MAC, WINDOWS O LINUX?
Sisimulan ko na {naman} ang usapin kung alin ba talaga sa dalawang (o tatlo na kasi isinama ko pa pala ang Linux) operating systems (OS) ang astig, kung alin ang dapat tangkilikin ng mga pinoy at kung alin ang mas magaling. Nasa sainyo na 'yan kung alin ang pipiliin nyo; dati pa ring OS ba ang gagamitin mo o lilipat ka na sa kakompetensya? Ayos lang naman kung mas pipiliin mo ang bago mong typewriter.
Sinasabi na ang pinakaunang personal computer na may mouse at graphical user interface o GUI ay ang Apple Macintosh. Ito ay inilabas sa publiko noong January 24, 1984 at masasabi na mas madali itong gamitin kung ikukumpara sa ibang computer na gumagamit ng MS DOS. 1985 ng inilabas ng Microsoft ang Microsoft Windows dahil na rin sa lumalaking bilang ng nagkakainteres sa GUI operating system.
Marami pa rin ang tumatangkilik sa Apple Macintosh noong 1980s hanggang sa biglang bumaba ang kita nito noong 1990 dahil marami ang naingganyo sa IBM PC na pinapatakbo ng Microsoft Windows OS. Mas naging dominante ang Microsoft sa market na noong 2009 nga sinasabi na sa kanila ang humigit kumulang 91% ng market share sa operating system, habang ang 5% naman ang sa Apple Mac OS at ang natitirang 3% ay sa ibang OS tulad ng Linux.
Walang duda na mas mabenta ang Microsoft Windows. Bakit? Maaaring isa sa dahilan ay ang pagiging compatible ng OS na ito sa karamihan ng mga computers na ginagawa ng mga malalaking kompanya tulad ng Sony, HP, Dell, Toshiba, Asus at iba pa. Dinesenyo mismo ang Windows para gumana sa mga hardware na ginagawa ng mga nasabing kompanya habang ang Mac OS naman ay gumagana lang sa hardware na gawa mismo ng Apple, kaya hindi ito compatible sa iba.
Ayon sa aking nabasa, karamihan ng mga gumagamit ng Mac ay binubuo ng mga sumusunod: authors, lawyers, accountants, architects, health industries, IT professionals, Law firms, real state agents at dagdag pa dyan ang Twitter, Linkedln, Hallmark, Mailwise at marami pang iba. Sa Microsoft naman ay: Home office users, IT professionals, developers, business owners, schools, hospitals, banks at iba pa.
At ngayon sisimulan ko ng talakayin ang ilan sa mga pros at cons ng dalawang OS at isasama ko na rin pati ang Linux.
Astig ang Mac dahil sa maganda ang disenyo at maging ang pakakagawa ng hardware at softwares, user- friendly ang interface, nandyan pa ang mga online offerings ng Apple tulad ng MobileMe at App Stores, at dahil nga sila na ang gumagawa ng hardware pati na rin ang mga softwares, walang nangyayaring compatibility issues o glitches. Ang sabi pa nga eh sulit daw kapag bumili ka ng Mac.
Magaling ang Mac pero malulungkot ka kapag nakita mo ang presyo. Mahal ang Mac. Period. Isa pa ay kontrolado ng Apple ang iyong computer. Kung Mac OS X ang nakainstall sa iyong Mac Book, walang ka ng magagawa para mapalitan pa ito ng ibang OS na gusto mo. Maaari kang mag dual booting o gamitin ang virtual machine para magamit ang ibang OS, pero imposible na ma-install mo ito sa iyong computer. Kontrolado pa ng Apple ang mga apps na makikita o makukuha sa App Store, kaya kung may gusto ka pero hindi available, wala ka magagawa.
Pagdating naman sa Windows, binibigyan ka ng Microsoft ng kalayaan na iinstall ang OS at software sa kahit anong computer na gusto mo (maliban syempre sa Apple Mac). Kaya pwede ka bumili ng kahit anong brand ng computer na gusto mo na may nakainstall na Windows.
May kamahalan din ang Windows OS at depende pa ito sa version na gusto mo. Ang presyo ng OS ay kasama na sa overall price ng computer kapag balak mong bumili.
Pero dahil nga walang kontrol ang Microsoft sa hardware, ang eksperyensya ng user sa paggamit nito ay iba-iba, lalo pa't nagkakaroon ng compatibility issues. Minsan ang problema ay ang OS mismo, pero kadalasan ang hinding magandang pakagawa ng hardware ang dapat sisihin. Hindi ko lang sigurado kung nalutas na ba ang problema na ito ng Microsoft ng ilabas nila ang Win7. Kasama na rin dito ang mga software na minsan ay hindi gumagana o hindi compatible sa OS o hardware, at ang 'di maiwasang pagkakacrash ng system.
Ang Linux ay isang open source version ng UNIX OS. Ang maganda sa linux ay bukod sa ito ay libre (ginawa para sa mga ayaw gumastos ng malaking halaga ng pera para sa mga mahal na OS) ay nandyan ang malaking community ng Linux users na gumagawa ng mga libreng software na madaling gamitin at iinstall.
Tulad ng Windows, ang Linux ay pwedeng iinstall sa kahit anong computer at iba-iba rin version nito, mula sa lightweight version na dinesenyo para sa Web-based computing at version na kailangan ng mataas na lebel ng kasanayan para ito magamit.
Hindi ganun ka user-frindly ang Linux kung ikukumpara sa ibang OS. Minsan nga kailangan mo pang mag-enter ng code sa Terminal kung may aayusin ka o kaya para gumana ang ilang software. Isa pa, karamihan sa mga peripherals (electronic na equipment na ikinakabit sa CPU) at software ay hindi compatible sa Linux.
Napakarami pang pros at cons, trivia at maging updates ang inyong malalaman lalo na kapag nagbasa kayo ng mga computer magazines, book o article sa internet. Ito ay simpleng pagtalakay at pagkukumpara lang sa tatlo, at ginawa para sa ilan na nahihirapan pang magdesisyon kung anong klaseng OS ba ang dapat na piliin. Sya nga pala, maglalabas na ata ngayong taon ng bagong version ng OS ang Microsoft at Apple. Yeah.
References
“The Debate Over Control vs. Convenience Part III by Seth Colaner”, Smart Computing and Consumer Electronics. March 2011. Vol.22. Iss. 03
“Mac Vs. PC, Myth Busting Guide for Consumers by Nina Krimly”. Hongkiat.com.
Windows & Mac OS. Wikipedia.org
0 comments:
Post a Comment