10/21/12

PINOY ASWANG

Hindi natin masyadong alam kung kailan eksaktong nagsimula ang paniniwala nating mga Pinoy sa ganitong mga nakakatakot na nilalang, pero maaaring nagsimula ito noon pang panahon ng ating mga ninuno. Maaaring sila mismo ang nakasaksi sa kung gaano ito nakakatakot o maaari namang ito ay produkto lamang ng kanilang malikot na imahinasyon; na sa kalauna'y ang kwento ay nagpapasa-pasa na sa iba't-ibang tao, lumawak na ang nasakop ng lumalaganap na impormasyon, at sa ngayong makabagong henerasyon nga ay nakatatak na sa ating mga utak at mahirap na burahin. May mga ilan na naniniwala sa aswang, may mga ilan naman na hindi. Tulad ko, hindi pa ako nakakita ng aswang. May mga pailan-ilang mga kwento dito sa amin na may nakita na na gumagala, may nakita na nakadapo daw sa puno at biglang lumipad, biik daw na matatakot ka dahil napakalaki at kung ano-ano pa na tanging sa horror movie mo lang maaaring makita. Natatakot ako minsan kapag nakakarinig ako ng ganyang kwento, pero hindi maalis sa isip ko na baka imahinasyon lang naman nila. Sa ilang taon ko ng paninirahan dito sa amin ay wala pa ako nakita. Pero minsan may isang pagkakataon sa buhay ko na muntik na rin akong maniwala. Hindi ko na muna ikwekwento dito sa blog, sa sunod na lang dahil medyo tinatamad pa akong isipin ko ano 'yung eksaktong nangyari. 

Ayon sa aklat ni Maximo Ramos na “The Aswang Complex in Philippine Folklore”, sinasabi na may limang klase ng aswang.

Ang una ay ang “weredog”, na sinasabing babae o lalaki kapag umaga at nagiging aso kapag gabi. Sinasabing ito ay may kakayahang magbago ng anyo, at kadalasan ay nakatira sa isang baryo. Kinakagat daw nito ang leeg ng biktima na ang karamihan nga ay buntis. Sinasabing takot ito sa buntot-pagi; maaari itong makaligtas sa hagupit ng buntot-pagi pero kapag bumalik ito sa pagiging tao ay makikita ang mga sugat nito. May ilan rin na may kakayahan raw na magpalit na anyo ng tulad sa malaking aso, baboy-ramo o pusa.

Ang pangalawa ay ang “witches”, na pinaniniwalaan na babae o lalaki na nagbibigay ng malalang sakit o karamdaman sa biktima, kagalit man nila o hindi. Sinasabi na ito ay mahiyain at naninirahan sa inabandonang bahay o liblib na lugar sa baryo. Sila ay hindi nakakatingin ng diretso sa mga tao; kapag tiningnan mo ang kanyang mga mata, makikita mo na baliktad ang repleksyon ng iyong imahe. Ang hugis ng mata niya ay hawig sa pusa o butiki kapag maliwanag. Tinatawag itong mambabarang sa Bicol, manggagamodsa Iloko/ Pangasinan, mamumuyog sa West Visayan at mangkukulam sa pampanga/ tagalog.

Ang pangatlo ay ang “ghoul”, na sinasabing magnanakaw ng bangkay. Ang kuko nito pati ang ngipin ay mahaba at matatalim. Sila ay sinasabi na hindi nakikita at kapag nagpakita ito ay anyo itong tao. Kapag gabi ay nakabantay ito sa malalaking puno malapit sa sementeryo at hinuhukay ang bagong libing. Malakas ang pandinig nito na kaya nitong marinig ang hininga ng taong malapit ng mamatay. Sinasabing takot sila sa apoy, metal at maaanghang na pangkain. Noong una raw na panahon ay nilalagyan ng kapamilya ng suka ang katawan ng namatay nilang kaanak upang mapaalis ang mga hindi nakikitang aswang. Pinapalitan din daw nila ang bangkay ng puno ng saging na sa unang tingin ay aakalain mong iyon ang tunay na bangkay. Kinakain daw nito ang bangkay.

Ang pang-apat ay “vampire”, nanghihigop ng dugo ng biktima. Inagamit nito ang dulo ng kanyang dila para butasin ang leeg ng kanyang biktima. Tinatawag itong amaranhig sa west visayan, danag sa Isneg at mandurugo sa tagalog.

Ang panghuli ay ang tinatawag na “viscera sucker”, ang sinasabing sumisipsip ng lamang loob ng biktima. Isa raw itong magandang babae kapag umaga na may mahabang buhok. Humahaba ang dila nito. Kapag gabi ay iniiwan nya ang kalahati ng kanyang katawan sa ilalim ng higaan, sa paligid ng kanyang bahay o sa lugar na maraming tanim na puno ng saging para hindi mahalata. Pumupunta ito sa bubong ng bahay ng biktima at maghahanap ng butas. Ipapasok nito ang kanyang dila at ito'y hahaba. Kadalasan daw ay kasingliit ito ng sinulid para hindi mahalata. Pinapasok nito ang katawan at inaatake ang puso, atay, baga at iba pang parte. Karamihan sa binibiktima nito ay buntis dahil hinihigop nito ang sanggol sa sinapupunan nito. At para raw hindi na makabalik ang kalahating parte ng katawan nito ay kailangan langyan ng abo o asin ang kalahating parte ng katawan nito. Kapag hindi nakabalik ang katawan nito ay ito ay mamamatay. Sinasabing sa liblib na lugar ito naninirahan at natutulog ito ng buong umaga na nakatakip sa mukha ang mahaba nitong buhok. Takot daw ito sa kutsilyo, ilaw, asin, abo at buntot-pagi. Mabisang pampatay daw dito ay ang matalim na kawaya n na kailangang itusok sa likod ng katawan ng aswang.

Ingat mga 'dre.


___________________________________________________________________________________
Source:
The Aswang Complex in Philippine Folklore by Maximo Ramos

About
Aswang


0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM