BAKIT ANG SARAP MAG-ARAL? TOFU, FRIED ITLOG P@T%!
Hindi yan cipher 'tol. Pagpasensyahan nyo na ang title, ganyan lang talaga pag badtrip. Alam ko nababadtrip ka rin. Kung kasingyaman ka ni Bill Gates o kaya ni Stark1 eh please lang 'wag mo na lang basahin.
Maswerte tayo mga pare. Nag-aaral tayo sa isang kilalang unibersidad dito sa Bicol. Isang karangalan ang makatuntong sa ganitong paaralan. Maka-wiwi lang ueks na. Makapa-picture ka nga lang daw sa harapan ng “iconic” na ___ solb na. Iilan lang daw ang mawerteng nakakapag aral dito. Kung may utak ka, pasok ka; kung may pera ka, pasok ka. Kung parehas ka wala nito, uhhmm no comment. Kahit mag rally ka sa harap ng gate eh wala kang magagawa. Sabi nga nyan eh malaki ang lamang natin sa iba. Pangalan pa lang daw ulam na. Tama, ulam nga naman. Sarap pagmasdan ng ulam na yan na nakalagay sa ating mga diploma.
Pero alam mo yang ulam na yan medyo nakakasawa na rin eh.
Nang una pa lang akong mapadpad sa unibers2 na ito ay di ko naman masyadong naramdaman ang problema. Alam mo dalawa kaming sabay na nag-aaral dito sa unibers na ito noon pero pasalamat at di naman sumakit ang ulo ko di tulad ngayon na kailangan ko pang ipukpok ang ulo ko sa dingding kakaisip kung posible bang umulan ng pera kapag hulyo. Feeling ko nga talaga ang tanda ko na. Alam mo yung feeling na para kang si Frank Sinatra3, tapos ang mga kaklase mo si Justin Bieber. Alam mo kating-kati na nga ang pwet ko na makaalis dito sa paaralan na ito, yung pagkagradweyt at makahanap agad ng magandang trabaho at hindi yung makahanap ng magandang tulugan at upuan na maghapon mong hihigaan at uupuan at para ka lang naghihintay ng himala, na paulit ulit nga sinasabi ni Nora na walang himala! Habang nagtatagal tayo sa pag aaral ay saka naman padagdag ng padagdag ang problema. Kadalasan hindi na acad ang problema, kundi perang pang tuition. 'Yang TFI na yan ang problema!
Ano ang TFI? Tofo and Fried Itlog? The Fresh Isaw? Pasensya, minsan talaga kapag gutom puro na pagkain ang pumapasok sa isip. Tuition Fee Increase yan mga 'tol. Ang sarap kainin ng pagkain na ito. Sarap isipin na pag kinain mo ay mapupunta ito sa inodoro.
Noong 2010, tinatayang 382 na paaralan sa buong bansa ang nagtaas ng tuition. Syempre kasama na tayo dyan. Sikat tayo eh.
Nakakabadtrip lang naman talagang isipin na habang ang ilan sa mga paaralan dito ay nagpapaulan ng TV ads, radio ads at pati print ads na nagsasabi na hindi sila magtataas ng tuition fee, eh dito naman ay parang walang pakisama na palagi na lang nagtataas. Kadalasan, taas ang kilay ng karamihan kapag ganito ang isyu. Minsan nga di ko napapansin na nakataas na ang kamay ko at pati na rin ang gitnang daliri ko. Nakakainis lang kasi nagtaasan na nga ang pamasahe, nagtaasan na ang presyo ng halos lahat ng bilihin at nakikipagsabayan pa ang TFI na ito. Nakakalimutan ata nyo na may economic crisis. Ang krisis na hindi mamatay-matay. Bakit ba nagtataas? Ilan sa mga teachers o instructors raw ay pinipiling umalis para maghanap ng trabaho na mas malaki and sweldo. Ang iba ay umaalis pa dito sa ating bansa. Kaya ang solusyon ng administrasyon ay taasan ang sweldo ng mga guro. Kung baga parang suhol na rin para maingganyo raw ang mga guro na magpatuloy na magturo dito sa ating unibersidad. Isa pa daw ay para sa facilities. Total sobrang taas na ng binabayaran namin kaya dapat magpatayo na kayo ng Mall dito sa loob, o kaya ng Spa. Pero seryoso sumasakit na ulo namin kakaisip sa mga ganyang problema na kailangan na munang magrelax sa Mall o sa Spa. Hindi rin naman kasi kayo ang namumroblema, hindi rin lang sila, pati rin kami. 'Wag lang sila ang isipin nyo. At tama nga naman na sabihin na ang isang paaralan ay ginawa hindi lamang para isipin ang pangangailangan ng mga guro, kundi kailangan isipin ang kapakanan ng mga estudyante. Ginawa ang paaralan para sa mga estudyante.
Huwag isangtabi ang posiblidad na may mahimatay na estudyante kapag nakita nya sa kanyang matriculation form kung gaano na kataas ang babayaran nya para malasap ang quality education na tinatawag. Walang magagawa yang quality education na yan kapag kinapos na tayo ng pera. Di ba? Tama nga naman na malaki ang maitutulong ng quality education na yan para mahubog ang ating isip at pagkatao at para makahanap tayo ng disenteng trabaho. Kung napapansin nyo na paulit-ulit ko ng nababanggit yang quality education na yan, pasensya na, di lang naman plaka ang nasisira. Balik tayo, kaya bang matulungan ng, err quality education na yan ang mga tao na gusto mag-aral pero hindi kaya dahil sa kahirapan? Kung yang quality education na yan ay mapapasakamay kung gagastos ng limpak-limpak na pera, sa tingin nyo makakaya yan ng karamihan? Pero marami pa rin talagang gusto mag aral dito. Quality Education yan 'tol.
Quality education=pera. pera. pera.
Kahit hindi ka na magtanong kay Google, alam natin na nag-aaral tayo sa paaralan na malala ang tuition. Yan ang pwede nating ipagmalaki dito sa Bicol Region. Sabit na kayo ng mga tarpaulin at ipakita natin sa buong Bicol na tayo ay...ahm. epal.
Ay naku, ang dami pa namang eskwelahan dito sa atin na pwedeng pagpilian. Pero bakit sa sobrang taas pa ng tuition fee ko pa naisip na “tumambay”. Minsan kapag may nagtatanong sa akin kung ilan ang babayaran ko sa isang sem para bang may yabang pa akong nagsasabi na: Ahm..inaabot ng lampas 20K eh. Kung iisipin ng iba, maswerte ako kasi nakapag-aaral ako sa ganitong paaralan na hardcore masyado ang tuition. Posible pa nilang isipin na mayaman kami. Ay naku, hindi kami mayaman. Habang tumatagal nga ang tambay ko sa loob ng paaralang ito ay unti-unti namang nabubutas ang dati ng super butas na aming bulsa. Kahit basagin ko pa ang alkansya kong kawayan ay kulang pa rin. Yan siguro ang dahilan kung bakit ang ilan sa mga estudyante na pursigidong makapagtapos ngunit salat sa pera ay napipilitang makipagkalakaran sa plaza kapag hatinggabi. Kapag exam week daw o kaya enrollment, dami daw ng mga tumatambay na kabataan kapag gabi para makahanap ng madaliang pera.
Ang iba napipilitang maghanap ng part-time job para makapag-aral. Ang iba kung ano-anong raket na lang ang pinapasukan, di mo pala alam na ang janitor na nasa gilid mo ay kaklase mo na pala. At ngayong panahon na ang bawat piso ay mahalaga, gagastusin mo pa ba ang pera mo ng bongang-bongga? Di ba kayo nagtataka kung bakit napakarami ng mga estudyante sa simula ng pasukan at biglang nababawasan ang bilang sa mga susunod na araw o kaya sa sunod na semester?
Nakakasama rin ako sa mga rally sa loob at labas ng paaralan noong panahon na mainit masyado ang usapin sa TFI, isyu sa mga nakakataas kilay na dagdag bayaring makikita sa matriculation form at sa kung ano-anong kalokohan na pa-raffle. Minsan kasi kailangan rin nating ipakita ang ating galit para kahit papaano ay pansinin rin tayo ng administrasyon. Kapag wala tayong ginagawa at hindi tayo nakikialam o kumikilos, saka nila tayo aabusuhin. Tama? Pero kahit na nga tipunin natin ang lahat ng mga estudyante o kahit magsisigaw pa tayo ay wala ring mangyayari kung panay bingi-bingian lang ang kanilang ginagawa. Bingi na nga, bulag pa.
Karagdagan. Noong bakasyon naisipan kong maghanap ng trabaho. Part-time lang. Pursigido talaga ako makahanap ng trabaho para magkaroon ako ng sariling pera. Na-try ko na rin mag apply sa J4 at masasabi ko na napakahirap pala talaga makahanap ng pera sa panahon ngayon. Ang haba ng pila na aakalain mong nasa evacuation center ka at naghihintay ng relief goods. At sa huli hindi ako natanggap. Inaasahan ko na rin yun. Feeling ko kasi mali yung sagot ko dun sa tanong ng nag iinterview; tanong na parang pang beauty pageant. Pero natanggap na sana ako dun sa isang store, kaso di na ako nagpakita sa sunod.
Ay naku, mahirap na nga tayo mas lalo pa tayong pinapahirapan. Kumbaga butas na ang bulsa, hinuhubaran pa para makahuthot ng pera. Ay naku. Komersyalisado na nga talaga karamihan ng mga paaralan dito sa ating bansa. Ang dapat sana'y hiwalay na “edukasyon” at “negosyo” ay ngayon ay mukhang nagsanib pwersa na. 'Di natin maitatago ang katotohanan na ilan sa mga paaralang ito ay pagmamay-ari ng mga negosyante, partikular na ng mga Tsinoy. Huwag na tayong mabigla na merong mga pribadong paaralan ang napasama sa top 1000 corporations of the Philippines.
Nakakawala talaga ng gana. At ano namang kalokohan itong Educational Act of 1982?5 Totoo nga ba talaga na ang edukasyon ay para sa lahat, ano man ang kasarian, edad, pisikal na kondisyon o estado sa buhay? Kalokohan. Ang dapat kung matalino ka at kung may pera ka makakapag-aral ka, at kung wala naman pwes itulak mo na lang yang kariton mo at ihatid mo na yang nakuha mong mga bote at lumang dyaryo sa junk shop para maging pera na at para makabili ka na ng makakain. Wala kang karapatan na magtaas ng kilay kapag nabasa mo ito kasi alam ko na may mga kakilala ka o di naman kaya nakikita na mga kabataan na gusto makapagtapos ng kolehiyo (o kahit high school) pero mas pinili na lang na maghanap agad ng kahit anong trabaho o kaya tumambay na lang kasi wala nga naman silang pera.
Darating ang panahon na tanging mayayaman o may kaya na lang ang makakapag-aral sa karamihan ng mga kolehiyo/ unibersidad dito sa atin. Kung palaging TFI ang ireregalo sa atin ng mag paaralan kapag pasukan, habang tumatagal pakonti ng pakonti ang may kakayahang makapag-aral. Ang scholarship na inyong ipinagmamayabang ay di sapat. Malabo ata ang plano ko na kapag nagkaroon na ako ng anak ay dito ko rin papag-aaralin. Iniisip ko pa lang parang nauutot na ako. Ngayon nga pamatay na ang tuition, ano pa kaya sa future. Ayaw ko ng sumakay sa time machine at makapunta sa future, nakakatakot makita ang matriculation form.
Alam natin na hindi isa lamang na pribelihiyo ang edukasyon, ito ay karapatan nating lahat. Karapatan pala eh, o bakit ganito ang sitwasyon?
_________________________________________________________________
1. Si Iron Man.
2. University.
3. US singer and film actor (1915-1998)
4. Fast food chain
5.An Act Providing For The Establishment and Maintenance of an Integrated System of Education.
0 comments:
Post a Comment