5/8/12

IKAW NA ANG ADDICT SA FACEBOOK


I cannot stop using it. Once you addicted to it, you just can't stop!!”
-Anonymous

Sorry sa title kasi “ikaw” na naman ang napagdisketahan ko. Ok lang yan 'tol, kasi safe naman sabihin na marami na talaga ang naaadik sa facebook. Hindi ko alam kung kasama na ba ako dyan sa mga tao na yan na adik na talaga pero masasabi ko na hindi. Grrr, ang hirap talaga magsulat ng artikulo lalo na kapag nakabukas ang facebook! Opps.

Facebook, ang social networking site na ginawa ni Mark Zuckerberg, ay isa na sa pinakasikat sa buong mundo. Mahigit kumulang 300 milyon ang may facebook account sa iba-ibang panig ng mundo at sinasabing kalahati nito ang ang nag la-login araw-araw. Ganyan ka tindi. At heto pa, mahigit dalawang bilyong mga pictures at labing-apat na milyong videos ang ina-upload dito kada buwan. Ewan ko lang kung hindi sumabog ang computer mo kung ganyan kadaming pictures at videos ang ilalagay sa hard disks mo.

Bakit ganito na lang kasikat ang facebook? Ano ang pinaggagagawa ng mga tao na ito kapag naka log-in? Naks, nagtanong pa ako. Ang mga gumagamit ay pwede mag post ng kung anu-ano --- picture, links, notes, pati video o kung gusto mo pati scandal mo.juk. Ang iba ginagawa na ngang diary na pati na lang pagwiwi o pag-utot ay ikinuwekwento pa sa wall. Ang iba naman ginagawa pang labasan ng hinanakit o kaya paraan para magpahayag ng pagsang-ayon o pagtutol sa mahalagang isyu. Asuws, magwelga at magsisigaw ka sa kalye hindi dyan sa wall mo. Peace. Pwede ka rin pala maglaro ng mga mini games tulad ng mafia wars o ang sumikat (o baka palaos) na farmville, kasama pa ang ilan sa mga applications na pwedeng pag-aksayahan ng oras. Sori dude, Dota pa rin! Pwede ka rin makipag chat sa mga friends mo na online, isang malaking tulong para sa mga walang load ang cellphone pero may pang-internet (pambihira).

Bakit nga ba naman ako gumawa ng facebook account? Sa totoo lang hindi ko rin alam na hindi ko na nga matandaan kung kailan nga ba ako nagsimulang mag-aksaya ng oras sa social networking site na ito. Basta noong kapanahunan ko ay masasabi kung kahit paano ay sikat pa rin naman ang friendster ngunit biglang nabaliktad ang sitwasyon ng lumabas ang facebook. Mga kakilala ko may fb account na, ako naman wala at nagtyatyaga pa rin sa friendster. Ganyan ang nangyayari ngayon, na dahil halos lahat na ng kabataan maging ang mga matatanda o professionals ay may facebook na, nahihikayat na rin ang iba na gumawa ng sarili nilang fb. Gaya-gaya na rin ang iba na kulang na lang pati bagong panganak na sanggol ay makisunod na rin sa uso. Pana-panahon lang kumbaga na parang tulad ng musika, pero parang iba ang tinaguriang facebook phenomenon, magiging permanenteng parte na ba ito ng ating buhay o malalaos rin ito at makakalimutan ng karamihan? Mukhang imposible. Tama nga naman na kung noong panahon ay mas kinahuhumalingan ng mga tao partikular na ng mga teenagers ang cellphone o pakikipagtxtmate, ngayon ay mas natutuon na ang atensyon nila sa facebook at iba pang social networking sites.

Kung hindi nyo pa alam ay may tinatawag na ngayong F.A.D o Facebook Addiction Disorder, isang kondisyon kung saan ang isang tao ay kumukunsumo ng mahabang oras sa facebook kada araw na naaapektuhan na ang relasyon niya sa mga taong nakapaligid sa kanya at maging sa pang-araw-araw niyang gawain. Maisasama ito sa kategorya ng “internet addiction disorder” o kaya internet overuse. Sanasabi nga na mahigit 350 milyong katao ang nakararanas ng ganitong kondisyon. Akalain mo yun, hindi lang pala social networking site ang ginawa ni pareng Mark... pati rin pala sakit. Genius.

Marahil hindi mo na namamalayan na mayroon ka ng FAD o baka ako meron na rin, kaya heto ang sanasabi sa ilan sa mga “sintomas”: Inaabot ka na ng lampas isang oras kaka-facebook. Maaaring lima, anim, pito at padagdag lang ng padagdag na hindi mo na namamalayan na tumitilaok na ang manok mo na nakadapo sa taas ng puno. Ewan ko ba kung ano ano na pinaggagagawa mo dyan, baka inaalam mo at sinusundan lahat ng balita at maging mga kaechosan na pinopost ng mga kabarkada mo sa buong araw na nagmumukha ka na talagang tsismosa o baka pindot ka lang ng pindot ng like button na danaig mo pa si Lola Techie sa commercial. Ayan tuloy, palagi kang nakukulangan ng tulog na kailangan mo ng gilitan ang kamay mo at patakan ng dayap o kalamansi para malabanan ang antok. Pambihira. Pangalawa, naiistress ka na kapag hindi nakakafacebook. Yung tipong nababalisa ka na at palagi mong iniisip kung ano na ba ang mga nakapost sa wall mo. Pangatlo, ang adik daw ay madalas magbukas ng tatlo o pataas na windows o tab na puro lang naman facebook. Pang-apat, hindi ka na makapagtrabaho ng maayos o hindi ka na nagtatrabaho para lang makafb. Ito siguro ang dahilan kung bakit ang ilang kumpanya ay ipinagbabawal na o nakablock na ito sa kanilang mga computer. Wala na atang mas nakakatawa pa sa eksena kung saan ang isang empleyado ay abalang nakatutok sa computer, nginingitian ang picture ni Papa P. habang nasa likod nakatitig ang boss na nakakunot ang noo. Nakakapagod kaya magtrabaho lalo na sa farm, pero ang iba walang pagod kung magtrabaho dito na daig pa ang kalabaw--- sa farmville! Panglima, nawawalan ka na ng oras sa iyong pamilya, kaibigan at sa iba, at hindi mo na rin naeenjoy ang mga ginagawa mo noon tulad ng paglalaro ng basketball o pagsasayaw. Pang-anim, imbes na makipagkita sa isang kakilala ay pinipilit mo na lang na mag-usap na lang online. 'Yung tipong kapag niyayaya ka ng girlfriend mo na magkita ay sinasabihan mo na lang na sa chat na lang mag-usap. Break! Pangpito, walo sa sampung tao na nasa iyong facebook page ay hindi mo kaano-ano o hindi mo naman talaga kakilala. Pangwalo, pati mga alaga mong hayop tulad ng aso, pusa o maging baboy ay ginawan mo ng facebook account. O gawan mo pa pati kuto mo at ako na mismo ang pinakaunang mag la-like. Pangsiyam, ibang klaseng saya ang nararamdaman mo kapag nakikita mo na maraming friend requests, notifications, puno ang inbox at mga post sa wall mo. High na high ka na para lang naka hithit. Abot tenga siguro ang ngiti mo tulad ni joker na para na kayong pinagbiyak na inodoro. Basta napakarami pa ng mga sintomas na yan na wala na ako sa mood mag-explain pa kasi may ka chat pa ako, opps, este may katext pala.



Ayon sa mga therapists sa United States, sinasabing tumataas na ang bilang ng kanilang mga kliyente ang nahuhumaling o adik na sa facebook. Hindi ko lang alam pero parang ganito na rin ata ang nangyayari sa pilipinas. Isa lamang bang fad ang F.A.D o isa na rin itong sakit na unti-unting kumakalat sa mundo? Ano nga ba ang posibleng lunas? Kailangan siguro kapag napapansin ng mga magulang na mas binibigyan na ng kanilang mga anak ng prayoridad ang pag iinternet o pag pi-facebook kaysa sa pag-aaral o kung mas mahaba ng oras ang kanilang ginogugol para sa mga online na gawain, dapat siguro ay bantayan na ito. Wala ng mas nakakaalarma pa sa pagbaba ng kanilang marka, sa pagkawala ng oras sa pamilya o sa mga kaibigan at sa pagkawala ng interes nila sa dati nilang mga ginagawa dahil lamang sa facebook at sa ibang social networking sites. Ang nangyayari kasi imbes na pangaralan ng magulang ang kanilang mga anak ay iyon pa mismo ang nakikipag-unahan o nakikipag-agawan ng laptop para lang maka facebook. Pambihira, pati pala magulang may FAD na rin. Ay naku, ang dapat sana'y tayo ang komokontrol sa facebook at ilang social networking sites, pero ang nangyayari ay tayo na mismo ang kinokontrol nito. Nabaliktad ang sitwasyon. Ewan ko ba, ikaw na kasi ang addict sa facebook. Like!!!!!!!!!!!!!!!


Sources:
Amy Summers “Facebook Addiction Disorder”, Social Times.com

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM