DRAMA NG TOTOONG BUHAY
Natunghayan natin kung paano pinigilan ng gobyerno ang tangkang pag-alis ng dating Pangulo papunta ng ibang bansa. Ginigiit ng kanilang kampo na malala na ang sakit ni Arroyo at kailangan na itong madala sa ibang bansa para magamot. Malala na raw nga talaga ang sakit niya, patunay ang mga larawan at video kung saan makikita si Arroyo na nasa wheelchair at may kung anong aparatu na nakalagay sa kanyang leeg. Delikado nab a talaga ang kalagayan niya o sadyang isa na naman itong estratihiyang panlilinlang para matakasan nya ang mga ibinabatong kaso sa kanya?
Binigyan ng TRO o Temporary Restraining Order si Arroyo ng Supreme Court para pansamantalang makaalis ng bansa, pero hindi pa rin ito umobra sa administrasyon. Walo sa limang Justices ang bomoto para mabigyan ng TRO si Arroyo – ang walo na ito mismo ang iniluklok ni Arroyo sa pwesto noong sya pa ang namumuno. Natural, ang walong “tuta” ay boboto pabor sa kanya.
Pero isa na namang sampal sa mukha ang natanggap ng kampo ni Arroyo ng ibasura ng Justice Secretary ang TRO. Nagrereklamo na nga sila dahil masyado na raw silang iniipit at nilalabag na ang kanilang karapatang pantao. Tanungin ko kayo: hindi nyo ba naranasan o kaya nalaman man lamang ang isyu sa paglabag sa Konstitusyon at pagyurak sa karapatan pantao noong nakaraang rehimen? Hindi naman siguro tayo bulag, pipi o kaya bingi sa mga nangyayari sa paligid natin. Sa ngayon, sadyang nag-iingat lang ang administrasyon. Posible raw kasi na ang plano ni Arroyo ay takasan ang kanyang mga kaso at kumuha ng political asylum sa ibang bansa.Mahirap nga naman sa ngayon na pagkatiwalaan ang isang tao, na sa tingin ng sambayanan, ay mapaglinlang. Hindi sapat na garantiya ang sinabi ng abogado ng mga Arroyo na ipapatanggal nya ang kanyang bayag kapag hindi na makabalik ang kanyang kliyente.
Mula pa noong una, negatibo na talaga ang tingin ng karamihan kay Arroyo. Kaliwa’t kanan na ang mga kaso na ibinabato sa kanya. Sino ang makakalimot sa isyo tungkol sa secondhand na mga helicopter, ang malawakang dayaan noong nakaraang eleksyon at korapsyon na naganap sa panahon ng kanyang panunungkulan? Isyu pa noon ang malawakan at sistematikong pagpatay sa mga aktibista at mamamahayag na tutol o tumutuligsa sa kanyang pamamahala. Isa si Arroyo sa itinuturong utak sa likod ng mga pagpatay at ginamit niya raw ang kanyang mga sundalo pati pulis na makinarya para maisakatuparan ang planong pagpapatahimik sa sinumang kumakalaban sa kanya. Nakakatakot di’ba?
Sa ngayon ay hindi pa rin natin matiyak ang tunay na kalagayan ni Arroyo. Wala raw kakayahan ang ating mga hospital na gamutin ang kanyang sakit kaya kailangan pa syang ilipad palabas ng bansa para doon ipagamot. Maganda nga naman ang naisip ng administrasyon na papuntahin na lang ang mga espesyalista na titingin at gagamot sa kanya dito sa ating bansa. Malala na nga ang kalagayan tapos ibabyahe pa palabas ng bansa; bakit hindi na lang ipahinga dito si Arroyo at yung mga doktor ang papuntahin. Ang nakakagtaka rito ay sabi ng ilan sa mga doktor natin ay kaya raw nilang gamutin ang sinasabing sakit ni Arroyo at di na kailangan pang lumabas ng bansa. Ang lumalabas ay parang minamaliit nila ang kakayahan ng mga doktor natin. Hindi nga siguro ganun ka hi-tech ang mga gamit sa karamihan ng mga hospital natin kung ikukumpara natin sa ibang bansa pero doktor na mismo ang nagsasabi na kaya nilang gamutin ang sakit ng dating Pangulo. Heto pa: bakit hindi yung mga doktor ni Arroyo mismo ang magsabi ng tunay na kalagayan niya at bakit yung tagapagsalita lang ng kampo ang palaging humaharap sa Media? Minsan di talaga maiwasan na magduda.
Sabi nga ng dating Pangulong Ramos, harapin nya ang kaso nya. Huwag nilang gamitin ang pisikal na kondisyon o kalagayan para matakasan ang batas. Hustisya ang hinihingi ng masang inabuso, dinaya at pinagsamantalahan ang kahinaan, at alam natin na hindi sila maaawa lalo na sa taong malaki ang pagkakasala. Nakaabang ang buong bansa sa kung ano ang susunod na mangyayari.
0 comments:
Post a Comment