3/16/12

ATENISTANG PALABOY

Nakatayo ako sa gilid ng daan, sa tapat ng isang gate. Nakatutok ang mata sa hawak-hawak na cellphone; naghihintay sa isang importanteng text na magiging hudyat para ako'y makadaan sa malaking harang, makapasok sa loob at maipahinga na ang bugbog na kamay at mata dahil sa buong araw na hawak-hawak ang camera. Mukhang tinulugan na ata ako ah. Ramdam ko ang hangin na nanunuot sa aking balat, tumatagos hanggang laman, at ang kakaibang katahimikan na malayong-malayo sa aking naririnig na ingay kapag umaga, tanghali at maging hapon. Gabi na nga, 11pm, pero heto ako ngayon, nakatayo sa labas ng kalye, naghihintay sa mahiwagang message tone habang nakatitig sa bintana ng isang bahay sa aking harapan, nakikipagtitigan sa isang babae na panay silip sa kanilang bintana, halata sa mukha na nagtataka kung bakit kanina pa ako nakatayo sa gilid ng daan. Hindi naman ata ako mukhang magnanakaw, diba? Kayo na humusga.

Maya-maya ay naramdaman ko na lang ang paggalaw ng aking paa palayo sa gate na natunaw na dahil kanina ko pa tinititigan. Mabilis na ang lakad ng aking mga paa at sumasabay pa ang kalansing ng aking mga barya na nakalagay sa aking bulsa. Matalas ang mata kong tinahak ang daan papunta sa lugar na hindi ko alam. Hindi ko talaga alam, hindi ko alam kong saan ako pupunta. Wala rin akong number ng ilan sa aking mga kakilala sa Naga, at wala na rin akong pera. Grabe talaga kong kumain ng pera ang internet, di ko namalayan na naka apat na oras na pala ako nakatutok sa picture ni Bar Refaeli sa facebook.

Alerto ang aking utak sa anumang posibleng mangyari. Marami akong nadaanan na mga nag-iinuman, mga tambay sa kalye at maging mga asong gala na naghahanap marahil ng makakain. Sa ganitong pangyayari bawal ang “tindig mayabang”. Isang galaw, titig ng mga mata o maging galaw ng bibig ay maaaring maging sanhi ng away, lalo pa't mag-isa lang ako at karamihan sa mga nakakasalubong at nadadaanan ko ay mga grupo ng lalaki na kayang makipagbasagan ng bungo. Handa ako sa kung ano man na mangyayari, handa akong lumaban o kaya tumakbo palayo para maprotektahan ang sarili. Hindi ko alam, baka sadyang may iba pa talagang gamit ang ballpen, hindi lang para ipansulat sa papel. Muntik ko pa makalimutan na graduating pala ako. Grad-waiting.

Nakita ko na ang Cathedral. Naisip ko na doon na lang tumambay, tutal mayroon naman pala kaming shoot mamayang 4am. Kailangang mag-iinterview ng mga nurses na nagtatrabaho sa call center. At kapag natulog pa ako ay baka magising ako ng lampas na 6am. Thesis=Tiis. Pero heto ako ngayon, nakatayo sa labas ng cathedral, nagkakamot ng ulo. Ano pa nga ba naman ang silbi ng gate kung hindi naman isasarado. Wala, imposible na makapasok pa ako dito, maliban na lang kung kaya kong mag-ala spiderman para makapasok ng walang makakakitang pulis o kaya mga tao. Hindi ko na naman alam kung saan ako pupunta. Naisip ko na lang na maglakad pa papunta sa centro. Doon marami pa naman ang tao, medyo safe naman ata kung ikukumpara sa lugar na madilim at halos wala ng mga tao. Pero seryoso, maganda pala talaga ang gumala kapag gabi.

Sa ganitong sitwasyon na wala kang maisip na lugar na pwede mong gawing pahingahan, imposible na suntukin ka sa ulo ng antok. Pero alam ko na maya-maya ay kailangan ko ng labanan ang di mapigilang pagpikit ng aking mga mata. Sarap tingnan ang mga ilan na natulog na kung saan-saan. Naisip ko nga rin na matulog na rin sa madilim na parte, yung walang makakakitang maraming tao. Hindi ako maarteng tao at wala akong pakialam kung saan ko ihihiga ang aking katawan. Malamig na hangin lang naman ang matinding kalaban. Pero naisip ko rin na baka mapagtripan lang ako kapag may makakita sa akin na masasamang gawain lang ang tanging libangan sa buhay. Kung maydala lang sana ako na damit pambahay o damit pantambay, baka isa na rin ako sa makikita mo na natutulog sa ibabaw ng upuan sa gilid ng kalye o kung saang parte. Naisip ko na umupo na lang sa tabi ng isang tulog at malamang nananaginip na guard. Pero huwag na lang. Diretso na ako ngayon sa plaza. Medyo marami pa naman ang mga tao. Nagrebulusyon bigla ang aking tiyan, iyon marahil sa kadahilanang napadpad ang tingin ko sa kumpol-kumpol na tindahan ng kwikkwik at fishball. Nagpasya ako na dito na muna magpalipas ng oras. Wala na ata itong tulugan, sisiw ang ganitong pangyayari. Para malibang ay kinuha ko ang aking lumang 3120 classic, isinuksok ang earphones, pinatugtog ang bombtrack ng rage against the machine at saka umupo na parang upong pambahay lang. Yun nga lang, masyadong maliwanag ang lugar. Pano kung may makakita sa akin na kakilala ko? Malamang iba na naman ang maiisip nyan. Ano nga ba naman ang gagawin ng isang tulad ko sa plaza ng hatinggabi? Oo, wala akong pera, lahat barya, pero hindi ako ganyan kadisperado.

Ang bagal ng oras. Kanina pa ako sulyap ng sulyap sa aking cellphone na para bang naghihintay ng milagro na sadyang bumilis ang pagtakbo ng oras. Minsan nakakainis rin talaga ang oras, kapag mali-late ka na sa klase o kaya trabaho o kung may mahalagang pupuntahan ay super bilis ang andar ng oras, at kung nagpapalipas ka lang ng oras o kaya naman may klase ka sa Algebra ay super bagal naman ang pag-ikot ng kamay ng orasan. Diba? Kaya heto pa rin ako, nakatingala sa langit, naghihintay na may mahulog na kahit 10 pesos man lang galing sa lahit, pambili ng fishball. Marami-rami pa naman ang nakatambay sa plaza. Paminsan-minsan nga napapatingin rin ako sa mga babae na napapadaan. Sorry, walang magawa eh kundi ipasyal ang mata sa mga kung ano-anong bagay na nasa paligid. Maya-maya ay napunta ang aking mga mata sa dalawang lalaki na nag-uusap sa gilid ko. Medyo malayo naman. Parang nahahalata ko na kanina pa tingin ng tingin sa akin. Mangtritrip ba ito? Gusto ba ng away? Handa ako sa mangyayari. Pero may mali eh, umalis sila sa kanilang inuupuan at lumakad sa harapan ko. Bading pala. At iba ang tingin sa akin ng dalawa. Hindi ko na kailangang maging si Madam Auring para masabi na babalik iyon at pupunta sa tabi ng aking inuupuan. Maya-maya nga ay umupo bigla ang isa malapit sa aking inuupuan habang ang isa naman ay nakatayo lang sa gilid. At dahil nga mahilig ako mambasag ng trip, ng parang kakausapin nya na ako, bigla akong tumayo at mabilis na naglakad palayo. Hindi ko na tiningnan kung ano ang reaksyon ng dalawa pero sa totoo lang ay medyo natatawa rin ako sa aking sarili. Hindi ko na naman alam kung saan ako sunod na pupunta.

At ngayon nakaupo ako katabi ang mga nagtatrabaho sa call center. Walang imikan, kasi hindi naman ata magkakakilala. Inaantay nila yung bus na maghahatid sa kanila papunta sa trabaho. Nahiya naman ako sa porma ko, ako lang ata ang hindi naka jacket. Ewan, kahit papaano ay halata naman na hindi naman ako nagtatrabaho na katulad nila. Panay ang titig ko sa aking lumang tsinelas na nabili ko sa may gilid-gilid. Nahiya naman ako kasi, ako na naman lang ang nakatsinelas. Sa puntong iyon alam ko na alam naman ng mga katabi ko na nakikitambay lang ako sa tambayan nila. Nagpapalipas oras lang. Umalis rin ako makaraan ang ilang minuto. Saan ko na naman ba balak pumunta? Saan na naman ako dadalhin ng pagod ngunit malikot kong mga paa? May nadaanan akong bukas na gotohan. Binilang ko ang barya na nasa aking bulsa, kaya pa namang makabili ng isang goto; kaya pa naman akong dalhin ng natitira kong barya pauwi sa aming bahay na hindi ko na kailangan pa mag-isip kung anong magandang taktika para maka-123 sa bus o kaya jeep. At saka isa rin itong magandang opurtunidad para makapagpalipas ng oras, babagalan ko lang ang pagkain at saka dito na ako tatambay ng mga ilang minuto, yun kung hindi ako pwersahang itulak paalis o kaya naman magpasya ng isara ng may-ari ang gotohan. Maghintay muna daw ako ng ilang minuto kasi hindi pa luto ang goto. Isang maswerteng pangyayari na inaasam ng hindi maswerteng studyante. Kaya heto naghihintay ako para sa aking order. Maya-maya ay luto na ata ang goto, sakto naman na nagtxt na sa akin ang tinext ko kanina. Tinatanong kung tapos na ba akong mag-internet at sabi kanina pa sya naghihintay sa akin. Hindi ko alam pero para akong sinuntok ni Rampage Jackson sa mukha ng malaman ko na maling number pala yung tinetext ko ng paulit-ulit kanina. Yung isang number pala ang gamit nya. Kaya pala walang nagrereply! Akala ko nakatulog na iyon kaya di na nababasa mga txt ko. Kaya yun, nag-acting ako na parang may naiwan akong importanteng bagay sa aking bulsa at umalis ako bigla, iniwan hindi lang ang goto na sana ay mapupunta sa aking tiyan, kundi pati tindera na hindi ko alam kung ano ang reaksyon sa biglaan kong pagtakas palayo sa kanyang gotohan. Whew, sa wakas ay makakatulog na ako. May ilang oras pa naman ako para ipahinga ang aking katawan. Kailangang maylakas mamayang 4am para matapos ang mga kailangang gawin. Ay naku, patunay na tama nga naman ang sinasabi ng karamihan na ang katangahan ay di kailangang gawing libangan. Sa tingin ko libangan ko na yan eh.

'Yung tira-tirang barya na ipambibili ko sana ng goto? Ayun, naging pamasahe na lang sa tricycle papunta sa lugar kung saan nagsimula itong maikling kwento ko.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM