ANG KWENTO NG ISANG PALABOY (MAIKLING KWENTO)
Tawagin nyo na lang akong kaloy. Nakikita niyo ba yung bakanteng lote sa gilid ng squatters area? (sabay turo). Iyon na ang nagsisilbing tambayan ko. Tambakan 'yun ng basura. Doon na kasi ako nagkaisip eh. Itinuturing ko na 'yun na aking tahanan. Ang sabi sa akin ng tatay ko ng nabubuhay pa siya ay napulot daw niya ko sa gilid ng kalye malapit doon sa tambakan ng basura. Nanlaki daw mata niya ng makita niyang bata at hindi ligaw na hayop ang nakalapag sa semento. Nababalot daw ako ng kumot at nakalagay sa maliit na karton ng gatas. Buti na lang inuwi nya ko sa kanyang makipot na tahanan. Mag-isa na lang siya sa buhay dahil iniwanan na siya ng kanyang mga kapamilya dahil sa hindi ko alam na kadahilanan. Hay siguro kong iniwan niya ko doon na nakatiwangwang sa gilid ng kalye baka kung anu na nangyari sa akin; baka nilapa na ako ng mga gutom na hayop; baka nalagutan na lang ako ng hininga dahil sa maalikabok na kumot na mahigpit na nakapulupot sa noo'y maliit ko pang katawan. Hindi natin alam ang pwedeng mangyari di'ba? Nay, Tay kung saan man kayo ngayon.....
Masaya na ba kayo na wala ako sa piling niyo? Hindi niyo lang ba naisip na ang itinapon niyong anak sa gilid ng kalye ay hanggang ngayon ay buhay pa..naghihirap. Halos magkabalibali na ang payat na katawan sa paghahanap ng makakain......
Lumaki na ako dito sa mundong sikap at tiyaga lang ang kailangan para maibigay ang pangangailangan ng kumakalam na tiyan. Kung uupo na lang at aasa sa limos ng ibang tao ay walang mangyayari. Sanay na ang ilong ko sa 'di kanais nais na amoy ng mga nabubulok na basura. Kung minsan nga talagang nakikipagrambulan pa ako sa ibang mga batang kalye para sa tira-tirang pagkain. Fried chicken, burger, pandesal sabihin mo na lahat. Kahit na yan panis na o pinagpyestahan na ng mga daga, ipis , aso, pusa at kung ano ano kakainin ko pa rin yan para lang mabuhay. 'Di na ko nagtataka kong bakit buto't balat ang aking katawan.
Labing isang taong gulang ako ng mamatay ang itinuring ko ng tatay. May sakit kasi yun sa baga; dala siguro ng madalas na pagkalantad niya sa usok sa tambakan ng basura sa kakahanap ng mga bote at dyaryo na pwedeng ipagbili. Todo iyak talaga nun ng madatnan ko ang tatay ko na isa ng malamig na bangkay. Siguro kung magpagamot sana sya baka buhay pa sya at baka kasama ko pa sana ngayon. Pero ano ba magagawa namin? Imbes na gamitin niya ang katiting na pera na naipon nya sa pamumulot nya ng basura eh pinambibili na lang namin ng pagkain. Wala na rin ang bahay na ilang taon na ring naming tirahan ni tatay. Pinawasak na. Tinayuan na kasi ng bagong gusali. Pinangakuan kami na bibigyan ng bagong matitirhan ngunit inabot na ng ilang buwan at ng taon ngunit wala naman nangyari. Puro lang naman sila pangako.
Pano naman kami?
Pano naman kami?
Kaya heto wala akong matirhan. Wala kaming matirhan. Palaboy laboy lang sa kalye. Naglalapag ng dyaryo o karton sa lupa para kahit papaanu maibsan man lamang ang lamig na nanunuot sa balat kapag umiihip ang malakas na hangin.
Siguro kung pinabayaan na lang ako ni itay sa gilid ng lansangan baka nasa langit na siguro ako ngayon. Masarap siguro ang buhay; walang problema. Di ko na siguro mararanasan ang ganito kahirap na buhay, na kahit simpleng tahanan at pamilya man lamang ay parang ipinagkaiit pa sa akin ng tadhana. Pangarap kong maging magaling na enhinyero. Pangarap na kahit kailan ay 'di naman magyayari. Ni hindi nga ako nakatuntong ng elementarya. Pero kahit papaano nagpapasalamat parin ako sa aking tatay na kahit damang dama na niya ang hapdi ng kahirapan ay pinilit niya pa rin akong igapang. Dahil sa kanya ay nalaman ko ang tunay na realidad ng buhay. Ang buhay na tanging kaming mga pinanganak sa hirap lamang ang makakaunawa. Makatitiis.
Di ako nag-iisa. Milyon milyon kami.
sino po pala ang sumulat nito? para malagay ko sa aking pyersa sa pagkukwento. :D
ReplyDeleteI would like to use this story for the video that we're making. i'll credit the owner and the site.
ReplyDeleteHi mga 'dre. Lahat ng mga nakapost dito sa blog ko ay mga orihinal kong gawa. Salamat sa pagbabasa.
ReplyDeletePwede po bang suriin ang kwentong ito? Yung talambuhay nyo po pwede po bang mahingi?
DeleteNice story sir, keep on posting..
ReplyDeletebuhaykalye ph
This is not a type of essay right?
ReplyDelete