HIWAGA NG ISANG GUBAT
Isang lalaki na may hawak na rifle at flashlight ang mabagal na nglalakad sa gitna ng malawak na gubat. Alerto ang kanyang mga mata sa kung anu-anong gumagalaw. Alas-5 pa lang ng hapon ngunit dahil sa sobrang tataas ng mga puno at sa makakapal na dahon ay aakalain mong gabi na. Mapapansin rin ang kakaibang katahimikan sa gubat. Matatagpuan ito sa tuktok ng isang mataas na bundok. Tanging lagaslas ng tubig sa malawak na ilog, huni ng mga ibon, pagaspas ng mga dahon kapag malakas ang hangin at mahinang mga tunog na likha ng mga iba-ibang ligaw na hayop sa paligid ang palagiang maririnig sa pinakamasukal na parte ng gubat. Bibihira lang ang mga taong pumupunta dito, at kadalasan mangangaso, mangangahoy o kaya mga mountain climber. Dati raw ay marami ang naninirahan sa taas ng bundok. Sino nga ba naman ang hindi gugustuhin na manirahan sa ganitong lugar? Nandyan na sa paligid ang lahat ng kailangan para mabuhay: mga ligaw na kalabasa, talong at iba pang mga gulay, malinis na batis, mga punong kahoy at mga hayop tulad ng usa, manok at pati na rin baboy ramo. May ilan pa naman na naninirahan sa baba ng bundok ngunit nakapagtataka lang na sa ngayon ay wala na ang mga dating naninirahan sa taas o sa gitna ng masukal na kagubatan. Makikita pa sa lugar ang ilan sa mga kubo na dahil sa tagal na rin na walang tumitira ay nawawasak na. Sinasabing nagsialisan ang mga naninirahan dito. Hindi dahil sa wala na silang makain, hindi dahil sa marumi na ang tubig, hindi rin dahil sa may nahanap na silang bagong lugar na paglilipatan. Natakot sila.
Ilan sa kanilang mga kapamilya at kaibigan ay nawala sa malawak at masukal na kagubatan at karamihan ay di na muling nakita. May dalawang maswerteng nakabalik, nakauwi pa sa kanilang mga pamilya. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay di na nila naalala kung ano ang nangyari. Di na nila alam kung saan sila. Di na nila kilala ang kanilang kapamilya. Di na nila alam pati ang kanilang pangalan.
Patuloy ang paglalakad ng lalaki. Maya-maya ay nagsimula ng umihip ang malamig na hangin. Tumatagos ang lamig sa kanyang katawan. Napunta ang kanyang mga mata sa may damuhan; may kung anong gumagalaw. Mahigpit na ang hawak nya sa kanyang baril. Inilapag nya muna ang kanyang maliit na bag sa lupa kung saan nakalagay ang kanyang dalang pera, mapa, at susi ng kanyang kotse . Hinay-hinay sya na naglakad palapit sa may damuhan. Isang ligaw na aso ang biglang sumugod sa kanya. Pinaputukan ito ng lalaki ngunit di nya natamaan. Akala nya ay kakagatin sya ng aso ngunit dumaan lang ito sa gilid nya na parang hindi sya nakita. Nakita nya na mabilis ang takbo ng asong papalayo. Nahalata nya na may kagat-kagat na itong maitim na bagay.
“Naku! Ninakaw nung aso 'yung maliit kong bag!” .
Kinuha agad ng lalaki ang kanyang flashlight at mabilis na tumakbo para habulin ang ligaw na aso.
ITUTULOY.
0 comments:
Post a Comment