12/9/11

SA DILIM

Nakakatakot maglakad sa madilim na lugar kapag gabi. 'Yung tipong walang mga poste ng ilaw at mga puno lang ang nasa gilid ng daan. Masasabi kong ako ay medyo sanay na rin sa dilim, pero kahit papaano ay minsan ay nakakaramdam rin ako ng kakaibang takot lalo na kapag nahihiyang magpakita ang buwan o nagtatago ito sa makakapal na ulap. Hindi malabo ang aking paningin pero para na akong naduduling kapag naglalakad na sa madilim na lugar. Ilaw lang ng cellphone ang ginagamit ko para makita ko ang aking nilalakaran. Tamad lang talaga ako magdala ng flashlight, at minsan naman ay nagmumukha akong naninigarilyo kapag dala-dala ko ang lighter na may flashlight. Kapag naglalakad sa madilim ay sarap isipin ang mga pelikulang the grudge, the ring, shutter at blair witch project. Kapag naglalakad ako ay di ko maiwasan tumingin-tingin kung saan-saang lugar. Sa likod, sa gilid, sa taas. Sinisiguro ko lang na walang sadako na sumusunod sa akin o kaya mamaw na nakatingin sa akin sa taas ng punong kahoy. Marami kasi ako naririnig na mga kwento tungkol sa mga “lumilipad” na mga epal na lumalabas lang kapag gabi. Sa ilan taon kong paninirahan sa lugar namin ay wala naman akong nakita na nakakapanindig buhok sa kili-kili o kaya nakakapagpabilis ng pagtibok ng puso. Pero sa totoo lang ay di pa rin mawala sa akin ang takot minsan. Nakakadagdag pa sa kaba ko ang nakakabinging katahimikan at ang malamig na hangin na nanunuot sa aking katawan. Sabi ng ilan ay nakakita na sila dito ng may pakpak. May nakakita sa isang may pakpak na nasa taas ng kahoy, mayroon naman na lumipad raw mismo sa taas nya kasi biglang nagdilim ang kanyang nilalakaran, at may mga bahay na na ginawang “landing area” ang bubong. Ewan. Di ko alam kong maniniwala ba ako, kasi wala naman akong nakikita. Di naman sa pangarap kong makakita ng ganyan, gusto ko lang makakita para maniwala ako na meron nga talaga. Pero sabi raw ay gawa-gawa lang ang mga kwentong iyan para raw matakot ang mga bata at para 'wag na sila magpapagabi o lumabas pa ng bahay kapag madilim na. Pero minsan ay naiisip ko rin na bakit ba magsasabi pa o magkwekwento pa ang ilan na nakakita nga sila? Hindi pa nga ako nakakakita pero parang nagsasabi na ang utak ko na parang meron nga talagang ganitong mga nakakatakot na bagay.

Bata pa lang ako ay nakakarinig na ako ng mga kwentong ganito, at maging sa ngayon. Kaya kapag naglalakad ako sa madilim na lugar ay iniisip ko na lang ang mga masasayang bagay at nakakatawang mga videos na napanuod ko sa Youtube. Kapag may kung anong gumagalaw sa taas ng puno ay iniisip ko na lang na ito ay...ahm..ito ay koala ng kumakain ng dahon ng eucalyptus sa taas ng punong mangga! Weird. Kapag may kung anong nasa likod ko o parang may sumusunod sa akin ay iniisip ko na lang na ito ay si Palakang toti, at hindi malaking itim na aso o biik. Kapag may lumilipad sa taas ay iisipin ko na lang na ito ang kwago ni Harry Potter, kapag makakasalubong naman ako na di ko nakikita ang mukha dahil sa sobrang dilim ay iisipin ko na lang na yan ay anino ko lang at kapag nakakita naman ako ng nakatayo sa may dulo ng palayan na nakasuot ng puting damit at nakalutang sa ire ay iisipin ko na lang na....TAKBO!!!!!! Isa sa pangyayaring di ko malilimutan ay noong isang gabi na sobra ang dilim kasi nagtatago ang buwan. Hinay-hinay akong naglalakad sa daan kasi wala akong dalang flashlight o kahit cellphone man lang. Ang tanging naririnig ko lang noon ay ang malakas na pagtibok ng aking puso at ang ingay ng nagrereklamo kong tiyan. 'Di ko sigurado kung nagtaasan ba balahibo ko kasi madilim nga pero mas nanaig na sa akin bigla ang takot. Isang boses na nagsasalita ang narinig ko sa gitna ng dilim. Nakakatakot pa kasi di ko talaga maintidihan ang naririnig ko at kakaiba pa ang boses. Parang umiiyak. Kung kayo nasa kalagayan ko ano ang iisipin nyo? May nagsasalita na di mo naman maintindihan ang pinagsasasabi at parang umiiyak pa sa gitna ng madilim na daan. Magpapatuloy ka pa ba sa paglakad kahit alam mong makakasalubong yung di mo maipaliwanag na lumilikha ng medyo mahinang boses? Alam nyo na siguro kung ano ang nasa isip ko. Nakakahiya man sabihin pero naduwag ako, pinili kong umatras. Pagbalik ko ay may nakita akong kakilala ko, medyo lasing na ata yun kasi nag-iinuman sila sa gilid ng daan. Sinabi ko doon na parang may umiiyak sa may daan. Sabay namin tiningnan kung sino yun at noong makita namin ay di ko alam kung tatakbo na ba ako ng mabilis. Tatakbo ng mabilis pauwi sa amin kasi nasayang lang ang oras ko kasi lasinggo lang pala ang nasa gitna ng daan! Bwisit, kala ko kung anong nakakatakot na bagay na ang makikita namin. Kainuman pala niya 'yong lalaki. Dahil yata sa kalasingan ay kung ano-ano na ang pinagsasabi at umiiyak pa ata 'yon habang nakaupo sa may damuhan. Nag-eemote. Dahil sa pangyayari na iyon ay narealize ko na magaling talaga ako mambasag ng trip. Panira ng moment kumbaga. Hai naku. Pero sa totoo nga lang mas natatakot pa ako sa mga asong nakatambay sa gilid ng daan. Minsan tahol lang pala ng aso ang magpapatanggal ng aking antok at minsan tinatanggal pa pati ang epekto ng alak. Ganyan ka-killjoy ang mga aso, kala mo naman kung makatahol lang parang harap-harapang sinasabi sa mukha mo na ikaw ay magnanakaw. Isa pa sa nakakatakot na makikita sa dilim ang ahas. Maraming beses na akong nakaranas na daanan ng ahas sa aking harapan at pasalamat at hindi pa naman ako nakakatapak o nakakasalubong man lang ng anaconda o rattlesnake. Swerte pa naman kahit konti lang. Kaya ngayon pag umuuwi ng gabi ay di na ako masyong natatakot. Pinapatugtog ko na lang mp3 dito sa cellphone para kahit papano ay pansamantalang makalimutan kong mag-isip ng kung ano-anong nakakatakot na bagay. Basta iniisip ko na lang na kasama ko si Maria Ozawa habang naglalakad sa madilim na daan. Solb.

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM