinakaunang kooperatibang agrikultural na itinatag sa munisipalidad para matulungan ang mga magsasaka sa marketing at distribusyon ng kanilang ani. At noong 1964, dahil na din sa maling pamamalakad at kawalang ng kasanayan at training ng mga miyembro ay hindi rin nagtagal ang kooperatiba, dagdag pa sa problema ang libo-libong utang na hindi nabayaran at nasingil.

Marami pang paaralan ang ipinatayo at maraming klase ang nagbukas dahil sa tumataas na numero ng mga nag-eenrol kada taon, Nagdaan ang mga taon na marami ng mga kabataan ang lumuluwas ng Naga, Legaspi at Manila para mag-aral. Dahil dito dumami ang professionals sa bayan.

Sa katapusan ng unang dekada nakamit naman ang pag-unlad ng bayan, pero naranasan rin ang ilang mga problema tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang iregular na presyo ng palay na sa katunayan ay direktang umaapekto sa mga producers at pumapabor naman para sa mga kapitalistang compradores at ang kawalan ng trabaho.

Sa panahong ito, labing-isang bagong baranggay ang nadagdag: (1) Bagumbayan (2) Caorasan (3) Kinalabasahan (4) La Victoria (5) Ombao Heights (6) Sagrada Familia (7) San Agustin (8) San Ramon (9) Sto. Domingo (10) San Roque Heights at (11) Lanipga.

Sa sumunod na labing dalawang taon (1948-1960) mas lalo pang dumami ang populasyon. Ito ay tumaas ng 12,305 o 102.95% rate of increase (11,953 noong 1948 at naging 24,237 pagpasok ng 1960.); ito ang sinasabing isa sa pinakamalaking pagtaas ng populasyon sa kasaysayan ng Bula, dahil ito siguro sa pagbalik ng mga dating residente sa lugar matapos ang gira. Sa mga sumunod na taon ay mapapansin ang pagbaba ng annual growth rate, dahil na rin ito siguro sa pagkontrol ng populasyon o family planning program na iminungkahi ng gobyerno.

Year
Annual growth rate
Population
1970
2.99%
31, 506
1975
3.43%
36, 904
1977
2.96%
39, 088
1980
1.43%
40, 761
1990
1.55%
48, 240


(Under Martial Law)

September 21, 1972 ng iproklama ang Martial Law at 1973 naman ng binuo ang Bicol River Basin Development Program Office (BRBDPO). Ito ay parehong nagbigay ng pagbabago sa sosyal, ekonomika at pulitikal na buhay ng komunidad. Ang proklamasyon ni Presidente Marcos ay nagbigay ng katahimikan at agam-agam sa mga tao. Para mawala ang takot at pagdududa ng ilan, pinaliwanag na ang intensyon ng Proclamation 1081 (Martial Law) ay para daw iligtas ang republika at mabago ang lipunan. Nais nya na magkaroon ng egalitarian (social equality) na lipunan at tatawaging “Bagong Lipunan” (New Society). Para makamit ito, kailangan daw ng tamang asal at kilos ng mga tao at kailangang alisin ang mga mapang-aping mga institusyon na tuluyang nagpapahina sa lipunan. Dahil dito pinasa ni Marcos ang PD No. 6 na naglalaman ng mga batas at regulasyon na kailangang sundin ng mga tao, lalo na ang mga government official at employees. Sa unang dalawang taon ay napansin ang pagbabago sa asal at ugali ng mga opisyal, ngunit sa mga sumunod na taon ay bumalik din sa dati, kaya ang ilan sa napatunayang walang disiplina, walang silbi, at corrupt ay tinanggal sa pwesto. Nagtakda din ng curfew mula hatinggabi hanggang alas-kwatro ng umaga para maiwasan ang nakawan at iba pang masasamang gawain na nagaganap kapag gabi.

Idineklara ang martial law para daw wakasan ang rebelyon, ngunit imbes na mabawasan o mawala ay mas lalo pang dumami ang mga miyembro at sumusuporta ng NPA (New People's Army). Mula 1978 hanggang 1988 ay malakas ang grupo. Laganap ang brutal na pagpatay sa mga sibilyan at tumaas ang kaso ng nakawan. Sinasabing suma tutal 40 hanggang 50 porsyento ng mga baranggay ang napasok ng mga miyembro at 20 o 30 porsyento naman ng mga baranggay ang naipluwensiyahan. 1988 ng ang mga residente na naimpluwensyahan ng NPA ay nagdesisyon na magbalik loob sa pamahalaan. Sa pangunguna ng ex-OIC Mayor Cirilo Cariaga noong 1988, mahigit 400 na pinaghihinalaang sumusuporta sa NPA ang nanumpa ng pagpanig sa gobyerno.

Marami pa ang naging mga proyekto sa mga sumunod na taon tulad ng mga waterworks system at mga bagong paaralan.



Mula sa artikulo na pinamagatang “Bula its History.” 414th year Bula Souvenir Program.

About Bula

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM