12/23/16

MABAGYONG PASKO SA INYONG LAHAT

http://interaksyon.com/article/135493/pagasa-forecasts-storm-to-hit-southern-luzon-metro-manila-on-christmas
Maghanda raw sa maulan na pasko. Killjoy.

Kaalis lang ng bagyo na dumaan sa atin tapos malalaman na naman natin na may isa na naman na dadaan. Wtf. Kahit ano talaga gawin natin palaging may bagyo na magpaparamdam. Hindi nawawala buti pa ang girlfriend mo nakakita lang ng may pera nawala na agad sa tabi mo. Pasalamat ako kasi hindi ganun kalakas ang bagyo na tumama sa atin noong nakaraang buwan, ngayon pagbukas ko ng telebisyon mayroon na naman pala. Ang nakakatawa pa kasi ngayong pasko pa talaga tatama sa atin. Imagine si Santa Claus na naglalakbay babayuhin ng napakalakas na hangin, babagsak kung ano man ang sinasakyan nya at tatama ng napakalakas sa lupa. Ouch. Ewan ko kung makakayanan ng malaking tiyan nya na italbog sya ng safe sa kapahamakan. Pero seryoso, pangit ang christmas ngayong taon kapag binagyo tayo. Ako walang kwenta ang pasko ko ngayon kasi sira ang plano ko ng buong taon, pero kayo na palaging abang-abang ang pasko ang kailangan pa rin mag-ingat kasi bagyo ito. Walang makakalimot sa panahon na marami sa mga kababayan natin ang binawian ng buhay noong tumama si Yolanda. At ngayon si Nina naman ang tatama. Sa pagkakaalam ko dati singer lang yan si Nina ngayon naging bagyo na pala. 'Yang bagyo na yan moves in mysterious ways. Pambihira. Ngayon ko lang nalaman na makikinoche buena ito.

Killjoy ang bagyo ngayon kasi walang makakapaputok sa labas. Ibang putukan siguro ang mangyayari sa loob pero paputok sa labas ang sinasabi ko. Hindi lilipad si kwitis at mababasa rin si picolo kapag binato sa kalsada. Pwede naman kung gusto mo sa loob ng bahay nyo para maiba naman pero humanda ka ring sumalok ng tubig sa labas kapag sumabog ang bahay nyo.

Kaya maghanda mga 'tol lalo na at may paparating na bagyo. Hanggang ngayon pa naman hindi ko pa rin malimutan yung pangyayari na nakatingin na lang ako sa bubong ng bahay namin habang tinutuklap ni Glenda. 

Tips lang:
-Bumili ng mga pagkain at tubig. Mga pagkain na hindi na kailangang lutuin para kainin, kasi kapag baha na sa loob ng bahay ewan ko lang kung makakapagluto ka pa ng matino o may oras ka pang magpaka chef sa kusina kapag binabayo na kayo ng bagyo. Mga de lata ang mura at mas madaling bilhin. Kapag may nananamantala rin na pagnakawan kayo sa bahay eh may mapupulot ka para ibato sa pagmumukha ng magnanakaw. Masakit tumama ang lata. Mag-imbak ng malinis na tubig. Kapag bahain ang lugar eh paniguradong malulunod ang gripo. Lasang tubig baha na yan kung sakali.

-Maghanda rin ng baterya, flashlight o kandila. Panigurado na kapag malakas na ang hangin at tumataas na ang tubig eh pinapatay na rin ang kuryente. Habang may kuryente pa icharge na ang mga baterya o cellphone para may pangtawag o pangtext. Maganda na full-charged ang mga cellphone para malibang sa paglalaro ng err, coc habang naghihintay na matuklap ang bubong ng iyong kwarto. Mahalaga na may flashlight para hindi mahirapang makakita sa dilim. Mahirap na baka madulas ka at magswimming sa baha kasama ang mga lumulutang na jerbaks.

-Makinig ng radyo. Huwag ka magsinungaling na naiisip mo lang na makinig ng radyo kapag may bagyo para makinig ng balita. Kasi kapag wala puro ka love yourself ni Bieber. Mahalaga na nakikinig ng balita kasi nalalaman natin kung saan na ang bagyo, kung may bagyo pa nga ba o baka nakalabas na ng pilipinas. Huwag ka magpray na sana nasa mata na kayo ng bagyo.

-Kung may mga tanim sa bakuran na pwede na anihin, anihin mo na agad. Mga kamote, kalabasa at kung ano-anong mga gulay na pwede na at mapapakinabangan na ay kailangang kunin na bago pa kayo maunahan ng bagyo. Sayang yan kasi masisira lang yan lalo na kapag palaging binabaha sa inyong lugar.

-Ilikas sa safe na lugar ang mga alagang hayop. Sa matataas na lugar o kung pwede sa loob ng bahay kung kasya bakit hindi di'ba. Ok lang na mangamoy ang bahay kesa naman mawala ang pinakamamahal mong baboy o kalabaw. Naalala ko lang noon na kapag nakalabas na ang bagyo kung saan saan napadpad ang mga manok namin. Pati baboy na kasambahay namin napapadpad sa bakuran namin hinabol pa ako ng hanep ng lapitan ko. Subukang iligtas sila kasi mahal mag-alaga ng hayop.

-Ihanda ang mga gamit baka sakaling mag evacuate. Kapag mababa ang lugar na kahit mahinang ulan lang ay bumabaha at lumalakas ang agos ng tubig eh maghanda na lisanin ang bahay. Huwag kang masayang sa bahay nyo, masayang ka kapag may nangyaring masama sa pamilya mo. Hindi naman maglalakad ng sarili ang bahay kasi takot yan sa bagyo, pero syempre pwera na lang kung kayang anurin yan ng baho o tangayin ng malakas na hangin. Nandyan lang yan. Hindi yan bf o gf na bigla na lang nawawala ng walang bakas.lol.

-Mag-ingat sa mga mapanganib na bagay o hayop. Doon sa amin kapag may baha may nakikita ako na inaanod/lumalangoy na ahas. Sa mga hindi nakaaalam, ang bahay namin sa probisnya eh napapaligiran ng mga palayan kaya hindi maiiwasan na may ahas. Kaya kahit anong gusto kung lumusong sa baha eh wala akong magagawa kapag may malaking ahas akong nakitang lumalangoy. Napapaisip tuloy ako na mabuti pa si ahas marunong lumangoy. Mag-ingat rin sa mga nagtutumbahang sanga o kahoy o kahit lumilipad na mga bubong. Ayaw mo naman siguro mapasama sa sequel ng Final Destination.

Kung maulan man ang pasko eh wala na tayong magagawa. Pasko pa rin yan. At tanggap na natin na taon-taon may grand tour ang mga bagyo sa ating bansa. Tengena nakakabwisit lang na bakit sa amin sa bicol kadalasang dumadaan. Kung tao lang itong bagyo na ito matagal ko na itong sinikmura. Ano mang mangyari tutuloy pa rin yan si Santa Claus sa pamimigay ng mga regalo na binili sa department store sa katauhan ng mga magulang nyo at ayaw nila yan ipaalam sa inyo at baka tamarin ka na maghintay sa pasko taon-taon. Opps. Sorry.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM