DRAGON
Alam mo yung feeling na masakit na nga ulo mo dahil katatapos pa lang ng klase mo sa Algebra tapos naisipan mo ng umuwi dahil gusto mo ng ipahinga ang sabog mong utak tapos sasalubungin ka pa ng usok ng yosi galing sa bunganga ng katabi mo sa bus o sa jeep?
Nakakainis 'dre! Kung amoy Acqua di Gio1 yan baka amuyin ko pa yan direkta sa bibig nya, pero hindi eh. Minsan nga siguro nahihiya rin ang ilan sa usok na binubuga nila kaya doon sila umuupo sa pinakagilid ng bus tapos ibinubuga nila sa labas ng bintana; nakakainis lang kasi papasok rin kadalasan ang hangin kaya napupunta rin sa ilang pasahero ang usok ng yosi. Pambihira. Ang ilan ay talagang wala ng pakialam sa paligid – buga na lang ng buga na aakalain mo ng may sunog na sa loob ng sasakyan. Nagtatakip na nga ang ilan ng kanilang mga panyo sa bibig para hindi nila maamoy ang mabahong usok at talagang pinapakita na nila na naiirita na sila pero wala parin talagang pakialam ang ilang kapal-muks.
Hindi ako naninigarilyo. At kahit kailan ay hindi ko gugustuhin na maghithit-buga ng usok na posible ring lumason sa aking katawan balang araw. Minsan may nagsasabi rin na “mamamatay rin lang naman ako sa huli bakit hindi na lubos-lubusin ang paninigarilyo”. Oo tama nga naman na mamamatay tayo sa huli pero habang masaya kang nakakaubos ng limang stick o isang kaha kada araw ay mas lalo mong ninanais na mamatay ka ng mas maaga. Hindi ako galit sa mga naninigariyo, lalo pa't ilan nga sa mga nirerespeto kong kaibigan ko ay mahilig sa yosi. Galit ako sa ilan na pasaway na hindi alam ang epekto ng ibinubuga nilang usok sa mga tao at di alam na may mga lugar na sadyang ipinagbabawal ang paninigarilyo. Tamang paalala lang na habang maaga pa ay pwede ring talikuran ang paninigarilyo. Hindi na kailangang ipalabas pa sa telebisyon ang isang kapreng malala na ang sakit sa baga dahil nasobrahan sa sigarilyo para matakot at tumigil na rin ang ilan sa paninigarilyo.
Ang masasabi ko lang: ayaw pa naming mamatay sa lung cancer. Ang usok na binubuga ng naninigarilyo o yung tinatawag na secondhand smoke2 ay napakadelikado sa ating katawan lalo na sa ating baga. Sinasabi na 100 na iba-ibang kemikal at toxins ang pumapasok sa ating katawan kapag nakakalanghap tayo ng usok galing sa bibig ng naninigarilyo3. At hindi lang pala lung cancer ang pwedeng makuha mo, nandito pa ang ilan sa posibleng kumapit sa iyong katawan: heart diseases, asthma, nasal sinus cancer, cervical cancer at marami pa. At para sa mga kalalakihan: nakakabaog rin daw ang paninigarilyo. 'Wag ka na magtaka kung bakit nauubo ka, o nahihilo kapag nakakalanghap ng ganyang usok. At dahil sa filter, ang usok sa pumapasok sa katawan ng naninigarilyo ay hindi ganun ka delikado di tulad ng secondhand smoke. Habang wala kang pakialam sa pagsinghot ng “nakakalasong” usok, di mo namamalayan na busog na busog na ang iyong katawan sa nicotine at tar. Sadyang pasaway rin ang usok dahil kahit raw buksan mo ang bintana sa iyong kwarto o kaya ang iyong electric fan ay hindi nito kayang matanggal ang lahat ng usok kung meron mang naninigarilyo sa loob ng iyong kwarto. Ang ilan sa mga nakakalasong kemikal galing sa usok ay kumakapit sa damit, sa kurtina at maging sa pagkain4. Nakakatakot lang na libo-libo ang namamatay kada araw sa iba't-ibang panig ng mundo dahil lang sa paninigarilyo at ang ilan naman ay dahil sa palagiang pagkakalaghap lang ng usok ng sigarilyo.
Maawa naman kayo sa sarili nyo, sa pamilya nyo at sa ibang taong nakapaligid sa inyo, tigilan na ang paninigarilyo. Nakakaapekto rin ang usok na ibinubuga nyo sa ibang tao. Napakahirap na ng buhay kaya bawal na ang magkasakit. Mura lang ang isang kaha ng sigarilyo, pero mahal at masakit sa bulsa ang pagpapagamot. Ang “kaibigang” nagpapasaya sa iyo sa una ay ang kaibigang magdadala rin sa inyo ng kapahamakan sa huli. Tumigil ka na sa pagiging “dragon”; tigilan mo na ang pag buga at patayin na ang apoy.
_________________________________________________________________
1. Giorgio Armani perfume.
2. Kombinasyon ng usok na ibinubuga ng naninigarilyo at usok na nanggagaling sa sinindihang dulo ng sigarilyo.
3. IARC Monograph, volume 83. Tobacco Smoke and Involuntary Smoking, 2002
0 comments:
Post a Comment