2/27/12

BUWAN AT MILKY WAY

Nang bata pa ako....


Pagkatapos ng klase ay agad kung kinuha ang malaki kong bag at saka naglakad palabas ng aming paaralan. Para akong pagong dahil sa laki ng aking bag. Nakalagay ang lahat ng aking notebook at libro, pati papel, lalagyan ng aking baong pagkain, tubig, isang baso at naparami pa na hindi na kayang ipaalala ng utak ko kung ano pa yung iba dahil sa ako'y nag-uulyanin na. Di ko nga alam kung nasama ko pa pati flag pole at lesson plan ni Ma'am. Naglalakad ako nung araw na iyon ng biglang magdilim ang langit. Uulan na ata. Tinanggal ko nang madalian ang ang aking tsinelas at saka tumakbo ng mabilis, at maya-maya nga ay nakikipagsabayan na sa aking ang mga kambing sa pagtakbo. Nakakatawa kasi para akong nakikipag karera sa mga kambing na gaya ko, ayaw mabasa ng ulan. Napatigil ako bigla sa pagtakbo. Isang lalaki sa gitna ng daan ang aking nakita. Nakasuot ito ng napakakapal na damit na kulay puti at may parang bag na may parang mga tubo. Sori ah, di ko lang talaga ma-explain ng eksakto. Mayroon din yung takip sa kanyang mukha kaya di ko nakita ang kanyang mukha. Palukso-lukso ito na aakalain mong nanalo sa lotto. Parang namumulot rin ito ng bato kaya nga tiningnan ko kong meron syang tirador na hawak-hawak. Di ko tuloy alam kung balak ba nitong manirador ng mga ibon o baka kaya sya nga nakasuot ng ganyan kasi gusto makahuli ng manananggal. Whatever. Naisip ko nga na baka alien yun o baka naman sadyang epal at papansin lang sa gitna ng daan. Pinulot ko ang malaking bato, panigurado at baka bigla akong kagatin o damputin ako para dalhin sa kanyang spaceship. Lumapit pa ako ng lumapit at bigla syang humarap sa akin. Sabi ko sa kanya: Hoy sino ka? Kung di ako nagkakamali ay ito ang narinig kong sinabi nya sa akin:


One small step for man,one giant leap for mankind."


Seryoso, ng oras na yun hindi ko talaga naintindihan ang sinabi ng alien na iyon, at marahil senyales yun na kailangan ko na talagang magpabili ng dictionary.


Alam kung hindi kapani-paniwala ang kwento kong yan sainyo. Actually, gawa-gawa ko lang naman talaga yang kwento na yan. Ano nga ba naman ang gagawin ni Neil Armstrong dito sa aming lugar? Ang astronaut dapat ay sa ibang planeta tumatambay, hindi sa isang baryo na hindi naman kasikatan. Baka iniisip nyo na isa rin ako sa mga conspiracy theorists na nagsasabi na hindi naman talaga nakarating sa moon ang mga astronauts, kundi nag shoot lang naman sila ng video sa isang studio dito sa earth at ipinakita sa buong mundo ang aktuwal na pagtapak ni Armstrong sa malaking tae ng kalabaw. Para paikliin pa ang maikling storya, ayon sa ilan, hindi naman talaga nakarating sa buwan ang space craft laman ang mga astronauts, kundi pakulo lang naman daw ng US at ng NASA. Ewan, hindi ko alam kung sino at bakit ako maniniwala sa mga theorya na ganyan, basta malakas ang kutob ko na dito sa baryo namin naglanding ang Apollo 11. Period.


At saan ko naman nakuha ang ganitong impormasyon? Ito bang teorya na sinabi ko ang magiging basihan ng mga conspiracy theorists na wala naman talaga nangyaring moon landing? Mapapasama na kaya ang pangalan ko sa mga libro, journals o maging sa mga search engines na ako ang susi sa paglutas ng isa sa kontrobersyal na isyu sa kasaysayan ng sanlibutan. Masyadong epic at ambitious ang naiisip ko ngayon pa lang ay nangangamba na ko sa magiging lagay ng aking kalusugan sa mga darating na araw. Ngayon pa nga lang sumasakit na ulo ko kakaisip kung saan mahahanap ang control panel ng bago kong biling typewriter.


Bakit ko nasabi na dito sa lugar namin at hindi sa moon naglanding ang space craft? Una, dahil sa lakas ng impact ng paglanding ng space craft, nagkaroon ng malalaking pagguho ng lupa na kalauna'y naging dahilan kung bakit ang daming malalaking butas ang aming DAAN. Mga butas na kapag umuulan ay nagiging swimming pool ng mga pato at itik at dahilan kung bakit marami ang nagkakamigraine kapag sumasakay sa jeep o tricycle dahil naaalog ang utak. Kapag mainit naman, maganda ring tingnan ang mga lubak lubak na daan. Para kang naglalakad sa moon, dude. Kulang na lang space suit. Tinggnan mo ang daming crater! O baka naman, sadyang napagkamalan lang talaga nila na ang lugar na ito ay ang moon na mismo. Ang di ko lang malaman hanggang sa ngayon ay kung napagkamalan ba tayong mga alien ng mga astranauts na naligaw sa ating lugar. Atleast, nakakita ata sila ng batang alien na super gwapo (read the introduction). Nevermind. Di na siguro nakapagtataka na posibleng marami na ring mga turista at maging mga terorista ang gustong makita at masilayan man lang ang ganito kaganda at disturbing na tanawin na makikita lang partikular dito sa Pilipinas. Aakalain mo na nga na parang nasa bansa ka na usong-uso ang gira dahil ang daan ay parang nasabugan ng maraming granada. Ok, ganito ang sitwasyon kapag mainit ang panahon: kapag nakasakay ka sa tricycle o motor, pakisabihan ang driver na huwag pakibilisan ang pagpapatakbo o kaya naman ilagan ang mga crater. Kapag sinabi kasing ilagan, hindi naman sa ayaw nating masira ang mga lubak na daang-daang taon na nating nakikita pero ayaw man lang nilang ipasemento (mahiya na kayo) kundi ayaw lang talaga nating dumating sa punto na masira ang iyong motor o sasakyan. Sige i-try mong patakbuhin yan ng napakabilis saka isakto mo ang gulong ng sasakyan sa lubak at makikita mo ang pinaka extra-ordinaryong trahedya na magpapataob sa kasikatan ng titanic. Kapag sasakay ka sa mga tricycle na ang upuan ay kasingtigas pa ng iyong ulo, mag-ingat. Base sa aking napagdaanan, kadalasang nauuntog ang aking pwet ng napakalakas sa upuan kapag napupunta sa lubak ang gulong. Eh sa dahil nga hindi pa malambot ang iyong upuan, ang mangyayari ay mauuntog ang iyong “balls”. Bwesit na yan kasi ilang ulit na akong naging biktima, at masasabi ko na kailangan ko na talagang magpatingin sa isang magaling na veterinaryo. May phobia na nga ata talaga ako, na sa bawat pagsakay ko nga ay nakaalalay na ako at baka ito ay tumalsik at baka maka goal. Ganyan ka hardcore. At masasabi ko na walang sasakyan ang tatagal sa ganyan ka pangit na daan. Kung iyong mapapansin, ang bilis maluma ng sasakyan. Halimbawa, bumili ka ng motor, hindi pa nga nagtatagal mapapansin mo na nagkakaroon na ng pimples, nagkakaroon ng ng hika dahil palaging nakakalanghap ng makapal na alikabok, paos na rin magsalita dahil may problema na ang tambutso, nagkakaroon na rin ng rayuma dahil palaging bugbog ang gulong, at kung titingnan ay parang mas matanda pa sa may ari. Sinasabi nga ng ilan na dapat sumakay na lang sa kalabaw o kaya kabayo, mas safe daw. Tingnan natin kung hindi ka sipain ng kabayo sa mukha kapag nakita nya na maglalakad sya sa ganyang nakakawindang na daan.


ITUTULOY (dahil mag-uumaga na at gusto ko pa mapanaginipan si Mila Kunis.)

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM