12/13/11

MENTE (MAIKLING KWENTO)

I
Nagising bigla si Roy dahil may naramdaman siyang gumagapang sa kanyang mukha. Nakapikit pa ang kanyang mga mata pero agad niyang kinapa ang kanyang mukha para tanggalin ang insekto. Hinawakan niya ito saka ibinato ng malakas. Pagtingin nya ay gumagapang na ang isang ipis sa pader. Napapikit siya bigla dahil biglang sumakit ang ulo nya. Biglang nanlaki ang mata niya.



“Asan ako?”



Hindi nya maalala kung nasaan sya at kung bakit sya napunta rito. Nasa loob sya ng isang malaki pero maruming kwarto. Iisa lang ang pinto ng kwarto, walang mga bintana pero may maliliit na butas. Agad siyang tumayo pero natumba siya na para bang bata na hindi pa marunong maglakad. Nanghihina ang kanyang mga tuhod. Pagtingin nya sa likod ay nakita nya ang kanyang kaibigan na nakahiga sa sahig. Nakapikit ang mga mata nito.



“Hoyy Matt!!! Hoyyy gumising ka!!!
Nanatili pa rin itong nakahiga. Hindi gumagalaw.
Kinuha niya ang maliit na bato na nasa gilid nya. Ibinato nya ito sa kanyang kaibigan, at tumama ang bato sa ulo nito. Nagising ito bigla, sabay hawak sa kanyang ulo.



“Aww! Syet!



Tumingin ito bigla kay Roy. Hawak-hawak ang kanyang ulo.



“Tangina! Ba't mo ko binato?!”



“Tangina mo rin! Bakit tayo nandito sa lugar na ito?” tanong ni Roy.



Tumingin-tingin sa paligid si Matt. Hindi nya rin maalala kung bakit sila napunta sa lugar. Basta ang natatandaan nya ay nandoon sila sa party sa loob ng kanilang paaralan. At dahil bawal nga magdala ng nakakalasing na inumin ay nagpasya sila na sa labas mag-inuman at pumasok na lang sa loob ng paaralan kapag medyo lasing na. Doon nila nalaman na ang ilan sa mga kaibigan nila ay nakapagpasok ng mga inumin sa loob ng paaralan. Walang kaalam-alam ang guard na ang ang dala-dala ng ilang estudyante ay gin, hindi juice. Nag-inuman sila sa madilim na parte sa likod ng paaralan.



“Syet pare nakatali ang kamay ko!!”



Kinabahan si Roy. Dahil sa sobrang kalasingan ay hindi na nya alam kung ano ang nangyari. Ramdam nya pa rin ang tama ng alak at parang napapasuka pa sya.
“Di kaya kinidnap ta'yo?”



II
Isang lalaki ang sumisilip sa isang maliit na butas. Malaki ang katawan nito, mahaba ang buhok at matangkad. Kanina pa niya sinusubaybayan ang mga bata sa loob ng kanyang malaking kwarto. Napapangiti ito habang pinagmamasdan ang takot sa mukha ng mga bata.



III
“Alam mo mukhang may napanood na akong ganito eh. Alam mo yung pelikulang “saw”?”



“Tangina mo! Puro ka kalokohan, di na nga natin alam kung nasaan ta'yo.” galit na sabi ni Roy.



Pinipilit na makatayo ni Roy pero hindi kaya ng kanyang paa. Para itong nababalutan ng mabigat na bakal kaya hindi nya ito maigalaw. Gayon din si Matt; hindi rin nya maigalaw ng husto ang kanyang mga paa, dagdag pasakit pa sa kalagayan nya ang makapal na lubid na nakatali sa kanyang kamay.



''Tol may gumagalaw doon sa dulo, tingnan mo!”



Sa dulo ng malawak na kwarto, sa may mga patong-patong na mga karton, isang lalaki ang biglang tumayo. Halata na bigla itong nagising sa mahimbing nyang pagkakatulog. Mahahalata ang pasa sa kanyang mukha at nakatali rin ang mga kamay nito. Pinilit nitong maglakad pero natumba ito at humampas ang payat nitong katawan sa mga kahon na may nakalagay na mga kinakalawang na mga bagay na kadalasang nakikita sa mga junk shop.



“Di'ba si Jonas yan?” tanong ni Roy



“Oo nga ano.”



Si Jonas ay janitor sa kanilang paaralan. Matanda lang sya ng isang taon kina Roy at Jonas, at dahil nga sa ito'y payat at maliit lang ang pangangatawan ay palagi itong pinag-iinitan ng grupo nila Roy. Kapag naglalaro sila ng basketball ay sadya nila itong binabato ng bola at minsan naman ay kinakalat nila ang mga basura na nakalagay sa basurahan para mahirapan ito sa paglinis. At sa party nga ay binugbog na naman nila Roy ang kawawang janitor kaya ito may pasa sa mukha at sa ibang parte ng katawan.



“Asan ako?!” tanong ni Jonas.



Nagtawanan sina Roy at Matt.



“Hoy janitor bakit nandito ka? Sino nagdala sa'yo rito? Sabihin mo!!” sigaw ni Roy.



“Asan ta'yo? Hin..hindi ko alam kong bakit ako nandito. Sino nagdala sa atin dito?”



“Baka gusto mo madagdagan ang pasa mo sa mukha! Ano natatandaan mo noong gabi na 'yun?” pasigaw na tanong ni Matt.



“Basta ang natatandaan ko binugbog nyo ako at paggising ko ay dito na ako sa loob ng kwarto na ito.”



“Tangina, walang kwenta. Ikaw Matt ano natatandaan mo ng gabi na iyon?”



“Di'ba nang nag-iinuman tayo ay sabi ko sa inyo na iihi lang ako. Ramdam ko na nun ang epekto ng alak sa aking katawan. At ng umiihi na ako..syet! hindi ko na talaga pare maalala! Nagising na lang ako bigla dahil binato mo ko ng bato. Ikaw?”



“Lasing na lasing na ako noon, medyo hindi ko na rin maalala, pero parang ang gaan-gaan ng katawan ko. Para akong lumilipad. Tapos nagising na lang ako bigla na nandito na sa kwartong ito. Wa....



Naputol bigla ang pag-uusap nila ng biglang bumukas ang kaisa-isang pinto sa dulo ng kwarto. Pumasok ang malaking lalaki na may mahabang buhok.



Nanlaki ang mata ni Jonas at napatingin sya kina Roy at Matt.



“Sino siya?!”
IV



Nakangiti ang lalaki habang pinagmamasdan ang mga bata. Nakasuot lang ito ng tshirt na halatang lumang-luma na at may baril ito na nakasuksok sa kanyang pantalon.



“Hoy kapre sino ka? Palabasin nyo kami rito!” sigaw ni Roy.



Napatingin ang lalaki kay Roy. Lumapit ito sa kanya at sinuntok ito sa mukha.



“Bata, ang lakas ng loob mo ah. 'Di mo kilala ang kaharap mo ngayon. Baka gusto mo na lagyan ko ngayon ng bala ang mapurol mong utak!” nakangiting sabi ng lalaki.



“Bakit nyo kami kinidnap?! Ano mapapala mo sa amin? Hindi naman kami mayaman ah. Nagsasayang ka lang ng oras.”



“Pa'no kung sabihin ko sa inyo na hindi ako interesado sa pera ninyo” sabi ng lalaki habang hinihimas-himas ang kanyang baril. Lumapit ito sa harapan ni Matt.
Pinagpapawisan na ng malamig si Matt. Parang sasabog na ang kanyang puso dahil sa kabang kanyang nararamdaman. Alam nya na nagtatapangtapangan lang si Roy para itago ang takot na nararamdaman nito. Ayaw pa niyang mamatay, hindi pa sya handang mamatay. Habang nakapikit sya at hinihintay na lang ang putok na tatapos sa kanya ay may kakaiba syang naramdaman. Nararamdaman na nya na parang nagagalaw na nya ang kanyang paa. Maluwag na rin ang pagkakatali ng lubid sa kanyang kamay.



“Mamamatay rin lang ako bakit hindi na lang subukang lumaban.” bulong ni Matt sa kanyang sarili.



Tumayo sya bigla at sinipa ang lalaki sa tiyan. Tumumba ito sa may malaking kahon at tumama ang ulo sa may semento. Alam ni Matt na napuruhan nya ang lalaki. Nahalata nya na may dugo na sa bibig nito. Ito ang pagkakataon para makatakas sila, at hindi na sya magsasayang pa ng panahon. Agad nyang pinulot ang malaking bato para ihampas sa mukha ng lalaki.






ITUTULOY...




0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM