HANGGANG SA MULING PAGKIKITA (MAIKLING KWENTO)
Masama ang aking pakiramdam.
Dumadaloy ang malamig na pawis sa aking mukha at sa ibang parte ng aking
katawan. Hindi ko kayang magbuhat ngayon ng mabibigat.
Napilitan aking mag undertime sa
aking trabaho dahil alam ko na hindi na kaya ng aking katawan. Ramdam ko na
bugbog na rin siguro dahil sa bigat ng trabaho ko bilang construction worker.
Nakakapagod pero mababa lang ang sahod. Sobrang init ng pakiramdam ko parang
gusto kong maglublob sa malamig na tubig ng buong araw. Nakikipagsabayan pa ang
nangangalit na init ng araw na parang iniihaw ng buhay. Bumili muna ako ng
gamot at mineral water sa tindahan sa gilid ng daan at nagpasyang umupo muna
sandali sa lilim ng isang malaking puno.
Hayy ang sarap ng ihip ng
hangin.
Pinapanood ko ang mga sasakyang
mabibilis na dumadaan sa aking harapan at ang mga naglalakad na mga tao na
hindi iniinda ang init ng panahon. Masyadong busy ang karamihan; karamihan may
mga ginagawa. Kasi kung tutunganga ka lang maghapon ay walang grasya na
mahuhulog sa harapan mo. Kailangang akyatin ang mataas na puno para makuha ang
inaasam na bunga. Pitong taon na rin ako sa aking trabaho at kahit nga sabihin
ko na pabagsak na rin ang katawan ko eh kailangan pa rin magtrabaho para
buhayin ang pamilya. Binuksan ko ang gamot na binili ko pati na rin ang mineral
water. Isusubo ko na sana sa aking bibig ang gamot ng biglang may nagsalita sa
aking gilid...
Bakit hindi nababawasan ang
populasyon nyo?
Nalunok ko ang aking gamot pero
natapon ang kalahati ng tubig na hawak ng isa kong kamay.
“Hoy bata, tangina kanina ka pa
dyan? Tumalsik ang kaluluwa ko sa aking katawan ah. Natapon pa ang tubig na
hawak ko.” galit na sabi ko sa bata.
Nakatangin lang sya sa akin.
“taga saan ka ba? Asan ang mga
magulang mo? Hindi ka ba hinahanap sa inyo?” sunod sunod na tanong ko sa kanya.
“Wala rito ang mga magulang ko.
At lalong hindi nila ako hahanapin kasi sila ang nagtapon sa akin dito” sabi ng
bata.
Tinitigan ko ang bata. Hindi
naman sya gusgusin tingnan hindi tulad ng ilang batang nakikita ko na natutulog
at namamalimos sa kalye. Mahaba at kulot ang buhok nito na parang pambabae at
medyo malaki rin ang mata. Nakasuot naman ito ng malinis na tshirt at shorts
pero wala itong na tsinelas o sapatos na suot. Matalim ang titig nya sa akin.
“Hoy bata ano ang pangalan mo?”
tanong ko sa kanya.
“Wala akong pangalan pero madalas
itawag sa akin ay Dos.”
“Dos? Parang number 2 ganon?”
tanong ko ulit sa kanya.
Hindi sya sumagot.
Masakit pa rin ang ulo ko pati
ang likod ko. Kailangan ko na rin siguro umuwi sa bahay para magpahinga.
“Bakit hindi nababawasan ang
populasyon nyo” tanong nya ulit sa akin.
“Alam mo bata..kahit sabihin
natin na milyon-milyon ang namamatay araw-araw eh hindi talaga mababawasan ang
tao kasi milyon din ang mga ipinapanganak at dumaragdag araw-araw. Hindi ba yan
naituturo sa paaralan nyo ah?”
“Sa bawat buhay na nakatakdang
malagas ngayong araw, karamihan sa kanila sasama sa daloy ng malakas na hangin
papunta sa pinaka-ilalim. Doon sila habambuhay na iiyak, sisigaw at magdurusa
pero walang sinumang makakatulong sa kanila sa paghila ng malakas na pwersa sa
hukay na sa buong buhay nila ay hindi pa nila nakikita.” sabi ng bata.
Napatingin ako sa bata.
“Karamihan ay yayakapin ng dilim.
Walang liwanag ang makakapigil..” sabi ulit nya.
Hindi ko alam pero parang may
kakaiba sa kanya. Ang matatalim nitong titig at ang pagsasalita nito na parang
may bumabalot na ulap.
“Hoy bata nakasinghot ka ba ng
rugby ngayon? Inubos mo ba ang buong bote ha? Alam mo kung pumasok ka ngayon sa
paaralan nyo eh sana may natutuhan ka pa. Sige na umuwi ka na at aalis na rin
ako. Baka masagasaan ka pa ng mabibilis na sasakyan na dumaraan.
Tumayo ako bigla para umalis pero
hinawakan nya ang kamay ko. Mahigpit ang kanyang hawak.
“Nakikita mo 'yung lalaki na
iyon..”
Tinuro nya ang isang lalaki na
kakalabas lang sa isang mataas at malaking gusali sa kabilang daan.
“Sino yun tatay mo?” nagtatakang
tanong ko sa kanya.
“Kahit gaano katibay at kalaki
ang barko sa gitna ng karagatan, hindi nyo malalaman kung makakayanan nito ang
malalakas na alon na sasalubungin nito. Dalawa lang ang posibleng mangyayari:
magpapatuloy sa paglalayag o sisirain ng alon at hihigupi sa kailaliman ng
nangangalit na karagatan” sabi ng bata.
Kinilabutan ako bigla. Parang
nagtayuan ang mga balahibo ko. Sino itong batang ito? Baliw ba ito?
May tinuro pa syang isang lalaki
na nakasuot ng dilaw na damit na nakatayo sa gilid ng daan na parang
naghihintay ng sasakyan.
Sumakay ang unang lalaki sa
kanyang sasakyan at mabilis itong pinaandar.
Napakabilis ng mga sumunod na
pangyayari.
Habang mabilis ang pagmamaneho ng
lalaki ay biglang may isang malaking truck na mabilis rin ang pagpapatakbo ang
biglang bumangga sa sasakyan ng lalaki. Malakas ang salpok ng dalawang
sasakyan; tumalsik ang kotse at rinig na rinig ko ang pagkabasag ng mga
salamin. Sumalpok pa ito sa isang malaking poste at tumaob. Para itong latang
hinataw ng baseball bat. Dumiretso pa ang takbo ng malaking truck at nahagip
ang lalaking nakasuot ng dilaw na damit; tumilapon ito ng mataas sa ire at
bumagsak ng napakalakas sa konkretong daan at nakabasag basag sa maraming
piraso ang ulo nito. Maririnig ko ang sigawan ng maraming tao sa gilid ng daan.
Nanlaki ang mata ko at hindi ako
makapagsalita. Tiningnan ko ang bata. Tumingin sya sa akin at ngumiti.
“Paano mong...paanong mong
nalaman....sino ka?!!!” sigaw ko sa bata.
“Maswerte ka pa sa
ngayon..maswerte ka pa. Ang bangka mo ay patuloy pang maglalayag sa
karagatan sa ngayon pero hindi mo mapipigilan
ang pagdating ng mas malakas na alon na magpapalubog at hihila sa iyo sa
pinakailaliman ng mundo. Sa ngayon magsaya ka muna kasi alam ko sa darating na
panahon na magkikita pa ta'yo. Ako na mismo ang maghahatid sa iyo...
Lumingon ako sa kabilang daan...marami
ng tao ang nagsisikumpulan at dumating na rin ang ambulansya. Pagtingin ko ay
wala na ang bata sa kanyang kinauupuan.
0 comments:
Post a Comment