5/19/12

ALAY PARA SA MGA AKTIBISTA


Militante. Progresibo. Palaban. May paninindigan. Aktibong pulitikal. Kumakalampag sa gobyerno. Kalaban ng gobyerno.

Ganito marahil natin mailalarawan ang mga aktibista. Sila ang gumagawa ng ingay kapag may isyu at usaping direktang naaagrabyado ang masa, ang pumupuna sa mga baluktot at hindi makataong polisiya na ipinapatupad ng mga may mataas na panunungkulan at ang sumasalo ng kapahamakan na ang kadalasan nga ay inihahatid sila sa hukay. Hindi madaling maging aktibista; napapaligiran ka ng mga mapanghusgang mata na matalim ang tingin sa iyo at 'yung mga tao na pinagsisilbihan mo ay sya pang walang pakialam sa kung ano man ang iyong ipinaglalaban. Nalimutan na ata ng ilan na parte na ng mahahalagang kasaysayan ng Pilipinas ang paglaban at pagkalampag ng mga aktibista sa huwad na pamahalaan. Ang dating pagsuporta ng ilan sa pagkilos ay napalitan ng pag-aalinlangan, takot at pagsasawalangbahala. Unti-unti na tayong kinakain ng makabagong sistema, sinusubo na lang natin ang mga kaisipan na dati rati ay isinusuka ng madlang gustong makamit ang ginhawa at pagbabago. Saklap.

Hindi ka nakakasigurong ligtas ang iyong buhay. Hindi ka nakakasigurado na hindi madadamay ang mga mahal mo sa buhay. Hindi mo alam kung kailan ka nila lalagyan ng bala sa ulo at sa ibang parte ng iyong katawan. Hindi mo alam kung saan at kung kailan itatapon ang naghihingalo mong katawan. Hindi mo lang iniisip ang sarili mo, iniisip mo ang magandang buhay na dapat sana'y tinatamasa ng buong sambayanang nababalewala.

Noon pa man, target na talaga ng estado ang mga progresibo. Kadalasan hindi na nila namamalayan na minamanmanan na sila ng mga nasa katungkulan. Lalo pa't noong administrasyong Arroyo, napakarami ang walang awang pinatay na aktibista at maging mga peryodista. Walang ligtas, walang sinasanto kahit mga kabataan. Kung progresibo ka mag-isip at kung panay sama mo sa mga aktibista na nagrarally sa plaza, hindi ka nakakasiguro sa buhay mo. Ang masaklap pa ay sa dami ng pinatay at sa harap-harapang pagyurak sa karapatang pantao, eh ang tanong: nakamit na ba ang hustisya? Napanagot na ba ang may-sala? Hindi.

Pati sa Bicol ay lantaran din ang patayan noong mga nakaraang taon. Si Cris Hugo, isang journalism student sa Bicol University, ay walang awang pinatay ng mga hindi nakilalang tao. Siya ay Regional Coordinator ng League of Filipino Students o LFS, at inakusahan na sumusuporta sa NPA. Pati na rin si Rei Mon Guran na nag-aaral din sa BU at ang provincial coordinator ng Albay LFS ay sinapit din ang karumaldumal na katapusan. Si Farly Alcantara naman, nag-aaral sa Camarines Norte State College at ang spokesperson ng CNHS chapter ng LFS ay pinaulanan ng apat na bala sa ulo tatlong metro ang layo mula sa gate ng kanilang paaralan. Si Joel Asejo, estudyante rin ng BU at miyembro ng Anakbayan ay pinagbabaril din ng mga hinihinalang miyembro ng militar. Napakarami pang iba ngunit hindi ko na babanggitin pa, tutal parareho lang naman ang kinahinatnan nila at isa rin lang naman ang demonyong may pasimuno. Patuloy na dumadaloy ang inyong dugo sa bisig ng mga taong patuloy na lumalaban para sa katarungan at hustisya.

Pero ano man ang mangyari, mawalan man sila ng mga mahal sa buhay ay hindi pa rin nawawala ang apoy sa kanilang mga puso. Anumang gawing pananakot at pagpatay ng mga nasa kapangyarihan ay hindi nito kayang pigilan ang masang galit at sawa na sa bulok na sistemang umiiral sa ating bansa. Ang mga aktibistang nagbuwis ng buhay ay hindi kailanman malilimutan ng sambayanan. Nagsisilbi silang alala na hindi nila kayang patayin ang prinsipyo at ipinaglalaban ng inaaping masa, bagkos, habang sila'y ginigipit ay mas lalo silang dumadami at lumalakas.

At sa ngayong panahon ng panunungkulan ni Aquino, huwag niyang asahan na titigil ang mga taong ito. Sa lahat ng kanyang pangako na hanggang ngayon ay napapako, sa lahat ng kanyang magagandang plano na hanggang sa ngayon ay sa panaginip pa rin natin natatamo, dapat lamang na gisingin na sya sa mahimbing nyang pagkakatulog. Sino nga ba naman ang nag-iingay at kumakalampag sa pamahalaan kapag may naaagrabyadong taong bayan? Ikaw ba?

___________________________________________________________
Image source: www.pinoyweekly.org

0 comments:

Post a Comment

 

INSTAGRAM